Facebook

‘Community pantry’ sagot sa kapalpakan; at Gov. Suarez ‘missing in action’

DAHIL narin sa kapalpakan ng gobyerno sa pagtugon sa mga “essential” na pangangailangan ng mamamayan na labis na naapektuhan ng higit isang taon nang community quarantine at paulit-ulit na lockdown dahil sa pandemya sa Covid-19, nabuhay sa ating dugo ang “Bayanihan”.

Oo! Maraming mamamayan na hindi naman mayaman ang naglagay ng “Community Pantry” sa labas ng kanilang tahanan. Nakapaskil dito ang mga katagang “Kumuha Batay Sa Pangangailangan”, at “Magbigay Ayon Sa Kakayahan”.

Nagsimula ang ganitong bayanihan sa isang barangay sa Tarlac, at kinopya ng maraming bayan at lungsod sa Metro Manila. May mga gumagawa narin nito sa bayan ng Odiongan, Romblon.

Sa kariton o lamesa na nakapuwesto sa open space ay naka-lagay ang iba’t ibang gulay, prutas, de lata, bigas, noodles, kape, asukal, asin at iba pa. Ang mga tao na walang pambili ng pamatid-gutom ay pumupunta rito, pumipila at kumukuha ng ayon lang din sa kanilang kailangan. Ang galing!!!

Naisipan ito ng mga taong napagod narin sa mga pangako at kahihintay sa pahirapang kapiranggot na ayuda ng gobyerno.

Mabuhay ang mamamayang Pinoy. Sana’y matoto na tayo pumili ng ating mga lider sa 2022. God bless…

***

NANANAWAGAN ang isang citizen’s group kay Quezon province Governor Danilo “Danny” Suarez na maging aktibo naman sa pagsawata ng pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan makaraang ideklara ito sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) kamakailan.

Bakuna at hindi pulitika ang kailangan ngayon sa Quezon dahil sa lumalalang bilang ng mga nagkakasakit, ayon kay Ed Santos, tagapagsalita ng ‘Quezon Rise movement’, isang bagong tatag na koalisyon ng mga grupong nais ng tunay na pagbabago sa lalawigan.

Sa datus ng Department of Health, aabot na sa 9,000 COVID-19 cases ang naitala sa Quezon province.

Ayon sa DoH, hindi bababa sa 30 hanggang 40 bagong kaso ng COVID-19 ang nadaragdag sa datos ng mga may sakit sa buong lalawigan.

Ayon kay Santos, halatang-halata ang kapabayaan ni Governor Suarez dahil 2.9% lamang ang vaccination rate ng buong lalawigan. Nadaig pa, aniya, ni Lucena Mayor Roderick “Dondon” Alcala si Governor Suarez nang makapagtala ito ng pinakamataas na vaccination coverage rate ang lungsod sa buong CALABARZON.

“Noon pong Enero, inanunsyo mismo ng ating gobernador na naglaan ang lalawigan ng isang bilyong pisong pondo para sa bakuna. Ang tanong po Gob.: “Nasasaan ang mga bakunang kailangang-kailangan na po ng ating mga kababayan sa Quezon?.” tanong ni Santos.

Kamakailan, isinisisi ni Suarez sa provincial board ang hindi pagpapasa ng kanyang badyet na diumano’y puno ng mga proyektong inprastraktura tulad ng paggawa ng basketball courts. Ayon sa Quezon Rise, hindi basketball courts kundi alagang medikal ang kailangan ngayon ng mga nagkakasakit na mga mamamayan ng probinsya.

Nanawagan si Santos na isantabi na muna ni Gov. Suarez ang pulitika at ang kanyang takot na matalo sa susunod na eleksyon at pagtuunan muna ang mga pangangailangang medical ng lalawigan.

Abala diumano si Suarez na siraan at isisi sa kanyang mga kalaban sa pulitika ang palala nang sitwasyon sa Quezon province samantalang walang aktibong paraan ang pamahalaang panlalawigan para bigyang tuldok ang problema. Mismo!

Gov. Suarez, matagal pa ang eleksyon. Magserbisyo ka muna sa mamamayan. Mismo!

The post ‘Community pantry’ sagot sa kapalpakan; at Gov. Suarez ‘missing in action’ appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
‘Community pantry’ sagot sa kapalpakan; at Gov. Suarez ‘missing in action’ ‘Community pantry’ sagot sa kapalpakan; at Gov. Suarez ‘missing in action’ Reviewed by misfitgympal on Abril 18, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.