LAKING PANGAMBA ng Malakanyang nang makarining ng salitang “Maginhawa” sa gitna ng pandemya. Para din kasi itong bakuna na sa tuwing maririnig ng Palasyo, inaakala na nila na ito’y ringilyas na itunuturok ng taumbayan sa kanilang kalamnan.
Trypanophobia ang tawag sa takot sa ineksyon, ayon sa aking nabasa. Ito kayang takot sa Maginhawa ay maari nating tawaging pantryphobia?
Dalawang bagay. Una, nang umentra na ang pulis at militar sa isyung ito at magsimulang mang-redtag, ang papag at pagkain sa bangketa na libreng ibinibigay at kinukuha ayon sa kakayayan at pangangailangan ay naging usapin na ng pambansang seguridad. Ang redtag spokesman mismo ng AFP, si Gen. Parlade ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang nagsabi na maari daw magamit ang mga community pantries (CP) na ito para pag-alsahin ang mga tao laban sa gubyerno. Huh, praning to the max si general. Ang DDS propagandist naman na si L. Badoy ay nagsabi na mga komunista lang naman daw ang natutuwa sa CP. Pinagsuspetsahan pa nito si Patricia Non na baka dugasin daw nito ang mga donasyon. Bobadass talaga itong si Badoy!
Ikalawa. Nang sabihin naman ng isang opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) na kailangang kumuha ng permit ang mga CP, malinaw na nais ng administrasyon na iparamdam na abot kayo ng mahaba nitong kamay sa pamamagitan ng regulasyon. Umatras na lamang ang mga kamay na ito nang sumigaw ng ‘hands-off’ ang mga netizens at sabihin ng ilang LGUs, katulad ng Pasig at QC, na there’s no such thing as “permit to help”.
Malinaw, kung gayon, ang pagtatangka ng adminsitrasyon na siraan kung hindi man pigilan ang paglaganap ng CP. Sila itong nakaka-terorize. Ano pa nga ba ang ibig sabihin ng patago at lantarang paramdam ng PNP, AFP, at DILG sa ‘maliliit na bagay’ na ito? Pang gyera at pang peace and order ang mga ahensyang ito. Bakit, sa halip na pulis, sundalo, at interior department, ay hindi mga opisyal at tauhan ng National Economic Development Authority (NEDA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), at Department of Trade and Industry (DTI) ang ipinadala dito ng Presidente? Ang mga ahensyang ito ang nararapat at may alam sa ganitong bagay. Dahil sa halip na i-redtag, ang dapat gawin ng gubyerno sa mga CP ay i-reinforce para labanan ang kagutuman na bago pa dumating ang pandemya ay laganap na sa Pilipinas.
Hindi rin naman bago ang konsepto ng community pantry. Wala ni anino ng terorista sa bagay na ito. Food banks na pinamamahalaan ng mga charitable institutions ang unang anyo nito sa Pilipinas na halaw din lamang sa karanasan ng ibang bansa. I-google lang ito ni Badoy ay makikita niya ang ilan dito na umiiral pa sa bansa hanggang sa kasalukuyan. Baka magulat din siya na libu-libong food banks pala ang mayroon sa buong mundo, kahit pa nga sa mayayamg bansa katulad ng Amerika, Canda, Australia, at Europa. Ito ay dahil ang pagtulong ay wala namang pinipiling bansa o panahon. May mga taong may kakayanang magbigay ng donasyon para sa mga walang-wala.
Ngunit katulad din ng iba pang pribadong inisyatiba, ang mga food banks, at magkagayon itong mga CPs, ay mahaharap sa maraming balakid katulad ng kakapusan sa pondo, suplay, personel, o donation fatigue. Kung kaya’t marami sa kanila ay hindi nagtatagal. Tiyak na kakaharapin din ang balakid na ito ng Maginhawa CP, atbp, gaano man kadakila ang layunin nito. Na sana nga, at ito ang tamang gawin, sa pagkakataong sila ay tuluyang tumiklop dahil sa mga nabanggit na limitasyon, dapat may sariling plano ang pamahalaan na ito ay maipagpatuloy at higit pang mapalawak. Hindi iyong patiklupin sila dahil sa pantryphobia na lilikha lang ito ng problema.
Ito ang alam kong nasa likod ng inihaing panukala ni Sen. Risa Hontiveros, ang Senate Bill 2126, o ang “Ensuring Zero Hunger for All Filipinos Bill” kamakailan lamang, na naglalayong lutasin ang problema ng gutom at malnutrisyon sa bansa. Sa bill na ito ay iminumungkahi ng Senadora na i-institusyonalisa ang mga food banks nang sa gayon ay makakuha ito ng suporta sa pamahalaan at mas mapalawak pa ang kanilang napagsisilbihan sa mga nangangailangan.
Hindi ba’t mas makabuluhahan ang ganitong panukala? Nakikita naman natin na pareho lang mahaba ang pila sa lubog-lilitaw na ayuda at sa mga CP na ngayo’y nagsulputan. Nagiging pulitikal lamang ang larawan ng CP dahil nangyayari ito sa panahong pinag-uusapan ang kapalpakan. Ngayon, kung ayaw namang aminin na may opisyal na kapalpakang ngang nagaganap sa pagharap sa pandemya, dapat na lang nilang ipasalamat na sa gitna pala nito ay may magaganap na himala – nang ang mga teroristang hinahanting ni Badoy at Parlade sa likod ng CP, ay naging ganap na tinapay at iba pang pagkain.
The post Kailangan bang i-terrorize ‘yan? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: