HINAHANDA na ng kabisera ng bansa ang pagsasagawa ng “drive thru COVID-19 vaccination” para sa mga residente nilang senior citizens at persons with disabilities (PWDs).
Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na nakalatag na talaga ang kanilang drive thru vaccination para sa mga nakatatanda at may kapansanan, bilang konsiderasyon sa kanilang kalagayan.
Ayon dito ay hinihintay na lamang nila ang pagdating ng bagong suplay ng mga bakuna para maipatupad ito.
Iniulat din ng alkalde na sa kasalukuyan ay mayroong hindi bababa sa 18 na vaccination sites sa lungsod ng Maynila.
Mayroon ding “home service” o bahay-bahay na bakunahan para sa mga bedridden na mga residente kung saan si Vice Mayor Honey Lacuna ang personal na nagsasagawa ng pagbabakuna.
Kaugnay nito, patuloy ring hinihikayat ng alkalde ang mga taga-Maynila na magparehistro na para sa bakunahan.
Batay sa pinakahuling tala mula sa manilacovid19vaccine.ph, aabot na sa higit 318,000 ang pre-registered para sa bakuna.
Ang mga indibidwal naman na nakakuha na ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccine ay umabot na sa higit 14,000. (ANDI GARCIA)
The post Drive-thru COVID-19 vaccination para sa senior citizen/PWDs sa Maynila — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: