PINURI at pinasalamatan ni Manila Mayor Isko Moreno ang liderato at mga kawani ng Manila Social Welfare Department (MSWD) dahil sa walang humpay nitong pagtatrabaho upang maipamahagi ang financial assistance mula sa national government kaugnay ng enhanced community quarantine.
Kasabay nito ay inanunsyo ni Moreno na nasa 88 porsyento na ng mga beneficiaries sa kabisera ng lungsod ang nakatanggap na ng kanilang ayuda, ito ay sa kabila na sa Mayo 15 pa ang deadline.
“Maraming salamat kina MSW director Re Fugoso at sa kanyang mga social workers at daycare workers sa kanilang kasipagan at tiyaga,” pahayag ng alkalde na nagsabi rin na nagha-house-to-house ang mga kawani ng MSWD upang maabot maging ang mga bedridden o physically-challenged na beneficiaries nito.
Pinasalamatan din ng alkalde ang mga beneficiaries na nagpakita ng disiplina sa pagtugon sa minimum health protocols. Base sa datos nasa 3,173 na persons with disabilities (PWDs) at 486 solo parents ang mga nakatanggap na ng kanilang ECQ financial aid mula sa national government.
“Masaya ako na kayo ay disiplinado. Maraming salamat at di kayo napabag sa alinmang aalitutuntin ng IATF… may distancing at orderly manner of distribution.. wala talaga dapat ikataranta dahil sa Manila, kwentas klaras tayo,” pahayag ng alkalde.
“I am truly proud of the social workers of Manila and daycare workers. Maraming salamat, keep it up,” ayon pa sa alkalde na pinayuhan din ang mga miyembro ng pamilya ng mga bedridden o physically-challenged na impormahan ang kanilang barangay upang maabot sila ng MSW.
“‘Wag kayong mahiya lumapit o magsabi. Naniniwala ako na bagamat pagod na pagod na sila, they will go out of their way to help kasi kung nanay nila ‘yan, gusto nila mabigyan ‘yan kaya naniniwala akong tiya-tiyagain nila ‘yan,” dagdag pa ni Moreno.
Samantala ay hinikayat ni Moreno sa lahat ng kwalipikadong beneficiaries pero hindi nakasama sa listahan na sumulat sa tanggapan ni Fugoso at hilingin na isama sa listahan. Sinabi ni Moreno na walang mawawala at may tsansa pa na mapabilang sa listahan, pero ito ay first-come, first-served basis.
Tiniyak ni Moreno na walang dapat ipangamba ang mga aplikante dahil kilala si Fugoso sa pagiging parehas at magsasagawa ito ng imbestigasyon at background checking upang matiyak na ang lumiham ay kwalipikado at nararapat na mapabilang sa mga tatanggap ng ayuda.
Nabatid na may mga nasa listahan ng national government ang mga namatay na o hindi na nakatira sa Maynila, dahil dito ay mabibigyan ng pagkakataon ang iba na nasa ika-4 na kategorya o indibidwal na apektado ng ECQ base sa pagtukoy ng local government unit o LGU.
Sa pangyayaring ito ay may matitirang pondo na magagamit ng lokal na pamahalaan upang ipamigay sa mga hindi napasama sa unang tatlong kategorya ng priority list ng beneficiaries.
Pinaliwanag pa ng alkalde na sa pamamahagi ng ayuda, ang mga LGUs ay naatasan na unahin sa social amelioration program beneficiaries sa ilalim ng Bayanihan Acts 1 and 2; ang mga nasa waitlisted at nabibilang sa vulnerable groups tulad ng mga low-income individuals, namumuhay na mag-isa, PWDs at solo parents. (ANDI GARCIA)
The post Liderato at kawani ng MSWD, pinuri at pinasalamatan ni Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: