TUNAY na maka-Diyos, makatao ang layunin ng mainit na pinagdedebatehang “community pantry.”
Noon, ang tawag natin dito ay diwa ng bayanihan – na nabigyan ng bagong anyo, bagong pangalan at kahulugan ngayong panahon ng pandemyang COVID-19.
Kabutihan sa kapwa; malasakit sa kapitbahay; tulong at habag sa mga taong walang-wala.
Kusang kaloob ng mga mayroon; pagtanggap sa kaloob kalakip ang mataimtim na pasasalamat.
Ito nga ang naisip na gawin ng 26-anyos na si Ana Patricia Non, ang itayo ang unang community pantry sa Barangay Maginhawa, Quezon City.
Naisip ito ni Patricia, sabi niya, kasi raw, kulang ang tugon ng gobyerno laban sa pandemya; marami na ang naghihirap, marami ang nagugutom!
Sa pantry, libre na makakukuha ng bigas, mga gulay, itlog, de-latang pagkain at bitamina na nalagay sa kariton na may nakasabit na karatula: ‘Magbigay, ayon sa kakayahan; kumuha ayon sa pangangailangan.’
Lumagablab ang magandang kilos laban sa gutom na inumpisahan ni Patricia at umusbong ang daan-daang community pantry sa maraming lugar sa Metro Manila, Luzon at umabot hanggang Benguet at Zamboanga.
Dahil sa pag-uumpok-umpok at pagdami ng mga tao sa Community Pantry ni Patricia, naalarma ang mga pulis na sinita ang aktibidad at dito na nagsimulang nabahiran ng politika ang magandang layunin ng pag-aabot ng tulong at malasakit sa kapwa.
***
Nadagdagan ang alalahanin ni Non nang sumulpot ang mga post sa social media na ikinakabit ang community pantry sa kilusang komunista, at ito raw ay hindi tulong kungdi isang uri ng propaganda – sa layuning pasamain at pag-alsahin at tuligsain ang gobyerno.
Agad itong sinakyan ng mga kritiko ng pamahalaan, at ng mga anti-Duterte na pinaratangan ang pulisya at militar ng panggigipit sa mga kilusan na ang nais lamang ay tumulong na mapagaan ang mabigat na dalahin ng maraming mahihirap na mamamayan.
Kinondena ng kakampi ni Patricia ang anila ay red-tagging at panggigipit ng gobyerno.
Anila, hindi dapat na pigilan at matyagan ang mga ganitong maka-Diyos at makataong gawain at hindi ito dapat na kulayan ng politika.
Pero iginiit ng gobyerno, may mga tuntunin na kailangang pairalin dahil maraming nalalabag sa health protocols laban sa pandemya.
Marami ang tumuligsa at hindi nakinig sa pakiusap na makipag-ugnayan muna sa mga lokal na pamahalaan bago magsagawa ng community pantry – na ito ay mariing tinutulan sa katwirang bakit pa pipigilan ang magandang gawain ng pamimigay ng libreng pagkain sa mga nagugutom.
Proteksiyon laban sa mabilis na pagkalat ng virus ang nais ng gobyerno kaya nais na ikoordina muna ang mga community pantry sa mga lokal na opisyal at nangyari ang hindi inaasahan.
Hindi lamang may 67-anyos na lalaki ang namatay sa community pantry na ginawa ng aktres na si Angel Locsin sa Brgy. Holy Spirit sa QC kaugnay ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan kamakailan.
Dahil hindi nasunod ang tuntunin sa quarantine at health protocols, huling balita, marami sa mga pumila – ang totoo ay umabot daw sa kung ilang libong tao – ang nagpositibo sa COVID-19.
Nangyari, sabi mismo ni QC Mayor Joy Belmonte at ng kapitan ng Brgy. Holy Spirit, iniwasan ng tropa ni Locsin na makipag-ugnayan sa kanila sa ginawang pamimigay ng ayudang pagkain sa mga pumila.
Hindi na rin gumalaw ang mga pulis-Quezon City, marahil sa takot na ulanin ng batikos at paratang na red-tagging.
***
Ang magandang layunin ni Locsin ay nabahiran ng trahedya at wag sanang mangyari na lumubha ang mga nagkasakit ng COVID-19 sa community pantry ng aktres.
Malaking dagok ito sa magandang espiritu ng pagbibigayan at pagmamalasakit sa kapwa.
Kung sumunod lamang sa tuntunin ng gobyerno laban sa pandemya – na siyang sinasabing hangad ng nagtataguyod ng community pantry, sana ay hindi nagbuwis ng buhay ang isang senior sa birthday pantry ni Locsin.
May magandang layunin na ayaw man ay nagaganapan ng kamalasan at kamatayan.
Pagsunod at pagtitiwala sa pamahalaan; pagdisiplina sa sarili at pagtutulungan ang mas tamang hakbang, hindi ang pagsalungat at aksiyong mabuti nga pero magpapahamak sa mamamayan.
Maging aral sana ang pangyayaring ito at sa susunod, mas maayos, mas masayang pagtutulungan ng mamamayan at ng pamahalaan ang maging resulta ng bagong konseptong ito ng sama-samang tulong at bayanihan.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post Magbigay, ayon sa kakayahan; Kumuha, ayon sa pangangailangan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: