Facebook

Tanim ebidensiya ng mga pulis ng MPD PS-13

ITINUTURO na ba ngayon sa mga magpupulis ang pagtatahi ng mga ebidensiya para magkaroon ng accomplishments at kumamal ng salapi sa ginagawang pang-aaresto?

Dito kasi sa Manila Police District (MPD) Police Station 13 sa Baseco, Port Area, Manila, madalas ireklamo sa atin ang mga batang pulis na ubod daw ng tatakaw sa pera at ang husay magtanim ng mga ebidensiya para lamang magkaroon ng accomplishments at magkakuwarta.

Tulad nitong kuwento ng isang inaresto habang nagwawalis sa labas ng kanyang bahay noong Marso 28, 2021, araw ng Linggo.

Ayon sa nagsumbong na hindi na natin pangangalangan dahil baka resbakan ng mga bugok na pulis ni Col. Robert Domingo, ang hepe ng MPD PS13, nagkaroon noong araw na iyon ng “tupada” (iligal na sabong) at nang dumating ang mga pulis ay wala na ang mga sabungero.

Siguro, para hindi masayang ang pagod ng mga bugok na pa-rak, nanghuli ang mga ito ng mga tambay sa lugar. Kasama sa mga hinuli itong nagreklamo sa atin. Nagwawalis aniya siya noon sa labas ng kanilang bahay. May lumapit na pulis na nakasibilyan, naka-short, sinabihan siyang lumabas, pumunta sa kanto. Sa kanyang pagkabigla at takot ay sumunod siya. Pagdating sa labasan nakita niya ang maraming lalaki na bitbit ng mga pulis. Dinala sila sa prisinto. Tapos pinahawakan sa kanya ang isang manok, tina-rian ng pulis na gamit ang sinulid at piniktyuran. Tapos ang pera niya sa bulsa na P600 ay kinuha ng pulis na si alyas “Lakay”. Ibabalik rin daw ‘pag okey na ang lahat.

Inabot ng 3 linggo sa kulungan ang mga hinuli sa tupada kuno. Hindi rin naman daw sila pinagpiyansa.

Ayon sa nagreklamo, nasa 200 sila sa kulungan. Pero silang inaresto sa kasong PD 1602 (Illegal gambling) ay hiniwalay ng kulungan. Dapat lang!

Bukod dito, maraming beses na akong nakatanggap ng reklamo laban sa mga pulis ng Baseco na nagtatanim ng ebidensiya tulad ng shabu at paglabag sa protokol kuno, pero hindi sila tinutulu-yan, kinukuha lang ang kanilang alahas, cellphone at pera.

May ilang pulis naman daw sa Baseco na matitino at sinasabihan silang “Mga gago talaga ‘yang mga batang pulis. Sayang ang pera n’yo dyan.”

Col. Domingo, Sir! Hindi n’yo dapat kinukunsinte ang mga bugok na pulis sa iyong himpilan. Habang tumutubo palang ang sungay ng mga ‘yan, sibakin n’yo na.

At para naman sa mga tinaniman ng ebidensiya ng mga bugok na pulis ng Baseco, lakasan n’yo ang loob na kasuhan ang pulis na ito. Kasuhan sila sa PNP-IAS o kaya’y sa Napolocom at nang matanggal sa serbisyo ang mga hinayupak na ‘yan. Doblado na nga ang sueldo, gumagawa pa ng kagaguhan!!! Tuldukan!

***

Kumalat na ang ‘Community Pantry’ sa buong bansa. Makikita sa mga post sa socia media ang paglalagay ng community pantry sa mga barangay sa bawat bayan sa mga probinsiya.

Gayundin dito sa Metro Manila, naglagay narin ng community pantry ang mga barangay sa bawat lungsod.

Ito ang tugon ng mga may ginintuang pusong mamamayan sa kapalpakan ng gobyerno ni Duterte.

Dahil sa community pantries, ang mga walang kakayahang pambili ng pagkain ay nakakakain na ng maayos-ayos.

Makikita sa mga pantry sa kariton o lamesa sa open space ang nakasupot na bigas, iba’t ibang gulay, prutas, mga delata, noodles, asukal, asin, kape, isda at marami pa. Nakapaskil dito: “Kumuha ng ayon sa pangangailangan”, at “Magbigay ayon sa kakayahan”.

Ito’y bayanihan para walang magugutom sa higit isang taon nang ‘community quarantine’ bunga ng kapalpakan ng gobyerno.

Mabuhay ang mamamayang Filipino. Sana ‘di na tayo magkamali sa pagpili ng lider sa 2022.

Keep safe and God bless sa ating lahat…

The post Tanim ebidensiya ng mga pulis ng MPD PS-13 appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Tanim ebidensiya ng mga pulis ng MPD PS-13 Tanim ebidensiya ng mga pulis ng MPD PS-13 Reviewed by misfitgympal on Abril 19, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.