Facebook

‘Parang bata’

INAMIN sa wakas ni Rodrigo Duterte na “parang bata” siya kapag hinahanap. Kapag tinanong kung nasaan, mas lalo siyang nagtatago. Hindi niya naiintindihan ang maayos na liderato. Teka, hindi na pala siya lider. Nakakatawa sapagkat nawala siya ng dalawang linggo at nang hanapin ng sambayanan, siya pa ang galit. Wala bang karapatan ang bayan na naghalal sa kanya na hanapin siya at obligahin na magtrabaho?

Hindi si Sonny Trillanes ang pulutan ni Duterte nang nagsalita siya sa harap ng telebisyon noong Lunes ng gabi. Ang nakapiit na si Leila de Lima ang pinmag-initan ng tila nabubuwang na taga-Davao City. Tulad ng nakagawian, hindi nasikmura ng sinumang disenteng tao ang sinambit ng bastos na Davaoeño.

Simple ang sagot ni Leila de Lima: Bakit nga siya ang problema ni Duterte sapagkat bukod sa nakapiit siya, libo-libo ang nagkakasakit at namamatay sa Covid-19 na siya ang dahilan kung bakit kumalat? Ipinaalala ni Leila de Lima na ipinayo sa kanya na huwag papasukin ang mga turistang Intsik sapagkat sila ang may dala ng mapinsalang virus. Hindi pinakinggan ni Duterte sapagkat “tuta” siya ng mga Intsik, aniya.

May mga kantiyaw sa huli si Leila: ”Magtrabaho ka nalang, Duterte. Kung nagtrabaho ka na lang, sana hindi tayo umabot sa ganito. Huwag ka na lang puro ngawngaw.”

***

NAPIKON si Harry Roque nang tanungin ng isang mamahayag ang kanyang damdamin ng mauna siya sa pilahan sa pangunahing ospital ng gobyerno at bigyan ng karampatang lunas sa kanyang pneumonia na dala ng mapinsalang Covid-19 virus. “Hindi maka-Krisyano ang tanong na iyan,’ ani Harry sa mamamahayag. Sinabi niya na bumagsak ang oxygen level ng kanyang dugo sa mababa sa 90%. Kaya nagpilit na maospital.

Hindi alam ni Harry Roque na mas hindi maka-Kristiyano ang kanyang ginawa. Sumingit sa pilahan kahit ang mga nauna sa kanya ay pawang nangangamatay sa paghihintay ng silid-pagamutan, karampatang pangangalaga ng doktor, nars, at iba pa, at mabisang gamot.

Baluktot ang katwiran at halagain (values) ni Harry sa buhay. Parang prinsipe kung maniwala si Harry na mas may karapatan siya na mauna sa pilahan. Kesehodang mamatay ang mga nauna. Kawawa ang bayan sa ganyang uri ng mga nasa poder.

Nasasaktan si Harry sa hindi magandang trato sa kanya. Kahit paano alam niya kung saan siya lulugar. Kaya marapat ipagpatuloy ang kawalang paggalang sa kanya. Dapat malaman ni Harry na basura ang tingin sa kanya. Nakakadiring basura. Kinagabihan, kumalat ang tsimis na nagbitiw si Harry Roque bilang tagapagsalita ni Duterte.

***

BALIK tayo kay Duterte. Wala siyang binanggit sa kanyang muling pagkabuhay noong Lunes hinggil sa pagpasok ng China sa exclusve economic zone ng bansa sa West Philippine Sea. Kahit katiting, kahit gaputok. Mukhang ito ang nagpapatunay na hawak nga siya ng China. Takot na takot bumangga sa kanyang mga panginoon sa Peking.

Ngunit nakakapagtaka ang biglang nawala ang mahigit na 200 sasakyang pandagat ng China na nakahimpil sa karagatan sa palibot ng Julian Felipe Reef. Mukhang natunugan ng China na nag-usap si Delfin Lorenzana, kalihim ng tanggulang bansa, at Lloyd Austin, ang kanyang katapat sa Estado Unidos. Nag-umpisa noong Lunes ang pinagsamang lakas pandigma ng dalawang bansa na tinaguriang “Balikatan.” Tatagal ito ng ilang araw.

Ipinaramdam ng Estados Unidos na binabantayan nila ang galaw ng China sa South China Sea. Binubuntutan ng mga barkong pandigma ng Estados Unidos ang pangunahing aircraft carrier ng China sa karagatan. Takutan ang labanan. Sa maikli, huwag magkamali ang mga Intsik at totoong babakbakan sila ng Estados Unidos.

Ayon sa ulat, nasa 20 sasakyang pandagat ng China ang nakatambay sa Julian Felipe Reef. May banta kasi ang Estados Unidos na palulubugin ang mga sasakyang dagat kapag nagpilit siya sa paghimpil sa karagatan doon at patuloy na takutin ang Filipinas. Malinaw ang isinasaad ng Mutual Defense Treaty na nagtatadhana ng pagtulong ng Estados Unidos sa sandaling atakehin ang Filipinas ng anumang bansang kaaway.

* **

MAANGHANG ang binitiwan ni Duterte kontra Leila. Ngunit hindi ito nangangahulugan na totoo ang kanyang sinabi. Mas marami ang kasinungalingan. Hindi namin alam kung bakit si Leila ang pinag-initan. Mas maraming masasakit na batikos ang ipinukol sa kanya ni Sonny Trillanes. Inobliga pa siya ni Trillanes na magtrabaho. Dahil ba si Leila ay babae at nakakulong?

Sinabi ni Duterte na wala daw siyang “health condition,” o sakit ngayon. Malaking tanong kung bakit siya nawala ng 14 na araw kung walang sakit. Tamad lang? Isang malaking alokohan. Sinabi niya na walang gamot sa Covid-19. Ngunit mukhang hindi niya alam na may bakuna para hindi magkasakit. Ang problema’y hindi tayo bumili. Hindi tayo makakuha ng bakuna.

Sinabi ni Duterte na marami siyang nagawa sa bayan. Pero, iyon ang sabi niya. Siya lang ang maysabi ng ganyan. Ang alam ng marami ay ibinigay niya ang teritoryo ng Filipinas sa China. Hindi nawawaglit ang maraming patayan, o EJKs, sa madugo ngunit bigong digmaan kontra droga. Kahit kailan hindi puedeng ipagmalaki ang pagpatay bilang nagawa.

Mukhang si Carlito Galvez Jr. ang nanunungkulan bilang bagong kalihim ng kalusugan. Hindi lang ang pagbili ng bakuna ang kanyang inuulat kay Duterte noong Lunes. Pati ang remittance ng PhilHealth contribution, pagbili ng mga bagong higaan, o kama, para sa mga pasyente ng Covid, at pagpapalaki ng mga pagamutan ay inako na ni Galvez.

Nagmukhang lantang gulay si Francisco Duque. Hindi na siya epektibo dahil isinusuka siya at kinamumuhian ng kanyang mga tauhan sa DoH.

***

MGA PILING SALITA: “Kung wala kang sakit, magtrabaho ka.” – Sonny Trillanes

“Duterte claims he warned the country of pandemic? It took a lot of pushing to get him to ban flights from China. He sneered at the thought of wearing masks even as cases were rising. And let’s not forget, ‘maliit na bagay yan.'” – Inday Espina Varona, netizen

“You are the future of this country on whose shoulders bear the weight of the consequences of the decisions made by a government that thrived on failure, abuse and oppression.” – Leila de Lima sa kanyang hiling sa mga kabataan na tutulan ang Anti-Terrorism Law

“Sonny Trillanes was correct. He’s not sick, but very lazy to work. When confronted with a crisis situation with accompanying enormous problems, he runs away. He is not the crisis leader type. He’s an irresponsible, juvenile old man, who has remained adolescent and delinquent all through the years. ‘He’s a dick,’ the Americans would say.” – PL, netizen

The post ‘Parang bata’ appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
‘Parang bata’ ‘Parang bata’ Reviewed by misfitgympal on Abril 13, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.