Facebook

‘Tusok-tusok’ pantry kinaaliwan sa Marikina

‘TUMUHOG batay sa pangangailangan’
Iyan ang tagline ng isang ‘tusok-tusok’ community pantry sa Marikina City.
Umani ito ng positibong reaksyon at komento sa publiko.
Kung iba’t ibang bersyon ng community pantry ang pag-uusapan, bukod sa ‘shoe community pantry’ kung saan namimigay ng libreng sapatos at tsinelas ang isang pagawaan sa Marikina, pinag-usapan din ang isang naiibang community pantry na tinatawag na ‘tusok-tusok pantry.’
Ayon sa Facebook post ng netizen at miyembro ng ‘Group Ambagan PH’ na si Sagun John Rufinel nitong Abril 27, 2021, naubusan sila ng suplay sa kanilang community pantry na isinagawa nila sa Barangay Concepcion Uno Marikina City. Kaya naman naisipan nilang kontratahin ang fish ball vendor na si “Kuya Gil”.
“Matapos maubos ang laman ng community pantry namin sa Brgy. Concepcion Uno sa Marikina, naisip namin na mamahagi naman ng libreng tusok-tusok para makakain din ang street sweepers, motorista, tricycle drivers, nagbibisikleta, construction workers, nagde-deliver, mga nagtitinda sa kariton, nangangalakal, at mga naglalakad sa kalsada na inabutan na ng gutom sa daan dahil hindi agad makauwi at makapagluto ng pananghalian,” bahagi ng post ni Sagun.
“Tuwang-tuwa ang mga residente! Sabi ng isang nanay, may pang-ulam na raw ang anak niya paggising. Naibsan na ang gutom ng mga tao sa kalye, nakatulong pa sa kabuhayan ni Kuya Gil na nagti-tinda ng tusok-tusok!”
Dahil alam daw ng fishball vendor na para sa pamamahagi ito, nagbigay raw ito ng malaking discount sa kanilang grupo. Libre narin daw ang pa-nulak na juice.
Ang terminong “tusok-tusok” ay tumutukoy sa mga street food gaya ng fish ball, kikiam, squid ball, chicken ball, at iba pa. Ang tagline nito: ‘Tumuhog batay sa pangangailangan, mag-ambag batay sa kakayanan!’ Nagsabit din sila ng paskil na ‘Laging isipin ang ating kasunod ay mayroon pang tutuhugin.’
Samantala, hinikayat naman ni Sagun ang publiko na makisali sa kanilang adhikain para sa kanilang proyektong ‘Ambagan sa Hapag-kainan.’ Layunin nilang mag-install ng iba’t ibang community pantries sa buong panig ng bansa.
“Let us replicate and sustain our Community Pantries Nationwide! Magbigay ayon sa kakayahan. Kumuha batay sa pangangailangan.”

The post ‘Tusok-tusok’ pantry kinaaliwan sa Marikina appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
‘Tusok-tusok’ pantry kinaaliwan sa Marikina ‘Tusok-tusok’ pantry kinaaliwan sa Marikina Reviewed by misfitgympal on Abril 30, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.