Facebook

Magkano ang ECQ?

NANG sabihin ni Duterte na “maliit na bagay” lang ang pandemyang COVID-19, mas ang tinutukoy niya dito ay ang kakayanang magtiis at magsakripisyo ng mga Pilipino. Hindi pa dahil kaya itong harapin at sawatain ng kanyang palpak na liderato. Mas marami pa raw tayong mabibigat na problemang naalpasan, samakatwid ay kakayanin din natin ito. “Hindi ko kayo iiwanan,” dugtong niyang pahayag bago naisipang magtago ng dalawang linggo.

Ang panawagang magsakripisyo ang huling sigaw ng liderato na nakaharap at untog na sa pader. Ito ang sitwasyon na ang direksyon ng pamumuno ay hindi na pasulong, hindi rin paatras kundi patungo sa pagsabog. Kitang-kita natin ito sa mga huli niyang pahayag bago ang kanyang pagkawala sa mata ng publiko. Bago nito ay napagtanto niya na importante pala talaga ang mass testing. Na kailangan palang mamigay ng libreng facemask sa mahihirap. Na kailangan pala ng dagdag na hospital beds. Na kailangan pala ng mas malaking stimulus kaysa sa itinulak ng Palasyo na Bayanihan 1, 2, at ang 2021 national budget.

Ngayon ay hindi niya siguro lubos maisip na ang maliliit na bagay na ito katulad ng mass testing, facemask, at contact-tracing, kung maagap at maayos na nagawa at sistematikong naipatupad ay malamang hindi tayo umabot sa pinakamalalang resesyon at hindi naging mas malala pa sa una ang ikalawang pananalasa ng virus at muling humantong sa imposisyon ng enhanced community quarantine (ECQ). Nakakapaghanapbuhay pa sana ang marami habang naghihintay ng kapanapanabik na bakuna.

Hindi matanggap ng mga Pilipino na matapos ang isang taon ay babalik lang tayo sa ECQ at muling makikipagtuos sa parehong virus. Ito ay hindi dahil naasar lang ang publiko sa “heto na naman” na kwento kundi mas dahil pa ang nakikita na nila ngayon ay ang kapalpakan ng liderato. Dahil labis-labis na ang kanilang naging pagtitiis para lamang pakiusapan na muli pang magtiis.

Magkano nga ba ang halaga ng ECQ o epekto ng lockdown sa ekonomiya at sa kabuhayan ng mga Pilipino para magkaroon tayo ng ideya kung maibabalik pa nga ba ito ng higit pang sakripisyo?

Sa naunang presentasyon ni Congresswoman Stella Quimbo sa Nagkaisa Labor Coalition, sa senaryong mananatili sa malalim na resesyon ang Pilipinas sa buong taon ng 2020, tinatayang aabot sa P2.5 trilyong halaga ang mawawala sa ekonomiya kung ang gross domestic product (GDP) ay babagsak sa -6.6%. P3.2 trilyon naman ang mawawala kung ang GDP ay sumadsad sa -10%. Ang pinal na GDP sa buong taon ng 2020 ay -9.5%, pinakamababa sa buong ASEAN. Sa madaling salita, hindi bababa sa P3 trilyon ang tantyang nawala sa ekonomiya ng Pilipinas sa buong taon ng 2020.

Anu-ano ba ang kinakatawan ng trilyones sa nawalang halaga na ito? Ito ay halaga ng nawalang oportunidad sa produksyon ng mga kompanya, bumagsak na volume ng export at import, nanguluntoy na household consumption, at malaking halaga ng naglahong sweldo ng mga manggagawa. At kahit ano pang antas o laki ng panibagong sakripisyo ang gawin ng mga Pilipino, hindi na maibabalik ang nawalang halaga na ito. Nadagdagan pa nga siya dahil sa panibagong imposisyon ng ECQ sa tinatawag na NCR Plus bubbles noong huling linggo ng Marso.

Magkano naman ang halaga nitong ECQ2? Sa taya mismo ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang dalawang linggong ECQ ay magiging dahilan sa pagkawala ng 252,000 trabaho, P30 bilyon ng mawawalang kita, at 102,000 na mga Pilipinong madadagdag sa listahan ng bagong mahihirap.

Sa sarili namang taya ng Department of Trade and Industry (DTI) ang dalawang linggong ECQ dito NCR Plus ay aabot sa 1% ng GDP ng bansa. Ibig sabihin, kung ang GDP ng Pilipinas ay nagkakahalaga ng P18 trilyon, ang nawalang halaga sa nakalipas na dalawang lingo ay P180 bilyon. Muli, ang natapong halaga na ito ay hindi na muling maibabalik magpatuloy man ang lahat sa pagsasakripisyo. Sa NCR Plus pa lamang ito. Hindi pa naisasama sa kwenta ang mga lugar na kahit hindi ECQ ay nagpapatupad din ng kani-kanilang paraan ng paghihigpit.

Huwag magtaka, kung gayon, kung magalit ang mga Pinoy dahil sa halip na pagpaliwanagin ni Duterte ang kanyang economic managers tungkol sa dahilan at epekto ng mga numerong ito, ang nakita niya at nakatikim pa ng malutong na mura ay si Leila De Lima. ###

The post Magkano ang ECQ? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Magkano ang ECQ? Magkano ang ECQ? Reviewed by misfitgympal on Abril 15, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.