Facebook

Mayaman, middle class, mahirap sakop ng Food Security Program – Isko

MAGING mayaman ka man, middle class o mahirap, lahat ay sakop ng food security program (FSP) ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

Ito ang binigyang diin ni Manila Mayor Isko Moreno, kasabay ng utos niya sa lahat ng mga hindi nakatanggap ng food boxes na magpunta sa kanilang barangay at magtanong kung saan napunta ang nararapat sa kanila.

Inatasan din ni Moreno ang lahat ng mga opisyal ng barangay na huwag ng patagalin ang food boxes sa kanilang barangay hall at agad na ipamigay ito sa oras na nai-deliver na sa kanila.

“Wag na ninyong hintayin na magpapunta pa kami ng pulis dahil two days o three days na sa barangay hall ang mga food boxes. Botante o hindi, bigyan ninyo ha? Hindi ito eleksyon, pera ng taumbayan ‘yan.” giit ni Moreno .

” Ke nasa condominium, padalan nyo. Nasa Tondominium, padalan nyo. Hindi porke’t bato ang bahay, hindi na kasama. Wala tayong pipiliin, aakapin natin lahat, ” dagdag pa nito.

Ayon sa alkalde, base sa kanyang polisiya, ang bilang ng food boxes na ipinamimigay ng pamahalaang lokal ay base sa bilang ng pamilyang naninirahan sa lungsod na umaabot sa 700,000 at walang kinalaman dito ang kanilang estado sa buhay. Hindi rin ito nakabase sa bilang ng bahay dahil napuna ni Moreno na mayroong apat hanggang limang pamilya ang naninirahan sa iisang bahay.

Sa kaso naman ng mga nakatira sa magagarang bahay, sinabi ni Moreno na nararapat din itong pagtuunan ng atensyon ng pamahalaan upang malaman nila na napupunta sa magandang gawa ang ibinabayad nilang buwis.

“Gaya kami dati, patong-patong ang mga squatter pero isang building lang. Minsan apat o limang pamilya nakatira. ‘’Yung mayaman, paramdam n’yo taxes nila. Di nila kailangang hingin pa. Don’t pre-judge dahil lahat ngayon kailangan ng tulong,” dagdag ni Moreno.

Sa ika-5 sunod na araw noong Lunes, Abril 12, ang pamahalaang lungsod ay tuloy-tuloy sa kanilang pamamahagi ng food boxes para sa buwan ng Abril. Simula pa noong isang araw ay umabot na sa 250,000 pamilya ang nabigyan ng food boxes.

Nabatid na ang mga nasa likod ng pamamahagi ng ayudang pagkain ay walang tigil sa kanilang trabaho kahit Sabado at Linggo upang maraming mahatirang mga barangay.

Kaugnay pa nito, tinuloy ng Manila social welfare department sa pamumuno ng hepe nito na si Re Fugoso ang personal na pamamahagi ng social amelioration program cash aid na P4,000 kada recepient.

Mismo si Fugoso ang nag-ikot upang makita na ang pamamahagi ng SAP ay maging maayos, ligtas at sumusunod sa minimum health protocols. (ANDI GARCIA)

The post Mayaman, middle class, mahirap sakop ng Food Security Program – Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Mayaman, middle class, mahirap sakop ng Food Security Program – Isko Mayaman, middle class, mahirap sakop ng Food Security Program – Isko Reviewed by misfitgympal on Abril 12, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.