TULOY-TULOY ang libreng cremation sa Manila North Cemetery ng mga nasawi sa COVID-19 kahit pa bumibigat ang dami nito na umaabot sa 22 hanggang 26 bangkay kada araw.
Binigyang diin naman ni Manila Mayor Isko Moreno na sa kabila na libre ang cremation sa MNC simula pa noong kasagsagan ng pandemya noong isang taon ay sinabi niya na: “I don’t like giving that kind of service. Hearing about deaths taking place in the city never fails to sadden me.”
Sa pamamagitan ng isang memo noong isang taon, inimpormahan ni Manila Barangay Bureau chief Romy Bagay ang lahat ng barangay sa lungsod kaugnay ng probisyon na nagbibigay ng libreng cremation sa sinumang taga-Maynila o sa kanilang mahal sa buhay na namatay sa COVID-19 sa MNC. Ang nasabing probisyon ay alinsunod sa utos ni Moreno.
Sinasaad sa nasabing memo, ayon kay Bagay, na ang libreng cremation ay first-come, first-served basis para sa mga nasawi sa COVID-19.
Ayon pa kay Moreno na ang libreng cremation ay nangyari noong sinasaad pa sa batas na ang mga nasawi na kumpirmado at hinihinalang kaso ng COVID-19 ay dapat na sunugin o ilibing sa loob ng 12-oras makaraang mamatay.
Napuna ng alkalde na ang gastos sa cremation ay umaabot sa pagitan ng P18,000 hanggng P40,000 at ang napakamahal na presyo na ito ay dagdag dagok sa mga namatayan.
Pinayuhan ni Moreno ang lahat ng kaanak ng nasawi sa COVID-19 na makipag- coordinate sa tanggapan ng MNC sa ilalim ni Director Roselle ‘Yayay’ Castaneda para sa schedule at kakailanganing requirements.
Nabatid mula kay Castaneda na bukod sa submission ng application, inoobliga rin ang miyembro ng pamilya o kaanak na iki-cremate na magdala ng kanyang identification card pati ng ID ng iki-cremate, urna na sisidlan ng abo ng bangkay at temporary death certificate na pirmado ng doktor.
Kapag nakumpleto na ito ay maari ng kumuha ng schedule ang miyembro ng pamilya mula sa MNC.
Ayon kay Castaneda ay inaabot ng dalawang oras ang cremation at karagdagang 30 minuto para sa cooling time. Nabatid na karaniwang nagsisimula ang cremation nang 5 a.m. at natatapos ng 1 a.m. kinabukasan dahil sa dami ng mga sinusunog na bangkay.
Ang pinakamahalaga ayon pa kay Castañeda ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagbubukas ng cadaver bag at kapag dumating ito ay agad na susunugin.
Samantala ay dinalaw ni Moreno ang pagtatayuan ng Manila COVID-19 Hospital sa Luneta Park kasama si City Engineer Armand Andres na nagsabing ang kanyang mga tauhan ay round-the-clock na nagtatrabaho upang masapul ang target na matapos ito sa loob ng 60-araw na mismong si Moreno ang nagtakda. Dito ay kinausap ni Moreno ang mga manggawa at pinasalamatan ang mga ito. (ANDI GARCIA)
The post Libreng cremation sa MNC ng mga nasawi sa COVID-19, tuloy-tuloy appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: