All-out na propaganda machinery ni Manny Pacquiao para sa 2022.
Pinauugong ang balita ng susunod na laban sa ring kahit wala pa lahat na katiyakan. May bagong bukas na mga pahina sa Facebook na mga pro-MP. Dami rin mga paid troll na nagpapakalat ng mga post na paborable sa anak ni Aling Dionesia.
Umaapela sa emosyon kasi hindi pwede sa rasyunal ang diskarte. Walang ipagyayabang eh sa may ulo.
Kaya mga opinyon lang na siya ang hahalili sa Payaso sa Palasyo kasi galing siya sa hirap at dama ang masa, Namimigay din daw ng pera. Wala naman konkretong mga nagawa bilang kongresista at senador. Bagkus ay numero uno pa sa pagliban.
Takot o hindi makasagot ng maayos sa interpellation. Kailangan pang taga-bulong nguni’t bistado pa rin na mahina kanyang pang-unawa.
Kung nais lang niya magpamudmod ng pera maaari naman kahit manatili na lang siyang isang pribadong mamamayan. Hindi na kailangan pang magkaroon ng puwesto sa gobyerno upang makaalalay sa taong-bayan. Naku lalo’t nais pa niyang maging pinakamataas na opisyal ng bansa. Eka ni Ka Berong maraming kakaining bigas o kanin ang asawa ni Jinkee. Dapat tandaan niya sinapit ni Fernando Poe Jr noong 2004. Naolat at namatay sa sama ng loob. Nagpatangay kasi sa iba.
Kaya napagusapan sa pondahan na mas maigi Bise-Presidente na lamang kanyang targetin sa eleksyon. Popular siya at posibleng maka-knockout siya ng mga kalaban sa VP. Yun bang tinahak ni Erap na landas noong 1992. Handa rin ang ama nina Jinggoy at JV noong lumaban para sa Malacanan pero nag-slide sa pangalawang pangulo nang matauhan at na-offeran ni Danding Cojuangco. Pinalad sa halalan at noong 1998 ay sinuwerte na matira sa palasyo na tabi ng Ilog Pasig.
May anim na taon din na pagkakataon upang matuto sa trabaho ng isang chief executive. Pwede rin mag-aral ng pormal tungkol sa Public Administration.
Kaso si Pepeng Kirat duda pa rin sa kakayahan ng pambansang kamao pagdating sa serbisyo publiko. Wala rin tiwala si Pepe sa mga political adviser niyang sina Chavit Singson, Lito Atienza at Koko Pimentel. Kokontrolin lang daw ang ama ni Jimuel ng mga tradpol na batid naman natin na inuuna ang mga sarili bago ang bayan.
Hindi rin daw yaka gawin ng mga kapatid nina Bobby at Ruel ang mga proyekto na nilikha ng kasalukuyang Busy Presidente.
Di sana raw kung abot ng utak ay nagsimula na rin ang tubong-GenSan nga mga kaparehong mga programa. Tutal marami siyang kwarta na kapos ang OVP.
Ayon naman kay Tata Berong ay mahina rin ang 8-divsion world champion sa paghawak ng pondo kaya nagkawindang-windang kanyang kayaman noon. Ngayon naman daw magulo mangasiwa ng kanyang MPBL kaya sangkatutak ang reklamo sa loob at labas ng liga.
Kaya paano pa raw kung buong Pilipinas na raw ang ating ipagkatiwala sa ngayo’y hepe ng kanyang partido na PDP. Tila palamuti lang nga siya doon at iba ang tunay na kumikilos. Hala!
Palpak bilang lawmaker. Inutil bilang tagapamahala.
***
Problemado ang PBA sa pagiging ECQ tapos MECQ ng NCR Plus. Kasama sa nabanggit na lugar ang Yanres Arena na venue sana ngayong season. Kaya burado na ang pagsisimula sa buwang kasalukuyan.
Pinag-iisipan kung magpa-bubble muli. Marahil ito mas feasible. Ang FIBA Qualifiers nga may naka-sked sa Clark sa Hunyo.Malamang pagkayari na ng qaulifying games ng FIBA ang sa ating propesyunal na liga.
Mabuti nakalusot ang VisMin Cup na sa Visayas at Mindanao naman kaya di sakop ng paghihigpit.
The post MP pang VP lang? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: