Facebook

Galit galitan

MANIPIS ang galit-galitang asta ni Totoy Kulambo ng lumitaw ito noong Lunes ng gabi upang magbigay ng pahayag sa bayan. Hindi kinakitaan ng kababaang loob kahit galing ito sa pagliban ng 14 na araw at muling paglitaw habang nasa ilalim ng ECQ ang NCR at karatig lalawigan.

Habang nasa ilalim ng ECQ ang NCR siya nama’y nasa ilalim ng kulambo at mahimbing ang pagkakatulog na damang-dama ang katamaran at ang sarap talaga ng buhay. Sa paglitaw, galit na nagpahayag na bakit hinahanap gayung alam ng mga tao na nasa Malacanang siya at gumagawa ng sangkatutak na muta mula sa pagkakatulog.

Ipinagmalaki pa sa mga social media na abala ito sa mga gawain tulad ng pagmomotor at golf, at kung anu-ano pa at bakit kailangan pang hanapin ni Mang Juan Pasan Krus? Manigas kayo, P*****I**, magdasal kayo ng mahigpit upang makuha ninyo ang gusto ninyo, iyan ang tugon ng baliw kay Mang Juan na naghahanap ng video na nagpapakita ng proof of life nito.

Ang galit-galitang asta ni Totoy Kulambo’y tila script na sinusundan upang sa halip na dumipensa sa pagkawala at mabatikos, ang magpakawala ng PI at banat sa kritiko ang ginawa at hindi ang pagkawala nito ang ipaliwanag.

Malinaw na may itinatago ito lalo na sa kanyang kalusugan, ang 14 na araw na pagkawala’y may kahabaan upang makabalik sa dating kalusugan o malagpasan ang masamang nararamdaman. Mapapansin na parang saha ng saging ang balat nito at ang malakas lang ay ang bibig na talaga namang kayang itago ang masamang nadarama ng katawan.

Walang mga pagpapaliwanag sa pagliban sa halip binabangit na nakaugalian na nito na paghinahanap lalong nagtatago, bakit baliw ka bang talaga? O sadyang may katamaran at hinahayaan ang mga alipores ang magpalakad ng pamahalaan. Hindi ito isang Davao, Totoy Kulambo, na maari ipasa ang gawain sa tagapamahala sa anumang oras na gusto mo.

Isang bansa na ang maling pinagkatiwala sa iyo at hindi na maaaring ang tamad na uri ng pamamahala na kinagawian mo sa Davao City. Lalo sa kasalukuyang kalagayan na kalat ang pandemya, kalat ang kawalan ng hanap buhay, kalat ang kahirapan, kalat ang kawalan ng tiwala sa pamahalaan, kalat ang patayan maging sa hanay ng mga opisyal ng bayan at higit sa lahat dumarami ang mga islang nawawala sa ating bayan dahil sa pananakop ng dayuhan na hindi mo matayuan.

Sa muling paglitaw na parang palitaw may mga nalutas bang mga usapin na ikinaginhawa ni Mang Juan, wala. Sa halip namutawi sa bibig ang P**I at ang pagkutya sa naka piit na si SenD5, na talaga namang may katagalan na sa kinalalagyan gayong walang umusad na kaso laban dito.

Malinaw na walang positibong resulta ang muling paglabas at ginamit lamang ang oras upang dagdagan ang mga usaping bayan at itago ang ilang usaping mahalaga sa sambayanan. Sa pag-ulat ng iyong mga alipores na di malaman kung nagsasapawan, mapapansin na walang mga laman ang mga binabangit at karamihan’y laman lamang ng mga balita na nakita sa social media, at pinaka matingkad ang next slide please.

Walang datos sa paglutas ng mga usapin. Ang mga solusyon sa kawalan ng gamot at kakapusan sa mga pasilidad kontra pandemya’y malabo at walang direksyon. At sa Philhealth pinaaako ang mga usaping gastusin at ang kalihim ng kagawaran ng kalusuga’y nakanganga lamang. Tamaan ka naman ng hiya ginoong kalihim.

Sa totoo lang hindi malaman ni Mang Juan kung matutuwa o magagalit sa iyong muling paglitaw? At sa halip na matuwa nadismaya si Mang Juan dahil sa PI na nangibabaw sa iyong bibig na lubhang masakit sa tenga ni Mang Juan at sa maraming nakapanood..

Ang katamaran sa trabaho’y litaw na at mas mainam na ipasa ang iyong tungkulin sa may kalakasan pang Busy Presidente na kahit saang dako’y makikita ang pagiging masigasig. Ipasa kay Busy Presidente ang gawain dahil wala itong inuurungang gawain at handang gampanan anumang trabaho ang iatas.

Panis na ang galit galitang gawi’y at batid na ni Mang Juan na palabas lamang ito at ang pagharap sa tunay na problema ng baya’y ‘di mo kayang lutasin.. Hindi nais na agawin ang iyong tungkulin subalit kung wala ka ng kapasidad na ipagpatuloy ito, nakahanda at nakasaad sa saligang batas ang dapat humalili sa iyo, at alam mo ito. Huwag ng maghunos dili, gawin ang dapat gawin upang magawa na ang dapat na kailan may hindi sumasagi sa iyong isipan.

Ang galit galitan ipinakita’y lumang tugtugin at marahil hindi na kumikita kay Mang Juan. Hindi na ito pumatok sa takilya na tulad ng inaasahan mo. Ang hinahanap ng Pilipino ang mga solusyon sa usaping bayan na halos kumakatok na sa bawat tahanan. Takot na halos lahat sa kaganapan na talagang pumupuksa sa mga Pilipino.

Wala ng pinipili, matanda, bata may pera o wala, patuloy na kumakatok si kamatayan sa pinto ng kanilang tahanan. Solusyon sa problema ang kailangan, hindi galit-galitan at panunuya sa kalaban sa paniniwala. Ang bakunang ipinangako’y napalitan na ng usaping Ivermectin, Linghua, at kung anu-ano habang hindi malaman kung ano na ang kaayusan ng malaking halaga na salaping hiniram upang mapigilan ang pandemya.

Kinagigiliwan na ni Mang Juan ang mga usapin na makakapigil sa pandemya kahit ano pa siya. Ang iyong pagkawala’y balewala kay Mang Juan at ang muli mong paglitaw ay bangungot sa kasalukuyan. Maawa kay Mang Juan, ang kailangan niya’y solusyon o ang iyong resignasyon…

Maraming Salamat po!!!

The post Galit galitan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Galit galitan Galit galitan Reviewed by misfitgympal on Abril 15, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.