Facebook

Gumuguho

MISTULANG gumuguhong tore ang puno ng Balite sa Malacanan simula ng pumasok ang variant ng C-19 sa bansa. Mula sa 91% approval rating na pinangangalandakan ng tagapagsalita na si Haring Shokey tila nahirapan ito kung paano ipapaliwanag sa bayan ang mga kaganapan na bumabalot sa bansa. Unti-unting gumuguho ang approval rating ni Totoy Kulambo dahil maraming Pilipino ang nagigising at nagsisisi na nagkamali sa pagpili ng lider na mahusay lamang sa salita, at sala sa gawa.

Sa kasalukuyan, hindi makapaglabas ang paboritong survey organization ng kanilang datos hingil sa approval rating ni Totoy Kulambo dahil taliwas ang kinalalabasan ng kanilang pagtatanong at baka hindi magustuhan ni TK ang resulta. Hihintayin na muna ang susunod na bahagi ng taon hangang makabawi si TK sa pananaw ni Mang Juan at tumaas ang approval rating nito. Alam nilang hindi kaaya-aya ang resulta at kailangan ng oras o’ panahon upang pababain ang diskontento ng mga Pilipino.

Subalit sa kaganapan, parang palitaw na lulubog lilitaw ang paglilingkod sa bayan, at malamang hindi makababawi si Totoy Kulambo sa pananaw ni Mang Juan. Kitang kita na walang solusyon ito sa mga kaganapan na pinagdadaanan ng bansa lalo sa pagharap sa pandemya. Hindi dumarating ang dapat dumating tulad ng bakuna, ayuda at direktiba na siyang inaasahan ng maraming anak ni Mang Juan.

Litaw na litaw ang pagkakadismaya ng taong bayan dahil sa pagtaas ng mga nagkakaroon ng C-19 at ang kakapusan ng mga pagamutan na pagdadalhan sa mga ito. Sa dami ng nagkakaroon ng sakit, mga nangangagpanaw na mahal sa buhay at ang kawalan ng tamang tugon ng pamahalaan ang mismong humahatak pababa sa approval rating ni TK. Hindi maitago ang inis ng ating kababayan sa pabayang pamahalaan na hindi kinakitaan ng malasakit ang tamad at walang alam na si Totoy Kulambo. Hindi pa dito isinasama ang usapin ng trabaho at pagtaas ng bilihin na hindi nalalayo sa usapin ng pandemya.

Kung papansinin, ang mismong mga kalihim nito’y nagsisipagliban na sa kanilang trabaho upang makaiwas sa batikos ng bayan at ginagamit na dahilan ang pagkakaroon ng pandemya. Hindi nila magawang ipagmalaki ang mga donasyong bakuna na mula sa Tsina dahil alam nila na walang inaabot ito. Ang mga palabas na pagsalubong at pagpapaturok ng bakuna’y tila walang talab kay Mang Juan. Inaalala nito ang mabigyan ng lunas ang agaw-buhay na kalagayan ng mga anak at asawa na nagkaroon ng C-19.

Ang mga pagamutang bayan ay talagang punong-puno, kapos sa mga gamit at gamot na lubhang nakakadagdag pag-alala kay Mang Juan. At ang pag-aalalang ito’y karaniwang nauuwi sa dalamhati sa pagpanaw ng mahal sa buhay na hindi na nagamot ng doktor..

Balikan natin ang mga kalihim na tila andamyo na nababaklas at naiiwang walang makapitan at hindi maipaliwanag kung ano ang kalagayan ng nasa itaas. Ang nasa itaas ba’y nasa tamang kalusugan at pag-iisip o’ talagang hindi na mapanghawakan ang kalagayan nito bilang lider? Wala makapagsabi sa totoong kalagayan ni Totoy Kulambo kundi ang larawan sa social media na retokado.

Meron magagawa ang mga kalihim na ikakaganda ng bayan, sumulat sa Kongreso at ilahad ang tunay na kalagayan ng pagpapatakbo ng pamahalaan. Dito’y malalaman kung dapat bang ilipat ang pamamahala sa nakaupong bise-presidente, ng magawa ang dapat gawin upang harapin ang kasalukuyang usapin at ibangon ang bayan at ang kabuhayan ng mamamayan.

Unahin ang tungkuling bayan bago ang sarili. Ang usapin ng pandemya’y kumakatok na sa inyong mga tahanan na makakapinsala maging sa inyong mga kapamilya. Huwag hayaan na mangyari na nag-aalala sa kalagayan ng inyong pamilya dahil sa kawalan ng liderato ng bansa. Ang pag-agapay ng ating mga kaibigang bansa’y kailangan ngunit sa uri ng liderato na mayroon ang bansa, tila hindi ito makikita sa madaliang panahon.

Ang pakikiisa ninyo sa bayan ang pipigil sa pagkatok ng pandemya maging sa inyong pintuan. Iwasan na magkaroon ng tuwiran o’ ang pagguho ng pag-asa ng bayan maging ng inyong sariling pamilya dahil sa maling katapatan.

Nadarama na ni Mang Juan ang pagguho ng kanyang pag-asa dahil hindi nagagampanan ni Totoy Kulambo at ng mga alipores nito ang kanilang sinumpaang tungkulin. Hindi maamin sa bayan maging sa sarili na wala na talagang kakayahan na ipagpatuloy ang naatas na tungkulin dahil sa kung anong sakit ang nadarama.

Kung walang kakayahan na ayusin ang kalagayan ng bayan, ibigay na sa nararapat at hindi sa isang alalay. Ang pagnanais na patakbuhin ang bayan dahil sa sariling interes at sa interes ng amo mula sa Tsina ang tunay na pagtataksil sa bayan. Ang pangako sa bayan at sa sarili ginoong Totoy Kulambo, pangatawanan at ito ang magdadala sa iyo sa tamang kalalagyan sa kasaysayan.

Huwag isama ang bayan sa iyong pagguho sa halip bigyan halaga ang minsa’y ika’y pinagkatiwalan ng mga taong bayan. At ang sukli na dapat iganti, ang mailigtas ito sa napipintong pagguho. Alisin ang pangamba sa puso ni Mang Juan at ang tamang desisyon sa panig ninyo ang papawi sa pangambang dala nito.

Ang mabuting anak kailan man hindi itatakwil ng bayan. Kung sino man ang gumagalaw ngayon at naghahari-harian tumigil ka at aabutin ka ng karma… at nalalapit na hustisya.

Maraming Salamat po!!!

The post Gumuguho appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Gumuguho Gumuguho Reviewed by misfitgympal on Abril 14, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.