SA pagpasok ng pandemya sa bansa, hindi kinakitaan ang Civil Service Commission ng mga agarang hakbang upang siguraduhin na ang mga kawani ng gobyerno’y makakatiyak ng katatagan sa kanilang hanapbuhay. Hinayaan lang ang kaayusan na ang puno ng Balete sa Malacanan ang magsabi ng tatakbuhin ng pamahalaan sa panahon ng pandemya.
Bilang ahensya na tumutukoy sa kagalingan ng mga kawani ng pamahalaan, ang naging tanging ambag lamang nito sa pandemya ay ang inilabas na Memo Circular noong nakaraang taon bilang pamantayan sa “alternative work arrangement,” wala na at tuluyang nanahimik hanggang sa kasalukuyan.
Sa isang banda, maraming sangay ng pamahalaan ang nagsara at nagpahayag na pinapayagan ang hindi pagpasok o’ ang pagdala ng mga trabaho sa bahay (Work from Home) ng hindi magkaroon ng pandemya, o C-19, at mapigilan ang pagkalat ng sakit na ito. Makailang pagpapalit ng kalagayan ng bansa, mula ECQ, MCEQ at kung ano, subalit hindi na nasundan ng Komisyon ang mga deklarasyon at walang mga kautusan o Memo Circular ang inilabas upang sundan o sundin ng mga kawani ng pamahalaan bilang patakaran.
Ganito na ba ang bulokrasya, kanya-kanya na ang pagpapatakbo ng ahensya?
Bago pa man ang pandemya, may nakatakdang pagsusulit ang komisyon para makakuha ng eligibility ang mga anak ni Mang Juan upang makapasok at makapagtrabaho sa gobyerno. Ang pagpasa sa pagsusulit ang susi sa pagpasok at maging regular na kawani ng pamahalaan.
At nang ideklara ang lockdown sa NCR at ilang karatig lalawigan noong nakaraang taon, hindi natuloy ang pagsusulit. Hindi nag-isip ang komisyon ng paraan para sa mga kawani ng pamahalaan na kailangang pumasa sa pagsusulit na ito upang maging regular sa kanilang trabaho. At mukhang may napipintong pagtitipid sa pamahalaan dahil sa bagal ng pagpasok ng mga buwis, at kinakabahan ang mga kawani na walang eligibility at sila ang unahin na paraan sa pagtitipid.
Naintindihan ng mga tao ng hindi ituloy ang pagsusulit na naka takda sana sa buwan ng Marso noong nakaraang taon. Subalit sala ang Komisyon sa pagtigil ng paggawa ng paraan sa pagbigay ng pagsusulit at tila nakatulugan ng gawin ang mandato.
Silipin natin ang ilang kaganapan sa mga GOCCs at GFIs, na hanggang ngayon walang ayuda na makukuha sa Komisyon kung pag-uusapan ang umento ng sahod na lumayo na ang pagitan sa mga tinatawag na mga national agency/ies at mga LGUs. Hindi na nakatanggap ng umento sa kanilang sahod ang mga kawani ng GOCCs / GFIs sapul ng mabuo ang GCG na siyang inatasan ng batas kuno na magpatupad ng mga reporma sa mga opisinang nasasakop sa mga ito.
Ang masakit dito, ang repormang ginawa ng GCG ang hindi makatarungang pagpapahinto sa pagbibigay umento sa sahod ng mga kawani na umabot na ng maraming taon. Ang hinihingi ng mga kawani ng GOCCs / GFIs ay ang pagpasok ng CSC na naglalayon na itama ang kilos ng GCG na matagal ng sumupil sa kanilang pangangailangan.
Ayudahan at muling pag-aralan ang kalagayan ng kawani ng GOCCs / GFIs na kumuha at makapasa sa pagsusulit na ibinibigay ng komisyon. Mamagitan at huwag magpatulog-tulog, CSC magparamdam at ayudahan ang mga kawani ng mga GOCCs, at GFIs na matagal ng nagtitiis sa di tamang gawa ng GCG.
Tunghayan ang pangyayari sa PhilHealth na kung saan naging tampulan ng puna dahil sa nawawalang P15-B na pondo na di malaman kung nasaan. Ayon sa naatasang mag-usisa sa nawawalang P15-B pondo, wala namang anomalya at naging tapat at mahusay ang liquidation ng mga hospital.. Ipinagmamalaki ng mga taong nag-usisa sa pondo na 95% nito ang na liquidate ng mga hospital bago pa man ang itinakdang panahon ni Totoy Kulambo.
Sa pagpasok ng ulat nito sa puno ng Balite ng Malacanan, hindi makapaniwala si Mang Juan sa mahika ng mga nag-usisa na walang anomalyang naganap. Taliwas sa imbestigasyon ng Kongreso at Senado na may anomalyang naganap sa ahensya. Ang mas masakit, ang mga taong humarap sa mga pag-uusisa ng Kongreso’t Senado’y hindi nabigyan ng proteksyon ng Komisyon o maging ng ehekutibo.
Sa hindi malamang dahilan o kawalan ng kaalaman kung paano bibigyan ng proteksyunan ang mga kawani nasira ang career ng mga kawani na tuluyang bumitaw o nagbitiw sa kanilang tungkulin. At sa paglabas ng ulat nang nag-uusisa sa pondo, walang anomalya at na liquidate ng maayos ang pondong hinahanap. Ang tanong, bakit hindi na makabalik ang mga taong nakasuhan sa usapin ng P15-B, gayung walang anomalya?
Walang ayuda ang Komisyon upang maibalik ang mga ito sa kanilang mga trabaho. May pumalit na ba sa mga pwesto ng mga pinagbitiw? Sa Komisyon, magkaroon ng inisyatibo at gampanan ang tungkulin na proteksyonan ang mga kawani ng pamahalaan.
Sa nagdaang taon, walang galaw ang Komisyon at dama ni Mang Juan na hindi kumikilos ito upang ayudahan ang mga kawani sa kanilang pangangailangan. Tila sa papel lang ang dangal ng bayan. Kabi-kabilang akusasyon ng korapsyon at ang mabigat nito nasa itaas ng bulokrasya ang mga salarin. Habang ang mga kawaning nagpapatupad ng tuwid sa tungkulin ang naiiwan at nakakasuhan. Ang mga tinalaga ni TK, eh parang baraha na binabalasa at sila pa rin ang nagiging pinuno ng mga ahensya..
CSC magparamdam kayo, kalingain ang kawani ng madama ang inyong presensya. Sa pagsusulit upang makapasok sa pamahalaan, bigyan ito ng prayoridad upang hindi matanggal ang mga casual at contractual sa inyong hanay. Gumawa ng paraan kung paano nagaganap ang pagsusulit. Gawin ang nakagawian, ang pagkakaroon ng walk-in computer assisted na pagsusulit sa inyong head office at mga regional at provincial o satellite offices.
Huwag iwan ang mga kawani na nakasabit dahil sa kawalan ng civil service eligibility.. Sa kahirapan ng buhay ang ambag ninyo’y maipadama sa mga kawani ng pamahalaan, ang pagtatakda ng pagsusulit sa ano mang paraan at sa anumang panahon, mamagitan sa GCG at sa mga GOCCs/GFIs na hindi na inabot ng umento at sukdulang proteksyon sa mga tuwid na kawani ng pamahalaan. Mamamayan muna at hindi Wala na…
Maraming Salamat po!!!
The post Walang silbi service appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: