GAYA ng dati, laging nauuna na naman ang pamahalaang-lungsod ng Maynila sa mga hakbanging nauukol sa paglaban sa COVID-19.
‘Yan ay nang ilunsad ni Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna kelan lang ang pagu-umpisa ng pagtatayo ng ‘Manila Covid-19 Field Hospital’ sa Burnham Green sa Luneta, kung saan inatasan si City Engineer Armand Andres na gawin ang pagtatayo ng ikapitong ospital sa lungsod maghapon magdamag o 24/7.
Magkakaroon ng 336 COVID bed capacity ang nasabing ospital na gagamit ng mga container at magiging kumpleto sa lahat ng pangangailangan ng mga pangunahing ospital.
Layunin ni Moreno at Lacuna na paluwagin ang anim na ospital na pinatatakbo ng Maynila kung saan kasalukuyan ay nagpupunta ang mga may kasong moderate at severe COVID. Pag naitayo na ang ospital, ang mga asymptomatic ay ilalagak sa quarantine facility, ang mga mild o moderate ay sa COVID Hospital at ang mga severe o critical ay sa anim na ospital naman.
Mula mag-umpisa ang pandemya ay talaga namang palagian na lamang nangunguna ang lungsod ng Maynila sa paggawa ng mahahalagang hakbang kaugnay ng COVID-19.
Nanguna ang Maynila sa pagbibigay ng libreng COVID testing at hanggang ngayon ay libre ang swab testing maging sa mga hindi taga-Maynila.
Maynila din ang unang nagkaroon ng COVID molecular laboratory at libreng drive-thru swab testing muli, ke taga-Maynila man o hindi.
Naging maagap din ang lungsod ng Maynila sa pagkakaroon ng storage facility at pagkakaroon ng simulation exercises malayo pa man ang pagdating ng mga bakuna at maging sa pag-order ng bakuna para sa mga residente nito.
Gaya ulit ng inaasahan, Maynila din ang nanguna sa bilis at dami ng pagbabakuna at dami ng lugar ng bakunahan, kung saan mismong si Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan ang siyang personal na namamahala at nag-iikot sa lahat ng mga vaccination sites.
Muling nanguna ang Maynila sa pagbibigay ng ‘home service’ na pagbabakuna ng mga ‘physically-challenged’ at ‘bedridden’o yaong mga nakaratay sa banig ng karamdaman o di kaya ay walang pisikal na kakayanan para magpunta sa mga vaccination sites.
Mismong si Vice Mayor Honey ang nagbabakuna sa mga ito kaya naman patuloy ang pasasalamat ni Mayor Isko sa pagkakaroon ng isang masipag at magaling na doktorang ka-partner sa pagpapatakbo ng lungsod lalo pa sa gitna ng pandemya.
Napakasuwerte talaga ng mga Batang Maynila sa pagkakaroon ng mayor na mapagmalasakit, matalino at magaling kagaya ni Mayor Isko Moreno at ng isang masipag at mapagmahal na doktorang Vice Mayor sa katauhan ni Honey Lacuna.
Ang masasabi ko lang, sa dami ng mga nakagugulat na kaganapan sa Maynila, itong si Mayor Isko ay hindi lang Batang Maynila kundi siya ay Batang Laging Una sa lahat ng bagay.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.
The post Mayor Isko Moreno, batang Maynila, batang laging una appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: