PINURI at pinasalamatan ni Anti-Poverty Commission Undersecretary at Deputy-General Penny Belmonte si Manila Mayor Isko Moreno at ang pamahalaang lungsod sa pagtulong sa mga indigenous at stranded people sa pamamagitan ng pagsama sa mga ito sa libreng serbisyo nang hindi na hinihingan ng katibayan na sila ay botante o residente ng lungsod.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Belmonte na siya at ang buong pamilya ng NAPC ay saksi sa sistemang ginawa ni Moreno na kinakargo kahit na hindi taga-Maynila o stranded sa lungsod sa gitna ng pandemya. At nagbunga ito ng magandang resulta.Ang NAPC ay pinamumunuan ni Atty. Noel Felongco bilang Director-General.
“Sa pagtulong lalo’t sa panahon ng pandemya, hindi na dapat inaalam kung taga-saan at kung sino! Madami ang mga nagmula sa iba’t-ibang lugar na mga na-stranded sa Kamaynilaan lalo’t noong kasagsagan ng pagbulusok ng nakamamatay na COVID-19 at saksi po kami dito sa NAPC na palagiang tumatakbo kasama ang mga taong salat at hikahos, sa mga ospital sa Maynila pero walang naging isyu kung sila ay taga-saan at kung sino,” pahayag ni Belmonte.
“Agaran silang inistima at binigyan ng kaukulang serbisyo ng mga kinatawan ng mga ospital at may kasama pang mga ayuda mula sa lokal na pamahalaan ng Maynila at ‘yan ang tama at nararapat lamang gawin ng mga kinatawan ng gobyernong tunay na walang bahid na pamumulitika bilang tao at bilang Pilipino!” Dagdag pa nito.
Ang komento ay ginawa ni Belmonte kaugnay ng ulat na may 1,000 residente mula sa Tondo at Baseco na ni-relocate ng National Housing Authority sa Naic, Cavite noong 2019 bago pa maging alkalde si Moreno, na pinagkaitan ng ayuda ng pamahalaan ng Naic, Cavite.
Sa isang pormal na pahayag, sinabi ni Manila city administrator Felix Espiritu na ilang beses siyang tinawagan ni Naic Mayor Jun Duanan at humingi ng tulong para sa mga relocatees ng Maynila at gayundin noong enhanced community quarantine (ECQ) kung saan ang mga relocatees ay naglakad mula Cavite hanggang Maynila para lamang manghingi ng ayuda at hindi naman sila binigo. Dalawang beses nakatanggap ng ayuda ang mga relocatees sa Maynila at ginawa ito ng lungsod nang walang ingay.
Ayon pa kay Belmonte, hindi batid ni Moreno na siya ay nagdadala na ng daan-daang mga stranded at indigenous individuals para sa libreng swab tests sa mga city-run hospitals partikular sa Sta. Ana Hospital.
“Di na ako nagbigay ng burden kay Mayor Isko para makiusap dahil alam kong marami siyang ginagawa. Nagbigay siya ng order na kahit di taga-Maynila puwede. ‘Yun ang aking pinanghawakan kaya unfair na masabihan si Mayor ng mga paratang na walang katotohanan,” pahayag ni Belmonte.
“Ayokong manahimik tapos may katotohanang puwede kong ma-share na tunay na nakatulong sa mahihirap ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa pamumuno ng mayor,” dagdag pa nito. (ANDI GARCIA)
The post NAPC Usec Belmonte, pinuri si Isko sa pagtulong sa mga indigenous at stranded people appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: