Facebook

Ospital na eksklusibo sa pasyenteng may COVID-19, itatayo sa Maynila

DALAWANG buwan mula ngayon ay magkakaron ng pagamutan na eksklusibo lamang sa mga pasyenteng may COVID-19. Ito ang nakikitang paraan ng pamahalaang lungsod upang paluwagin ang anim na city-run hospitals at upang ang mga COVID bed allocation ay mapakinabangan ng mga nasa severe at critical conditions at gawin din ito bilang intensive care units (ICUs).

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang ika-pitong pagamutan ng lungsod ay tatawaging “Manila COVID-19 Field Hospital,” at ito ay itatayo sa 2.6-ektaryang lupa at magkakaroon ng 336 COVID beds para sa lahat ng mga pasyenteng nasa mild at moderate cases.

Noong Sabado ay personal na binisita ni Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang lugar na pagtatayuan ng itatayong field hospital na bubuuin sa pamamagitan ng containers na iku-convert bilang pagamutan. Ito ay itatayo sa Burnham Green sa mismong tapat ng Quirino Grandstand at harap ng lugar kung saan ginagawa ang mga parada kapag mayroong national events. Dito rin matatagpuan ang free drive-thru swabbing center ng lungsod.

Nabatid na nagsagawa ng brainstorming sina Moreno, Lacuna kasama sina city engineer Armand Andres, city architect Pepito Balmoris at iba pang may kinalamang kawani upang linisin ang plano at iba pang pangangailangan para sa nasabing bagong ospital.

Ayon kay Andres, nais ni Moreno na gawing magdamagan ang pagtatrabaho sa bagong ospital dahil mahalaga ang oras.

Labis na ikinalungkot ni Moreno ang ulat na may mga pasyente na namamatay sa tents at maging sa parking lot dahil sa hindi maiiwasang punuan ng mga ospital sa gitna ng ‘surge’ sa coronavirus cases kamakailan.

Sinabi rin ni Moreno na nakipagusap na sila ni Lacuna sa mga pangunahing opisyal upang tugunan ang inaasahang pagtaas pa ng coronavirus cases sa mga darating na buwan at ipinangako na ang field hospital ay magiging kumpleto ng lahat ng mga kakailanganing gamit.

Sa ilalim ng plano, ang lahat ng asymptomatic patients ay ilalagay sa quarantine facilities ng lungsod habang ang mga mild at moderate symptoms ay ilalagay sa field hospital habang ang mga severe at critical conditions ay dadalhin sa city hospitals.

Sinabi ni Moreno na kinopya niya ang idea mula sa Italy kung saan ang architect nito ay ginawa ang konseptong ‘open source’ para ma-duplicate ito kahit saan. Idinagdag din ng alkalde na nakipagkita din sila ni Lacuna sa mga opisyal ng Philippine General Hospital sa pangunguna ni Director Gap Legaspi upang ikonsulta ang nasabing pagtatayo ng field hospital.

Idinagdag pa ng alkalde na ang field hospital ay kumpleto ng mga ambulansya, mga kailangang gamit at medical frontliners bilang paniniguro dahil ang moderate symptoms ay puwedeng mauwi sa severe cases. (ANDI GARCIA)

The post Ospital na eksklusibo sa pasyenteng may COVID-19, itatayo sa Maynila appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Ospital na eksklusibo sa pasyenteng may COVID-19, itatayo sa Maynila Ospital na eksklusibo sa pasyenteng may COVID-19, itatayo sa Maynila Reviewed by misfitgympal on Abril 17, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.