SIMPLE ang payo ng nakakatandang kapatid ni Ana Patricia Non, ang nagtaguyod ng Maginhawa “community pantry” sa Quezon City. “Ang [pakay] ngayon ay mabuhay at magpalakas,” ayon sa kapatid sa panayam kay Ana Patricia Non sa programang “Biserbisyo Leni” sa dzXL,”kung maysakit, magpagaling.”
Ito ang pambungad ng paliwanag ni Ana Patricia Non tungkol sa umpisa ng Maginhawa community pantry na ginaya sa iba’ibang panig ng bansa. Simple ang konsepto ng community pantry ni Ana Patricia. Kumuha siya ng isang lugar sa kahabaan ng Maginhawa, ipinagpaalam sa mga naninirahan ang plano, naglagay ng isang mesa, at dinala ang mga pagkaing delata, prutas, at gulay upang kunin ng sinuman na nangangailangan ng pagkain at ayuda. Walang maraming salita sa proyekto.
Basta kukuha na lang ang may pangangailangan. Kumuha na nababatay sa pangangailangan, Iyong may kakayahan na magbigay, basta magdala at ilagay sa mesa. Walang maraming salita. Kagyat na nagklik ang konsepto ni Ana Patricia Non at mayroon na sa ibang lugar. Una sa Metro Manila, sumunod ang mga nasa karatig lalawigan ng Batangas, Laguna , at Cavite. Mayroon sa Nueva Vizcaya at Nueva Ecija.
“Hindi ko naisip na naging viral ang aming community pantry,” ani Ana Patricia Non sa panayam ng Bise Presidente kasama si radio host Ely Saludar. Ipinagdiinan ni Ana Patricia na kaya nagklik ang kanyang konsepto ay sapagkat may pangangailangan at “literal na malapit sa tiyan.” Kagyat dinagsa ang kanyang community pantry sa Maginhawa, ang “restaurant row” sa Kyusi. Kahit nagsara at naibenta ang mga restaurant doon, naglabasan ang mga dating may-ari upang tumulong at magbigay, aniya.
Hindi alintana ni Ana Patricia kung maubos ang mga inihandang pagkain sa kanyang community pantry. “Hindi pang-display ang mga pagkain doon,” aniya. Napansin niya na may mga nagbibigay ng donasyon kaya tuloy-tuloy ang kanyang munting proyekto kahit maubos ang mga naunang ibinigay. Ipinaliwanag niya na “pantawid-gutom” ang kanyang community pantry at hindi layunin na lutasin ang suliranin sa malawakang kagutuman. Hindi ito ambisyoso, sa maikli.
Hindi ipinagkaila ni Ana Patricia Non na may mga mamamayan ang kumukuha ng mukhang labis-labis sa kanyang pangangailanga, ngunit sinabing niyang inuunawa ang kanilang kalagayan at iniiwasan ang anumang wala sa lugar at wala sa oras na pagpapasya. “Hindi natin alam kung ano ang pinagdadaanan ng tao, kaya unawain na lamang natin,” aniya.
Natuwa si Ana Patricia Non nang banggitin ng Pangalawang Pangulo na maganda ang pagtanggap sa proyekto at ginaya ito sa iba’t-ibang lugar. Sinabi niya na mayroon silang listahan ng community pantry sa iba’-ibang lugar kung saan pinapayuhan nila ang mga gustong magbigay na dalhin doon ang kanilang donasyon upang maikalat sa mga nangangailangan ang kanilang tulong.
***
MALALIM ang galawan sa totoong oposisyon. May mga paghahanda sa hanay ng Samahang Magdalo, ang organisasyon ni Sonny Trillanes. May paghahanda sa Akbayan, ang grupo ni Risa Hontiveros. Ngunit parehong isinakasa ang dalawang lider sa pagtakbo sa Senado. Hindi sa anumang mas mataas na puwesto. Parehong may mga kapanalig na naniniwala sa dalawang lider. Kung hindi tutuloy si Leni sa pagtakbo, maaaring tumuloy si Trillanes sa mas mataas na antas. Pero isang malaking kung.
Panay ang pagsipsip ni Imee Marcos sa China. Maaaring hindi tumuloy ang kapatid na Bongbong sa 2022 sapagkat humina ang katawan nang tamaan ng Covid-19 noong nakaraang taon. Dahil hindi ganap na mapuksa ang pandemya at walang bakuna, malaki ang takot ni BBM na pumalaot sa 2022. Mukhang si Imee ang kanilang sorpresa. Pilit na nakikipag-usap si Imee kay Rodrigo Duterte sapagkat gusto niyang maniobrahin si Bong Go.
Hindi No-El (no elections) ang plano ni Bong Go. Ayon sa kanyang mga impormanten, mas pinapaboran ni Bong Go ang pagpapaliban ng halalan sa ibang petsa. Isinasaad ng Saligang Batas sa ikalawang Lunes ng Mayo, 2022 ang susunod na halalang pampanguluhan. Ngunit may colatilla ang probisyon “unless provided by law.” Nais umano ni Bong Go ang halalan sa pangalawang Lunes ng Hulyo, 2022. Ipagpaliban ng dalawang buwan kung maari. Kung kikilos ang Kongreso at ipapasa ang batas ng pagpapaliban
Hindi maaaring ipagpaliban ang susunod na hahalan. Hindi kami sigurado kung papayag ang Kongreso kung saan ang mga kasaping senador at kongresista ay may kanya-kanyang plano na sa halalan. May kanya-kanyang manok sila ilalaban at susuportahan sa halalan. Mawawalan ng mandando ang lahat ng mga opisyales na magtatapos ang kanilang termino sa 2022. Walang malinaw na probisyon na susuporta sa pagpapaliban. Isang malaking kalokohan ang naiisip ni Bong Go.
Naisip ni Bong Go ang pagpapaliban sapagkat alam niya na mahina ang kandidato ng grupong Davao City – kung sino siya – sapagkat walang bakuna. Mukhang nakatali sa bakuna ang kanilang tsansa at pasya.
***
TATLONG krisis ang bumabalot sa Filipinas. Kung hindi kikilos ang mga mamamayan malamang na lumalim ang mga krisis at mauwi sa mas hindi maganda ang sitwasyon ng Filipinas.
Una, ang krisis ng pandemya. Sa talaan ng DoH, lampas 10,000 katao kada araw ang tinatamaan ng mapinsalang Covid-19. Nasa 930,000 ang bilang na nagkasakit mula noong isang taon. Mahigit sa isang milyon ang pinangangambahang magkakasakit sa katapusan ng Abril, Nasa 200,000 ang aktibong maysakit.
Hindi bumababa ang bilang at tinatayang mas titindi ang pandemya sa mga susunod na mga susunod na araw at linggo. Walang maayos na programa ang gobyerno upang malutas ang pandemya. Kulang ang mass testing, limitado ang contact tracing, at kulang na kulang ang ayuda sa mga mamamayan. Walang malinaw na plano, walang maayos na programa, at walang malinaw na target at objective upang masugpo ang pandemya. Walang maayos na liderato sa haharap sa pandemya.
Sa programang “Biserbisyong Leni” kaninang umaga, pinatamaan ni Bise Presidente Leni Robredo si Rodrigo Duterte sa kawalan ng kakayahan na pamunuan ang bansa. Hindi binanggit ng Bise Presidente si Duterte, ngunit ipinagdiinan niya sa kanyang pakikipagtalakayan kay radio host Ely Saludar ng estasyong dzXL ang pangangailangan ng itinuturing niyang “hand-on leadership” upang pamunuan ang bansa. Sa maikli, hindi hands-on di Duterte.
Pangalawang krisis ang pangangamkam ng China sa teritoryo ng Filipinas sa West Philippine Sea. Ngayon, ang exclusive economic zone (EEZ) ang pakay ng China, ngunit walang makapagsabi kung ano ang gagawin ng China sa susunod na panahon. Kinakamkam nila ang yamang dagat sa WPSat tinatayuan ng base militar ang mga isla sa WPS. Hindi natin alam kung kukunin nila ang mga lupain natin tulad ng isla ng Palawan at iba pang isa.
Tumitindi ang krisis sapagkat hindi nagsasalita si Duterte at ang grupo ng Davao City laban sa pagpasok ng China sa bansa. Kumukulo ang galit sa loob ng Sandatahang Lakas at hindi nakakapagtaka kung bilang sumambulat ang galit at m-uwi sa gulo. Walang makapagsabi ng endgame sapagkat hindi malinaw kung ano ang gustong mangyari ni Duterte at China na sa pakiwari ng iba ay nagsasabwatan kontra Filipinas. Traydor ang taguri kay Duterte dahil sa pagkampi sa China.
Nahahati ang gobyerno ni Duterte. Sinusuportahan ng paksyon ng Davao si Duterte sa pagkiling sa China. Kontra ang paksyon ni Delfin Lorenzana ng DND at Teodoro Locsin Jr. ng DFA. Ngayon, hindi malinaw kung ano ang mangyayari, ngunit nakakagulat ang kawalan kakayahan ni Duterte na sibakin ang mga taong kontra sa China. Alam niya na suportado sila ng Estados Unidos, ang superpower na nagbabalik sa Asya. Malaki ang ipapapel ng Amerika sa sigalot.
Pangatlo ang krisis sa kumpiyansa. Maraming Filipino ang nawawalang ng tiwala sa kakayahan ng gobyerno na pangunahan ang bansa at labanan ang nauunang dalawang krisis. Malaki ang krisis sa kakayahan ng mga Filipino na mangibabaw at kabakahin ang pandemya at pangangamkam ng China sa ating teritoryo. Kalaban ng bawat Filipino ang kanyang sarili sa ngayon at hinaharap. Lubhang madilim ang kinabukasan at iyan ang krisis na hinaharap ng mga Filipino.
The post Payong kapatid appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: