NAGHAHANDA na ang mga lokal na pamahalaan sa Cagayan para sa paghuhukay ng pangkalahatang paglilibingan o “mass grave” dahil sa pinangangambahang pag-apaw ng mga sementeryo bunsod ng walang puknat na bilang ng mga pumapanaw sa COVID-19 ngayong Abril sa Tuguegarao city.
Ayon kay Cagayan Gov. Manuel Mamba, walang crematorium sa rehiyon upang tumugon sa pangangailangang dispatsahin ang labi ng mga namamatay sa COVID-19 sakaling mapuno ang mga sementeryo na gaya sa mga ospital ay wala nang bakante.
Ayon kay Mamba, umabot na sa 27 ang COVID deaths sa Cagayan sa unang araw ng kasalukuyang buwan.
Nakaranas din ng matinding dagok ang lungsod na ito na sa kabila ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay nakalasap pa ng pitong kamatayan dahil sa virus sa loob lamang ng 24-oras noong Huwebes.
Sa tala ng Provincial Health Office, 74 na ang kabuuang bilang ng mga namatay sa virus sa Cagayan at 28 dito sa Tuguegarao City.
Dahil dito, sinabi pa ng gobernador na nararapat na maghanda ang probinsya ng isang lugar na paghihimlayan ng mga nasawi sa COVID-19 upang hindi kalat ang pagtukoy nila sa paglalagyan sa mga ito.
The post Sementeryo umaapaw na: ‘Mass grave’ sa nasawi sa COVID-19 sa Cagayan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: