Facebook

‘Hindi tayo nagkulang’

SA pagkahaba-haba ng prusisyon, isang salita ang ibinagsak ni Rodrigo Duterte sa kanyang muling paglitaw sa telebisyon noong Huwebes ng gabi: “Hindi tayo nagkulang.”

Hindi namin alam kung ito ay isang biro o insulto sa dunong ng sambayanan. Paano hindi sila nagkulang kung ang opisyal na datos na galing sa kanila ay humihiyaw ng solusyon sa pandemya?. Hindi bumababa sa 10,000 tao kada araw ang iginugupo ng sakit. Inuulit namin: 10,000 kada araw. Mahigit 900,000 ang bilang ng maysakit at pinangangambahan na aabot ito sa isang milyon sa katapusan ng Abril.

Nakakalula ang bilang ng mga nagkakasakit dahil wala silang ginagawa sa pandemya. Nagkulang sila sa pangangalaga ng kalusugan ng mga mamamayan. Walang mass testing, walang contact tracing, walang plano, walang programa, walang target, at walang malinaw na objective. Malinaw ang agham tungkol sa pandemya, ngunit hindi ginamit ang kaalaman upang masugpo at mabawasan ang epekto ng mapinsalang virus. Ang pinakamasakit: nahihirapan sila na makakuha ng bakuna.

Malaki ang pagkakaiba ng Filipinas pagdating sa pagsugpo ng pandemya. Isinara agad ng Vietnam ang kanilang bansa sa mga turista ng lumaganap ang pandemya. Ika-30 ng Enero noong nakaraang taon nangyari sa kanilang ban. Nakarating sa Filipinas ang balita na galing China ang virus, ngunit nagwalang bahala si Duterte. Naglabas-masok ang mga turistang Intsik sa Filipinas. Nagpalipat-lipat ang may sakit. Lumipas ang Pebrero at Marso na sila kumilos.

Matindi ang lockdown na ipinataw ng mga Vietnamese, ngunit hindi sa buong bansa kundi sa ilang lugar na kinakitaan ng pagkakasakit ng Covid-19. Hindi nila biniro ang mass testing at mass contact tracing, ayon sa mga ulat. Samantala, ipinataw sa Filipinas ang isa sa pinakamalupit na lockdown sa buong Asya, ngunit muling bumalik ang pandemya nang nakapasok sa bansa ang naibalitang variant, o bagong anyo ng virus.

Noong nakaraang buwan, humagip ng todo ang pangalawang sigwa ng pandemya na mas matindi kung ihahambing sa naunang sigwa noong nakaraang taon. Ayon sa datos, madali itong makahawa at biglang taas ang bilang ng mga nagkakasakit.Napuno ang mga ospital at nanganganib na bumagsak ang sistema sa pangangalaga ng kalusugan. Walang magawa si Duterte sa pangalawang sigwa ng pandemya.

Ngunit nakakatawa ang talakayan noong Huwebes ng gabi sa telebisyon. Imbes na talakayin ang solusyon dahil 10,000 ang nagkakasakit bawat araw, pinag-usapan ang paggawa ng sariling bakuna sa ilalim ng programang “vaccine self reliance.” Plano ng mga “bright boys” sa gobyerno na magkaroon ang Filipinas ng mga sariling pasilidad upang gumawa ng bakuna ditto at hindi umasa sa pag-angkat.

Walang problema sa naisip na programa. Ngunit aabutin ng dalawa o tatlong taon baga magkaroon ng mga bagong pasilidad sa bansa. Samantala, dumadami ang nagkakasakit at walang sagot ang gobyerno sa usapin na ito. Hindi tinalakay ang anumang mabilisang solusyon sa pandemya. Maliban sa programang self-reliance, nagpurihan lamang ang mga nasa gobyerno at nauwi sa wala ang talakayan.

***

KATULAD ng mga naunang paglitaw sa telebisyon ng tila nababaliw na lider, hindi binanggit ni Duterte ang usapin ng pangangamkam ng China sa exclusive economic zone ng bansa sa West Philippine Sea. Tengang kawali si Duterte, nagbibingi-bingihan kahit humihiyaw ang sambayanan na atupagin naman sana niya ang masamang gawain ng China. Mistulang ibinenta ang Filipinas sa mga Intsik. Masdan na hindi kumikibo si Duterte kahit na tawagin siyang “taksil sa bayan” o “Makapili.”

Wala silang isinukli sa nakakabinging batikos sa kanyang inaasal sa usapin kundi katahimikan. Kung ano ang tapan ni Duterte sa mga mahihina, babae, at walang kakayahan na lumaban, siya naman ang kanyang karuwagan pagdating sa China. Iisa ang konklusyon: Hawak sa bayag si Duterte. Maraming alam sa kanya ang Peking kung kaya takot siyang bumangga. Hindi niya mabangga ang kanyang amo at idolo pagdating sa usapin ng pangangamkam ng ating teritoryo.

***

TAHIMIK sa larangan ng pulitika ngayon. Hindi ito nangangahulugan na hindi sila kumikilos. Abala sila sa pagtatayo ng kanya-kanyang makinarya upang lumahok sa proseso sa pagpili sa susunod na pangulo at iba pang opisyales sa halalang pampanguluhan sa 2022. Kahit may pandemya, ginugugol nila ang kani-kanilang oras upang magkaroon ng tsansa na manalo sa halalan.

Tahimik sa pangkat ng Davao City. Naunang bumuga ang grupo ni Sara Duterte ng umpisahan nila ang kampanyang “Run Sara Run” kung saan nagkaroon ng motorcade sa iba’t-ibang panig ng bansa upang “hikayatn” si Sara sa tumakbo. Biglang nawala ng kumalat ang balita na may dinadalang karamdaman ang alkalde ng Davao City. Nabalita na pumunta siya sa Singapore upang magpagamot. May kumakalat na balita na lilipad si Sara sa Estados Unidos upang masiguro kung kakayanin niya ang kampanya.

Dahil hindi sigurado si Sara, may mga ilang pangkat na inihanda si Bong Go bilang kandidato ng grupong Davao. Hindi ang naghaharing koalisyon sapagkat natunaw na ito. Nagkanya-kanya na ang mga lapian at grupong pulitikal na dating kasama. Hindi nakakasiguro si Bong Go kung ano ang mga grupong sasama sa kanya. Hindi kasi maitago ni Bong Go ang imahe na alalay at utusan siya ni Duterte.

Kahit si Duterte ay alanganin kung sino ang kanyang susuportahan. Si Bongbong Marcos ba o ang kapatid na si Imee na nababalitang tatakbo kung hindi kakayanin ni BBM ang katawan na sumagupa? O si Manny Pacquiao na totoong sasabak sa 2022? Kung hindi lumipad ang kandidatura ni Bong Go, mapipilitan siyang tumaya sa ibang manok. Mahirap ang sitwasyon ni Duterte sapagkat kapag nagkamali siya ng taya, malamang sa bilibid ang kanyang punta sa sandaling bumaba siya sa Malacanang.

Hindi uubra ang anumang pagpapalawig sa kanyang termino. Malinaw ang Saligang Batas sa probisyon ng halalan. Bawal ang No-El, o no elections. Hindi makakaporma si Duterte at gamitin ang Armed Forces na agawin ang kapangyarihan sa kanyang pabor. Hindi lahat ng heneral ay nakinabang sa kanya. Paano ang mga junior officer? Papayag ba na si Duterte pa rin? Kaya matutuloy ang halalan sa 2022.

Buo rin ang oposisyon – ang tunay na oposisyon at hindi iyong mga peke na tulad ni Mane, Ping, at Dick. Nasa proseso ang 1Sambayanan upang piliin ang kandidato ng oposisyon sa 2022. May mga konsultasyon sa ibaba upang magkaroon ng suporta ang sinumang kandidato ng oposisyon na papalaot sa kampanya. Ngayon, dalawa ang pinagpipilian ng 1Sambayanan: Bise Presidente Leni Robredo at Sonny Trillanes, isang dating senador. Walang pahayag ang Bise Presidente kung may planong siyang tumakbo si 2022. Kapag pumayag siyang lumahok, susuportahan siya ni Trillanes at buong hanay ng oposisyon.

Ang isyu ngayon sa oposisyon ay ang pagkakaroon ng “viable opposition candidate.” Kaya ba ng kandidato ng oposisyon na pangatawanan ang batuhan ng putik sa kampanya? Kaya ba niyang tumayo sa gitna ng mga pananakot ni Duterte at mga goon? Kaya ba niyang labanan ang mga panggigipit ng mga nasa kapangyarihan? Kaya ba niyang ipakulong si Duterte kapag nanalo at naupong presidente sa 2022? Buo ba ng kanyang loob upang labanan ang pandemya at ang pangangamkan ng China sa ating teritoryo? Kaya ba niyang harapin ang China?

***

HINDI LANG SI Rodrigo Duterte ang batugan sa usapin ng pandemya. Kahit ang isang punong barangay ay tamad rin at hindi kumikilos. Huwag umasa ang mga naninirahan sa Barangay 694 Zone 75 District 5 sa siyudad ng Maynila. Ito ang barangay na pumapalibot sa dalawang pamantasan – Philippine Christian University (PCU) at Philippine Women’s University, San Marcelino, Pedro Gil, Gen. Malvar, Leon Guinto, at Agoncillo. Dahilan: Nagpabaya sa kanyang tungkulin si Margret H. Reyna, chairman.

Ayon sa ulat, nagbigay ng deadline ang DSWD SAGAT para sa mga barangay na hindi naisama sa unang batch para umaapela at mabigyan ng SAP forms hinggil sa ayuda ng kanyang mga nasasakupan sa barangay.Ngunit hindi naisumite ni Reyna sa takdang oras ang mga hinihinging requirement. Walang SAP form na naisumite ang barangay.

Isinisi ni Reyna na hindi siya binigyan ng DSWD ng SAP form. Ngunit isang itong kasinungalingan ayon sa pinuno ng DSWS SAGAT. Wala siyang naisumite sa DSWD. Sa gitna ng pagmamadali ng maraming opisyales, hindi siya kumilos. Hindi niya tinutukan ang usapin ng ayuda sa kanyang nasasakupan. Wala siyang naibigay kahit anuman sa kanila. Ayaw niyang harapin ang kanyang pananagutan sa mga nasasakupan. Kailangan siyang palitan dahil sa kapabayaan.

The post ‘Hindi tayo nagkulang’ appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
‘Hindi tayo nagkulang’ ‘Hindi tayo nagkulang’ Reviewed by misfitgympal on Abril 15, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.