WALANG problema sa proyektong community pantry sa Kalye Maginhawa sa Teachers’ Village, Quezon City. Kapuri-puri ang konsepto. Nagklik kaya sinundan at ginaya sa maraming panig ng bansa. Ito ang tunay na pagpapakita ng People Power, ang lakas ng sambayanan.
Alam ng sambayanan na walang maaasahan sa gobyerno ni Rodrigo Duterte. Alam nila na palpak ito at walang kakayahan na harapin at sugpuin ang pandemya. Alam nila na nagkakalat si Duterte at mga alipures. Mga patapon ang nagpapatakbo ng gobyerno.
Ang konsepto ng community pantry ang sagot ng bayan sa kapabayaan at kawalang kakayahan ng gobyernong palpak na harapin ang pandemya. Ito ang tunay lakas ng bayan. Hindi mapapasubalian ang ganitong pangyayari.
Ngunit hindi maganda ang epekto ng community pantry sa dating maayos na Teachers’ Village lalo na sa barangay Teachers’ Village East na sumasakop sa Maginhawa. Nawala ang katahimikan at naging maingay. Hindi lang iyan. Natatakot ang mga residente sapagkat nawala ang social distancing. Kinakatakutan nila ang pagkalat ng sakit.
Itinayo ang unang community pantry sa harap ng bahay sa 94 Maginhawa. Maliit ito. Gawa ng kawayan ang unang pantry. Ngunit dahil nagklik lumaki ang pantry at dumami ang nagbigay.
Kasabay ng paglaki, dinagsa ng mga taga kalapit barangay ang community pantry. Kasama ang mga nagdarahop sa mga barangay sa Krus na Ligas, UP campus, San Vicente, Philcoa, at iba pa. Naging isyu ang crowd control. Bagaman nag-uumpisa ang dalawang pilahan ng ika-pito ng umaga at natatapos sa ika-12 ng tanghali at ika-isa hanggang ika-lima ng hapon, may mga panahon na ika-apat lang ng umaga, dumagsa ang mga pumipila. Maingay, sa madaling salita.
Usapin na ngayon ang crowd control. Ngunit pawang nangawala ang mga barangay tanod na ang tungkulin ay pangalagaan ang katahimikan sa kanilang lugar. Kasamang nawala ang barangay captain na kilala sa taguring “Kapitana.” Hindi lang iyan. Nawala na rin si Joy Belmonte, ang alkalde ng Quezon City.
Lumiham kamakailan si Dr. Angelia Erestela Oropilla sa alkalde. Sumagot ang alkalde na nag-utos sa kanyang mga tauhan na harapin ang suliranin ng crowd control. Kaya lamang, hanggang doon lamang. Humihingi ang mga residente na makipag-usap sa mga opisyales ng siyudad, ngunit walang kumikilos habang nanatili ang banta ng pagkalat ng sakit.
Nababahala ang mga residente sa pagkalat ng sakit dahil karamihan ng mga pumipila ay mga senior citizen mula sa mga barangay na may mataas na bilang na mga nagkakasakit. Sa maikli, hindi ligtas sa kanila na lumabas sa lugar ng kanilang tahanan. Inulit nila na wala silang reklamo sa community pantry at kanilang sinusuportahan ang konsepto. Hindi lang nila gusto ang kawalan ng crowd control at social distancing sa kanilang lugar.
***
MGA PILING SALITA: “So Dr. Herbosa is still insisting during his ANC interview that it is the people’s fault why the Covid-19 cases in the country is rising. And that we should listen to him because he specialized in disaster medicine. Sir, ikaw po ang one big disaster.” – Dr. Tom, doktor
“Hayaan ang mga [taga-suporta ni Duterte] na kumuha sa mga community pantry. Patunay na walang silbi ang baliw sa kanila. Hayaan sila na kumain kahit isang beses kada araw. Ipakita ang diwa ng bayanihan at pagtutulungan sa kanila. Mas maliliwanagan ang dumidilim nilang diwa. Ang kagutuman ay humahagip kahit kanino. Huwag ipagkait sa kanila ang kaunting habag.” – PL, netizen
“Lahat ginagawa ni Duterte para manatili ang Pilipinas sa kamay ng China. Bulag na ba talaga ang AFP?” – Bob Magoo, netizen
***
Noong Lunes, biglang dumating ang dalawang sasakyan na may markang “Sara Duterte for president” (puede na palang mangampanya ngayon, o sa kanila lang puede?) sa Maginhawa community pantry. Nagbagsak ito ng mga ipamimigay na pagkain sa mga tao. Maayos na sana sapagkat walang bahid pulitika ang pamamahagi ng pangangailangan. Nakakasuka ang ginawa ng nagdala ng donasyon. Nagpakuha sila ng litrato habang mga nakatayo at nakatikom ang kanang kamay. Naglabasan ang mga larawan sa social media.
Ang hindi alam ng marami ay pawang nangawala ang mga tao sa kanilang paligid. Hindi sila kumporme na pumapel ang kampo ni Sara. Hindi nila masikmura na sumakay ang kampo ni Sara sa kapuri-puring konsepto. Ilang minuto pagkatapos nilang ihatid ang mga donasyon, biglang umulan ng malakas. Babala na kahit ang langit hindi kumporme na gamitin ang community pantry sa pulitika.
***
MAIKLING sanaysay ni Archie Mendoza: “Tanong po sa bumabatikos sa pagtatayo ng mga pantry: Mas gusto ba ninyo hwag lumabas ang nagugutom at mamilipit na lang sa bahay nila o sa lansangan hanggang mamatay? Ganun po ba? Dahil baka ‘komunista’ nagtayo ng pantry? Dahil ‘gagamitin’ lang sila ng ‘komunista?’
“May pagkakataon na ang kumakapit sa patalim ay nagigising na pwede palang gamitin ang patalim sa ibang bagay. Huwag nating hintayin yun. Ang pagpapakain sa nagugutom ay pagsasawata, bagaman pansamantala, sa posible nilang pag-aalsa.”
***
SA pagharap kamakailan ni Sonny Trillanes sa mga Ateneo alumni, binanggit ang pagbabalik ng Filipinas sa mga ilang tratado at kasunduan na pilit na inaalis ni Rodrigo Duterte dahil sa matinding batikos ng mga mauunlad na bansa sa kanyang paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan. Kasama sa mga tratado ang Rome Statute na nagtayo ng International Criminal Court (ICC) at Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Filipinas at Estados Unidos.
Kailangan ng Filipinas ang dalawang tratado. Naniniwala si Trillanes na mabisang pangontra laban sa mga abuso ang Rome Statute dahil sinuman na magiging pangulo ay hindi maaari ang lumabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan basta makapangupit sa poder. Kailangan ang VFA upang tumatag ang relasyon ng Filipinas at Estados Unidos at magsilbing babala sa China laban sa pangangamkam sa ating teritoryo.
Narito ang vision statement ni Sonny Trillanes na inilahad sa mga Ateneo alumni: “A country of peace, progress and prosperity with united empowered citizenry.”
***
Email:bootsfra@yahoo.com
The post Nasaan si Mayora? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: