Facebook

MTPB, palalakasin pa bilang ‘First Responder Unit’ (FRU) – Isko

INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno na palalakasin pa ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) bilang ‘’First Responder Unit (FRU)’ bukod pa sa normal na gawain ng mga ito bilang taga-mantina ng daloy ng trapiko sa lungsod .

Noong Lunes, April 26, personal na tinanggap ni Moreno kasama si Vice Mayor Honey Lacuna at MTPB chief Dennis Viaje, ang isang ambulansya na donasyon ng Barangay 699 sa ilalim ni chairman Edwin “Amo” Chan para magamit ng lungsod bilang FRU.

Sa utos ng alkalde ay sinabi ni Viaje na ang MTPB ay muling sumailalim sa seminar kamakailan upang matutunan kung paano iha-handle ang mga accident victims at kung paano ito lalapatan ng first-aid.

Nabatid na may isang unit ng MPTB personnel ang nagtatrabaho na bilang FRU gamit ang kanilang motorsiklo kasama ang kanilang first-aid kits kapag may nagaganap na aksidente sa kalye.

Sa pamamagitan ng dinonate na ambulansya, sinabi ni Viaje na madadala na ng FRU nang diretso sa ospital ang sinumang biktima ng aksidente kaysa hihintayin pa nilang dumating ang ambulansya sa pinangyarihan ng sakuna.

“Gagamitin po natin ito upang makatulong sa mga naaaksidente sa lansangan, mabigyan agad ng first-aid ang mga nadidisgrasya sa kalsada at kung kinakailangan na dalhin sa ospital ay madala agad natin, kaya malaking bagay ‘yung ambulansya sa dinonate sa atin,” sabi ni Viaje.

Ang FRU ay binuo noong isang taon sa utos na rin ni Moreno na inatasan si Viaje na tiyakin na regular na nagse-seminar ang mga kawani ng FRU upang matiyak na makakatugon sila ng mabilis ay tama sa mga aksidente sa kalye.

Samantala ay inutusan ni Moreno ang department of public services sa pamumuno ni Kenneth Amurao na magdeliver ng kabuuang 3,100 food boxes sa pamilya ng mga relocatees sa Naic, Cavite ,Pandi at Norzagaray, Bulacan na pawang mga dating residente ng Maynila.

Sinabi ni Amurao na ang delivery ng food boxes sa Naic ay nagsimula noong nakaraang Miyerkules kung saan 1,000 pamilya ang nabigyan ng food boxes.

Noong nakaraang Biyernes naman ay 1,400 pamilya ang nabigyan din ng food boxes sa Pandi, Bulacan at noong Linggo ay mahigit na 600 pamilya naman ang nabigyan sa Norzagaray.

Sinabi ni Amurao na maayos na naideliver ang mga food boxes sa mga residente na naglagay ng silya sa harapan ng kanilang mga bahay na pinaglagyan ng food boxes. (ANDI GARCIA)

The post MTPB, palalakasin pa bilang ‘First Responder Unit’ (FRU) – Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MTPB, palalakasin pa bilang ‘First Responder Unit’ (FRU) – Isko MTPB, palalakasin pa bilang ‘First Responder Unit’ (FRU) – Isko Reviewed by misfitgympal on Abril 26, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.