TAMA ang galaw ng Filipinas. Magsumite araw-araw ng diplomatic protest hanggang hindi umaaalis ang kanilang mga sasakyang pandagat sa West Phi8lippine Sea. Ipahiya ang China sa international community. Igiit ang ating karapatan sa ating exclusive economic zone (EEZ) sa West Philippine Sea. Sama-sama nating ipakita sa China at buong mundo ang pagmamahal sa bayan at pagtatanggol sa sariling teritoryo.
Pero may collatilla iyan, ayon sa aming kaibigan. Kapag ipinahiya ang China, ipinapahiya na din si Rodrigo Duterte, Bong Go, at iba pang kakampi ng China. Hindi sila lumalayo sa China. Sila ang mga kontrabida ng ating kasarinlan bilang isang bansa. Sama-sama silang nasusukol sa iisang sulok. Mistula silang mga dagang hinabol ng pamalo. Huli kayo!
Pinakamabisa ang ipahiya ang China sa pandaigdigang pamayanan (global community). Hindi mabisa ang aminin ang ating kahinaan na tulad ng ginawa ni Duterte. Nabisto tuloy na walang gulugod at buto si Duterte. Mahinang klase. Matapang lang siya sa kapwa Filipino, sa mga mahihirap at walang lakas. Ngunit duwag at kimi sa China.
Naninindigan ang Estados Unidos upang pangalagaan ang daluyan ng pandaigdigang kalakalan sa South China Sea. Hindi natitinag ang Estados Unidos sa pambubusabos ng China sa maliit na bansa na tulad ng Filipinas. Si Duterte, Bong Go, at iba pang pro-China ay pawang maiiwanan ng kasaysayan. Hindi sila makakalimutan bilang mga bagong Makapili.
Malinaw ang paninindigan ng administrasyong Biden. Kailangan bukas ang South China Sea para sa kinabukasan ng mga bansa sa Asya at mundo. Hindi maaari basta sakupin ito ng China ang mga karagatan at ariin na kanila. Walang batayan na sila ang may-ari ng mga karagatan.
***
NATAPOS ang Semana Santa. Maraming pulitiko ang palihim na nakipagpulong sa kanilang mga taga-suporta at nagsagawa ng kani-kanilang mga estratehiya upang pumalaot sa halalan sa 2022. Batay sa aming mga nakalap, sasabak si Manny Pacquiao na bilang kandidato ng PDP-Laban sa pagka-pangulo. Sasabak ang alinman kay Sara Duterte at Bong Go bilang kandidato ng grupong Davao City.
Wala kaming nakitang galaw sa kampo ni Bise Presidente Leni Robredo at sa Liberal Party kung saan kasapi siya. Patuloy na kumukonsulta si Isko Moreno bagaman hindi paborable ang mga nakakausap niya. Mas kailangan kasi siya bilang alkalde ng Maynila. Dahil nagpositibo si Erap Estrada, malamang na nombrahan niya si Jinggoy bilang kahalili sa Maynila. Tingnan natin kung magpaparehistro si Jinggoy bilang botante ng Maynila.
Nakaantabay si Sonny Trillanes sa daloy ng mga susunod na pangyayari sa pulitiko. Ngunit alam namin na pumayag siya sa paghuhusga ng 1Sambayanan, ang koalisyon ng mga puwersa maka-demokrasya sa bansa. Kung ano ang desisyon ng 1Sambayan, iyan ang desisyon ni Trillanes sa halalan sa 2022. Isang bagay ang alam namin: Hindi siya natatakot kay Duterte.
Nagbabantayan ang mga pulitiko. Matiyagang nag-aabang sa mga galaw ng kanilang kakampi at katunggali. Kinikilatis ang bawat kilos.
***
HINDI totoo ang ipinagmamagaling ng isang pipitsuging undersecretary ng DILG na nagsabing walang solusyon ang pandemya. May solusyon kung gugustuhin. Tingnan ang Estados Unidos. Hindi kumilos si Donald Trump kaya lumaganap ito at marami ang namatay.
Nang manumpa si Joe Biden noong ika-20 ng Enero, binalak ng kaniyang administrayon ang magbigay ng 100 milyon bakuna sa unang 100 ng kanyang panunungkulan. Maraming Amerikano ang kaagad na nagpabakuna. Sa ika-58 araw niya sa tungkulin, umabot na sa 100 milyon ang nabakunahan. Dinoble na ngayon ang original na plano. Ginawang 200 milyon sa unang 100 araw. Mukhang matutupad.
Plano ni Biden na mabigyan ng bakuna ang lahat na mamamayan sa buong taon. Sa maikli gusto na nila bumalik sa normal na pamumuhay sa taong ito. Mukhang makukuha ni Biden ang pangarap kahit na patuloy nilang pinag-iingat ang madlang Amerikano laban sa mga mapanganib na variant. Ito ang halimbawa ng pagnanasang pulitikal. Kaya mali ang buwang na undersecretary ng DILG. Siya lang ang walang solusyon.
***
BALIK tayo sa isyu ng South China Sea. Tama ba sabihin na bumabaligtad na ang gobyernong Duterte sa paninindigan tungo sa China? Mukhang ito ang tinutumbok ng ga pahayag ni Delfin Lorenzana at Teddy Locsin. Sa magkakahiwalay na pahayag ng kani-kanilang sangay, hindi nila nagugustuhan ang pananatili ng mga sasakyang pandagat ng mga Intsik sa WPS at hinihingi ang kanilang madaling paglisan.
Iba-iba ang pananaw ng mga netizen. Palabas lang umano ang mga pahayag at sa huli, bibigay sila sa utos ni Duterte na tinitingnan bilang isang utusan ng China. Mag-iiba ang kanilang pahayag na walang iniwan sa damong makahiya kapag kinanti ng China. Hindi namin alam kung batid ni Duterte na ganito ang tingin sa kanya ng sambayanan na nagluklok sa kanya sa poder sa 2016. Mababa sa dilang mababa.
Sa ganang amin, mukhang nahati na ang gobyerno ni Duterte sa dalawang paksyon. Nandiyan ang paksyon na kampi sa China. Si Duterte at Bong Go ang nangungunang kasapi ng paksyon na iyan. Nandiyan sa kabila ang paksyon na kampi sa Estados Unidos at gumagalang mga tratado at kasunduan na pinasok ng Filipinas at Estados Unidos. Nandiyan ang malaking bilang ng mga opisyales – senador at mambabatas, sundalo, at opisyales ng Sandatahang Lakas. Ito ang political dynamics sa gobyerno pagdating sa isyu ng South China Sea.
***
MGA PILING SALITA: “Don’t be too hopeful or optimistic. We’re not dealing China from a position of strength. On the contrary, we’re dealing Peking from a position of weakness. The guys China have fielded to deal with the South China imbroglio are hardened veterans, who have been watching or dealing with this issue for decades. We have guys like Sal Panelo, Harry Roque, Teddy Locsin and even Del Lorenzana, who are virtually amateurs. They are not sizzled negotiators. Mga ampaw ang mga iyan Kapag pinagsabihan ni Rodrigo Duterte na pro-China, magtitiklupan ang mga iyan na parang dahong makahiya… Hindi sila ganyan kagaling… Hindi nila mauutakan ang mga Intsik…” – PL, netizen
“[Duterte] is the only head of state that I’ve seen bow down when meeting Chinese officials! No pride in himself, or his office, or his compatriots, or his own country…Nakupu!” – Eugenio Ramos, retiradong mamamahayag, netizen
“Huwag po kayong uminom bg IVERMECTIN. Hindi po ito gamot pangontra sa COVID-19 infection. Walang ebidensya na mapipigilan nito ang pagkakahawa mo sa virus. Huwag po maniwala sa mga sabi-sabi. Ang gamot na ito ay para lang sa bulate sa bituka.” – Dr. Ram Cruz, netizen, manggamot
“The best and brightest in health care go to VP Leni for consultations. That’s why the VP has solutions re the pandemic.- PL, netizen
The post Ipahiya ang China appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: