Facebook

Espekulasyon

HINDI namin inabutan ang kabuuan ng forum ng Kilusang Makabayang Ekonomiya (KME) ilang oras bago humarap si Rodrigo Duterte sa telebisyon noong Lunes ng gabi. Hindi kalakasan ang signal ng aming kinalalagyan sa bayan ng Odiongan sa Romblon. Nagkaroon ng forum sa pamamagitan ng teknolohiyang Zoom tungkol sa pang-aagaw ng China sa teritoryo ng Filipinas sa West Philppine Sea (WPS). Kahit nasa iba’t ibang lugar ang mga kalahok sa forum, natuloy ito at nagkaroon ng mabisang palitan ng mga pananaw.

Panauhin sa forum si Senadora Risa Hontiveros, isa sa mga oposisyonistang mambabatas. Hindi namin inabutan ang kanyang salita, ngunit narinig namin ang salita ni Ba Ipe, ang kasamang kolumnista sa pahayagang ito. Si Ba Ipe ang nagbukas at namamahala ng Anti-China Coalition, ang group page ng mga netizen na naninindigan kontra sa pagkamkam ng China sa teritoryo ng Filipinas sa West Philippine Sea. Buhay na buhay ang group page dahil sa Facebook dahil maraming netizen ang nagpapahayag ng saloobin laban sa China.

Inabutan namin ang bahagi kung saan ipinaliwanag ni Ba Ipe na kailangan maunawaan ang China bilang isang “imperial wannabe,” ang salita na ginamit ng senadora sa kanyang paunang salita. Kung babasahin ang kasaysayan, isang siglo na busabos ang China at nakaramdam ng sobrang kahihiyan sa mata ng daigdig dahil pinag-piraso at inangkin ang kanyang teritoryo ng mga manlulupig, ani Ba Ipe. Tinawag itong “century of national humiliation” na nag-umpisa noong 1840 at natapos nang maagaw ng mga komunista ang liderato ng bansa at isara noong 1949 ng mga Intsik ang kanyang hangganan sa mundo.

Binigyan diin ni Ba Ipe na hindi lamang ang kasaysayan ang dapat bigyan ng sulyap kundi maging ang kultura ng China. Iba ang China sa nakagisnan natin, aniya. Walang civi society sa China. Hindi ito kaparis ng Filipinas na malayang nakakapagpahayag ang mga sivil society organization tuld ng Akbayan at Magdalo ng kanilang opinyon sa maraming usapin, aniya. Hindi lang iyan, ani Ba Ipe. Nag-iisa ang opinyon sa China sa ilalim ng pamumuno ng nag-iisang lapiang pulitikal doon – ang Chinese Communist Party, ani Ba Ipe.

Batid namin ang paninindigan ni Ba Ipe pagdating sa China. Hindi siya bilib sa China at, sa ganang kanya, isa itong “haragan na estado” (rogue state). May mga panulat sa nakalipas si Ba ipe kung saan kinilala niya ang hindi kanai-nais na reputasyon ng China bilang sentro ng paggawa ng mga huwad na damit, sapatos, alahas, at iba pa. Minsan nabangggit ni Ba Ipe sa isang sulatin na walang ginawa ang China kundi nakawin ang sekretong pag-industriya ng mga mauunlad na bansa, labagin ang mga pandaigdigang batas sa copyright at patente, at lusubin at wasakin ang mga website ng mga Kanlurang bansa katulad ng Estados Unidos.

Ngunit may isang tagapagtanggol ang China na biglang pumasok sa talakayan. Isa siyang propesor ng kasaysayan ng San Beda University, ang pamantasan ng pinanggalingan ni Rodrigo Duterte na pangunahing bilib sa China. Hindi namin babanggitin ang kanyang pangalan dahil sisikat lang kahit walang malinaw na ambag sa lipunan. Ayon sa propesor na mukhang may tikwas ang galang-galangan (wrist, sa Ingles), huwag maliitin ang China dahil maaaring ang kanyang karanasan ang mag-udyok upang tayo ay sakupin.

Saksakan ng haba ang tinuran ng propesor na mukhang nagpapasikat sa mga kasama sa forum. Hindi malaman kung saan tutumbok ngunit kalaunan, sinabi niya na iba na ang China dahil sa ito ay malakas at makapangyarihan. Wala itong ipinagkaiba sa linya ni Duterte na nagtatanggol sa China. Sa huli, wala siyang binanggit na matibay na batayan upang tayo ay sakupin ng China. Matindi ang kasalatan ng kanyang katwiran sa lohika at batayan. Pawang espekulasyon ang kanyang katwiran. Nagpapalapad lamang ng papel upang siya ay makilala.

Maikli ang sagot ni Ba Ipe sa propesor. Ipinahayag niya ang kanyang pagtutol sa ugali ng iba na nagbibigay ng mataas na kalidad sa lipunang Intsik. “Don’t overrate China,” ayon sa nairitang Ba Ipe. Walang doktrina sa militar ang China dahil hindi ito nakaranas ng digmaan maliban sa Korean War noong 1951 at mga digmaan sa hangganan (border) laban sa India, Vietnam, at Rusya. Hindi na sumagot ang propesor dahil hindi naman niya alam ang isyung militar.

Kung ihahambing ang karanasan ng China sa Estados Unidos. Maraming sinalihang digmaan ang Estados Unidos at dahil hitik sa karanasan sa giyera ang Amerika, marami natuklasang doktrina sa digmaan ang mga Amerikano. Mukhang ito ang hindi naiintindihan ni Duterte, ang kanyang alagad na propesor ng San Beda at ang China mismo. Sagad-sagaran ang kanilang kabobohan at pagsamba sa China.

***

IISA ang tingin ng madla kay Rodrigo Duterte. Sobrang tamad sa gawain at iresponsable. Ito rin ang tingin sa kanya ni Sonny Trillanes. Tumatakbo sa gawaing bayan si Duterte at nawawala sa eksena kahit hindi krisis. Isang malaking pagkakamali ang inihalal siyang pangulo ng bansa noong 2016. Napag-iwanan ang Filipinas sa tamang pagsugpo sa krisis na dala ng pandemya mula sa mapinsalang Covid-19 virus. Batugan si Duterte.

Gusto ni Duterte baguhin ang tingin sa kanya ng sambayanan. Noong Lunes ng gabi, muli siyang humarap sa telebisyon. Kinausap niya ang ilang kilalang manggagamot at tinawag itong “Talk to the People.” Hindi namin alam kung epektibo ito upang magkaroon ng ilang bagong public policy upang masugpo kahit paano ang lumalalang pandemya.

Sa programa, binigyan ng puwang ni Duterte si Bebot Bello, kalihim ng paggawa, upang ipaliwanag ang dapat gawin sa mga nagbabalikang OFW. Tahasang inireklamo ni Bello na masyadong matagal ang dalawang linggong kuwarantina para sa bumalik na OFW upang muling makasama ang kanyang pamilya at mahal sa buhay. Ipinaliwanag ni Bello na bumaba ang positivity rate ng mga OFW. Mula 2% noong 2020, naging 1.5% na lamang sa 2021, o sa bawat 100 tao , 1.5 katao lamang ang positibo. Sa takbo ng pag-uusap mukhang ibababa ang bilang ng araw sa kuwarantina mga bumabalik na OFW sa siyam na araw mula 14.

***

BABABA Si Duterte kung ayaw sa kanya ng Sandatahang Lakas. Ito ang kanyang bagong drama kahit hindi na siya kapani-paniwala.May karugtong: Babalik siya sa Davao City. Nakarating na sa kanya ang kalatas ng matinding pagtutol ng mga opisyales ng AFP sa kanyang paninindigan pagdating sa usapin ng pangangamkam ng China sa teritoryo sa West Philippine Sea. Kampi si Duterte sa China. Hindi niya ipinagkakaila iyan. Ikinararangal pa nga niya ang pagiging duwag.

Ang nakakapagngitngit ng butse ay asal ni Duterte pagdating sa China. Kung ano ang tapang (o taray) ni Duterte sa mga Filipino, sobra ang karuwagan niya sa China. Iginigiit ng Commander-in-Chief na “mahina ang Filipinas” at “malakas ang China.” Sinasabi na wala tayo sa lugar upang gamitin ang diplomasya o pakikipag-usap sa China. Si Duterte ang unang balakid upang maayos ang sigalot sa West Philippine Sea. Saksakan ng duwag ang mabunganga at mapanglait na lider.

* **

MGA PILING SALITA: “No law is violated when one feeds the hungry and helps the needy survive in this pandemic. Community pantries should be praised, not profiled; replicated, not red-tagged; supported, not stopped.” – Domingo Egon Cayosa, national president ng Integrated Bar of the Philippines

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post Espekulasyon appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Espekulasyon Espekulasyon Reviewed by misfitgympal on Abril 22, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.