INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang mga nagtitiwala sa diyos. Lilipad silang parang mga agila na malalakas ang mga pakpak. Tatakbo sila ngunit di sila mapapagod, lalakad sila ngunit di sila mahahapo…” (Isaiah 40:31, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
DALAWANG LINGGONG ECQ SA METRO MANILA AT MGA KALAPIT NA LUGAR, SAYANG LANG, WALA DING BUTING IDINULOT: Wala rin. Nasayang lang din ang dalawang linggong paghihigpit o ECQ status sa Metro Manila, Rizal, Laguna, Cavite, at Bulacan, dahil wala ding buting idinulot ito upang mapigilan ang patuloy na pagkakahawa-hawa ng mga Pilipino na naninirahan o napupunta sa mga lugar na ito, sa Covid 19 virus.
Ito ay ayon sa Healthcare Professionals Alliance Against Covid 19, o H.P.A.A.C., sa kanilang pahayag na inilabas noong LInggo, ika-11 ng abril 2021, ilang oras bago binago ng gobyernong Duterte ang ECQ status ng nasabing mga lugar, at ibinaba na naman ito sa mas maluwag na MECQ.
Sa mga ulat na nakarating sa Kakampi Mo Ang Batas noong umaga ng Lunes, ika-12 ng Abril 2021, sinisisi ng lubos ng health professionals alliance ang gobyernong Duterte sa kawalan ng pakinabang ng bansa sa ECQ status na ipinatupad nito mula ika apat ng Abril 2021 hanggang ika-11 ng Abril 2021.
Nabigo diumano ang mga matataas na opisyales ng gobyerno na magpatupad ng mga pagkilos o mga proyekto o programa sa pang-matagalang panahon upang labanan ang Covid 19. “The two-week enhanced community quarantine (ECQ) was wasted, since the long-term changes necessary to prevent another surge of Covid-19 cases were not implemented,” dagdag pa ng asosasyon.
***
HEALTH PROFESSIONALS, SINISISI ANG GOBYERNONG DUTERTE SA PATULOY NA PAGLAGANAP NG COVID 19 SA PILIPINAS: Wala namang bisa ang mga pagbabawal ng ECQ sa mga tao na lumabas o magpunta sa iba’t ibang mga lugar, sa pagpapatigil ng paglaganap ng Covid 19 virus, gaya ng mga pagbabawal na inilabas ng Inter Agency Task Force on Emerging Diseases.
Walang kuwenta ang pagbabawal sa paglabas ng mga tao na ipinataw ng ECQ sa Metro Manila, Rizal, Laguna, Cavite, at Bulacan, pagliliwanag ng Alliance. Idinagdag nito na nanatiling wala namang nakikita ang publiko na matibay na pang-matagalang pagkilos ang gobyernong Duterte, dahilan upang nagpapatuloy ang paghihirap, pagdurusa, at pagkakasakit ng maraming Pilipino.
Wala pang inilalabas na sagot sa mga pahayag na ito ang Malacanang o maging ng Pangulong Duterte mismo o ng kaniyang spokesman na si Harry Roque na ngayon ay muling naka-ospital dahil muli siyang nahawa ng Covid 19. Magkaganunman, sa mga naunang pagpapahayag ng gobyernong Duterte, ipinagdidiinan ng kaniyang mga opisyales na may kinalaman sa Covid 19 na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang tugunan ang mga problemang dala ng Covid 19 sa bansang pilipinas.
Itinuturo nila na nakapagparating na ang gobyerno ng mga karagdagang bakuna mula pa din sa China, na inihahanda na upang mabakunahan ang mga sektor na higit na nangangailangan ng bakuna, dahil sa kanilang madalas na pakikipag-salamuha sa maraming mga tao.
***
TOTOHANANG PAGBABALIK SA DIYOS SA PAGBABASA AT PAGTUPAD NG KANIYANG MGA UTOS ANG SOLUSYON SA PANDEMYA, AYON SA HOSTS: Pero, bilang sagot ng Health Professionals Alliance, sinabi nito na ang mga pahayag ng kasalukuyang mga health officials ng gobyernong Duterte na bumagal ang pagkakahawa ng mga Pilipino sa loob ng panahong naka-ECQ ang Metro Manila at mga kalapit nitong lalawigan, ay wala pang matibay na pagpapatunay.
Ang totoo, sabi ng mga propesyunal sa larangan ng kalusugan, nananatili pa ding napakataas ng bilang ng mga nahahawa sa Covid 19 araw-araw. Bagamat mababa ang mga bilang ng infections sa buong linggong nakaraan sa pinakamataas na bilang ng mga nahawa two weeks ago, hindi pa din ito bumababa ang mga nahahawa sa sampung libong katao araw-araw.
Sa Daily radio-cable tv-online morning show naman na Bente Uno Minutos Mas o Menos, inulit naman ng mga hosts na sina Davao Methodist Bishop Rudy Juan, Pastor Jojo Gonzales, Atty. Noy Macatangay, at ng iyong lingkod, Atty. Batas Mauricio, na sa harap ng mga problemang dulot ng Covid 19, dapat samantalahin ng mga mananampalatayang Pilipino ang pagkakataon upang tutukan ang mga katuruang nagbibigay ng kapangyarihan sa pang-araw-araw na buhay.
***
REAKSIYON? KOMENTO? TANONG? 0947 553 48 55. Email batasmauricio@yahoo.com.
The post Health professionals, sinisisi ang Duterte gov’t sa paglala na COVID 19 appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: