Facebook

P200K pabuya sa makapagtuturo ng kasabwat sa broad daylight murder – Isko

HALAGANG P200,000 ang alok na pabuya ni Manila Mayor Isko Moreno sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon kung saan matatagpuan upang maaresto ang motorcycle rider na nakita sa video na kasabwat sa broad daylight shooting murder ng isang truck driver sa Paco, Manila.

Kinilala ni Moreno ang suspek na si Alfredo Curita, 52, ng Barangay San Jose, Tiaong, Quezon. Nanawagan ang alkalde sa pamilya ng suspek na isuko na ito at tiniyak na bibigyan siya ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili sa korte.

Ayon sa alkalde, ang pagkakakilanlan ng sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol kay Curita ay mananatiling lihim at ang gagawin lamang niya ay makipag-coordinate sa tanggapan ni Manila Police District Gen. Leo Francisco.

Sa kanyang live broadcast, ipinakita ni Moreno ang isang closed circuit television recording na nagpapakita sa biktimang si Elbert Silva, 38, empleyado ng Quick Mover Cargo and Warehouse Corp. at residente ng Paco, na naglalakad kasama ang tatlo pang kasamahan sa trabaho sa Zulueta Street dakong alas-8 ng umaga nang sumulpot mula sa likuran ang suspek na si Nestor Perez, 57, ng Tiaong, Quezon at barilin ng malapitan sa likurang bahagi ng ulo ang biktima.

Nang magtakbuhan ang mga kasama ng biktima sa takot ay bumagsak ito sa lupa at muli na naman itong binaril ng suspek sa likurang bahagi ng ulo at pagkatapos ay naglakad nang parang walang nangyari.

Nakita sa cctv na sinalubong ang suspek sa kanto ng Amadeo Street ng isang motorcycle-riding man, na kalaunan ay nakilalang si Curita. Nakita rin sa cctv na inabot ng salarin ang bag kay Curita na naglalaman ng baril na ginamit sa pagpatay sa biktima at pagkatapos ay mabilis na umalis ito.

Sinabi ni special mayor’s reaction team (SMART) chief Lt. Col. Jhun Ibay na nagpapatrulya ang mga operatiba ng MPD-Paz police community nang madaanan ang komosyong nagaganap kung kaya naaresto ang suspek na si Perez .

Ayon kay Ibay ay nabulaga ng mga galit na galit na residente ang salarin nang habulin ito at bugbugin na naging dahilan ng pagkakaaresto nito.

“Kung gusto ninyong kumita nang malinis, magbigay kayo ng impormasyon at kakalawitin namin ito (Curita). Sabi ko sa inyo ‘wag kayo gagawa sa Maynila. Gusto naming ng kapanatagan,” ayon kay Moreno.

Nakiusap din ang alkalde sa pamilya ni ni Curita na kumbinsihin na ito na sumuko at siniguradong didinggin ang kaso sa korte.

“Kung nakikinig ang mga kamag-anak ni Curita, pasukuin n’’yo siya. Ako, hangga’t maari, gusto ko nakukuhang buhay ang mga suspect. ‘Yung gunman nadale, kinulata ng taumbayan,” sabi ni Moreno. (ANDI GARCIA)

The post P200K pabuya sa makapagtuturo ng kasabwat sa broad daylight murder – Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
P200K pabuya sa makapagtuturo ng kasabwat sa broad daylight murder – Isko P200K pabuya sa makapagtuturo ng kasabwat sa broad daylight murder – Isko Reviewed by misfitgympal on Abril 24, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.