Facebook

14% poverty reduction posible pa ba?

BILIB ako sa kumpyansa ng ilan sa gubyerno na nagsasabing kaya pang ibaba ang poverty incidence sa 14% bago matapos ang termino ni PDuterte sa kabila ng malalim na resesyon na inabot ng ekonomiya sa harap ng pandemya.

Isa dito ang National Economic Development Authority (NEDA) na sa kabila ng maling projection nito sa V-shaped o mabilis na economic recovery ay naniniwala pa rin na matatamo ang naturang target. Sinundan ito ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) na buo ang pananalig na mas liliit ang bilang ng mahihirap sa bansa sa halip na dumami sa kabila ng krisis.

Hindi naman masamang maging optimistiko sa panahon ng krisis pero sana naman ay lagyan ng basehan ang pananalig na ito. Kung hindi ay nagiging propaganda lamang ito. Dahil ang kongkretong panukat para masipat ang liwanag ng pag-unlad ay ang pagdami ng trabaho at paglaki ng kita ng mga Pilipino. Ibig sabihin, ang bawat mababawas sa listahan ng mahihirap ay katumbas ng bilang ng mga Pilipino na nagkaroon ng trabaho o hanapbuhay na may sapat na kita.

Posible ba ito agad-agad o sa maagang hinaharap habang binabayo pa rin tayo ng pandemya? Pwede, kung may kagila-gilalas na lideratong gigiya sa mabilis na pagbangon. Malabo kung ang liderato ay palpak at kulang sa suporta ang mga importanteng sektor, lalo na sa uring manggagawa na silang totoong nagpapaandar ng ekonomiya ng bansa.

Tingnan muna natin kung suportado ng numero ang kumpyansa ng pamahalaan na 14% poverty reduction sa gitna ng pandemya.

Ang ibig sabihin ng 14% reduction ng poverty incidence sa 2022 ay magiging 15.4 milyon na lamang ang mahihirap na Pinoy mula sa bilang na 18.3 milyon sa huling survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2018 kung saan 16.6% ang naitalang poverty incidence at kung ibabase sa pirming populasyon na 110 milyon ng Pilipinas. Nangangahulugan ito na mula 2018 ay mayroong hindi bababa sa 2.9 milyong Pilipino ang naiahon sa kahirapan. Sa totoo lang ay maliit lang ang target na ito.

Ano naman ang ibig sabihin ng “naiahon sa kahirapan”? Sa 2018 survey ng PSA, ang mga Pinoy na itinuturing na mahirap o nasa ilalim ng poverty line ay yaong hindi lalagpas sa PhP71 ang kita kada araw. Ibig sabihin, ang may kita lagpas dito ay “nakaahon na” sa pagiging mahirap. Sa pamilya na may 4 na miyembro, ang PhP71 kada isa ay katumbas lamang ng PhP284 kada araw. Kalahati lamang ito ng PhP537 na minimum wage sa NCR. Sa madaling salita, ang pamilya na may isang minimum wage earner lamang ay hindi na kasali sa listahan ng mahirap na pamilya. Kayo na ang magsabi kung ito ay totoo.

Noon pa natin kinukwestyon ang napakababang istandard o panukat na ito ng kahirapan kung kaya’t ang simpleng pagbawas sa bilang ng mga tao sa ganitong kategorya ay hindi sumasalamin sa totoong buhay at pakiramdam ng mga tao. Dahil kung pakiramdam lang ang tatanungin, sa “self-rated poverty survey” ng Social Weather Station (SWS) noong November 2020 ay 48% o katumbas ng 44 milyong Pilipino ang nagsabi na sila ay mahirap. Kung “komportableng buhay” naman ang magiging basehahan, ang dating Secretary mismo ng NEDA ang nagsabi noong 2018 na ang kailangan ng isang pamilya ay PhP42,000 sa isang buwan o PhP1,400 kada araw.

Ngayon ay balikan natin ang tanong kung possible nga ba ang 14% poverty reduction sa harap ng nagpapatuloy na pandemya. Kung noong wala pang pandemya ay milyones at kalunos-lunos na ang buhay ng mahihirap, higit lang itong lumala ngayong pandemya dahil sa dami ng nawalang trabaho at bumagsak na negosyo. Hindi naman ito napalitan ng bagong trabaho kung kaya’t walang basehan na may mababawas sa bilang ng mahihirap sa bansa. Tandaan natin na halos isang milyon ang bagong entrants sa labor force ang nadadagdag kada taon nan naghahanap din ng trabaho.

Sa isang pag-aaral na ginawa ng kasamahan ko sa Center for Power Issues and Initiatives (CPII) na si Maitet Diokno, sinabi niya na batay sa growth elasticity of poverty (GEP) na panukat, sa bawat porsyento ng pagbagsak ng per capita GDP ay katumbas ng kaparehong pagtaas sa ng poverty rate. Sa pagitan ng 2019 at 2020 ay bumagsak ang per capita GDP ng 10.7%, ibig sabihin, higit lamang lalala ang poverty rate sa nagpapatuloy na pandemya. Hindi rin maganda ang iba pang mga numero sa dami ng manggawang unemployed, trabahong partime, at marami ay tuluyan nang nalaglag sa labor force, lalo na sa kababaihan.

Sa kabilang banda, magandang hindi sukuan ang pag-abot sa target na poverty reduction. Ngunit kailangan itong tapatan ng seryoso, malawak na programa, at pondo para ayudahan ang ating mga manggagawa, magsasaka, at iba pang importanteng sektor ng ating ekonomiya. Gubyerno mismo ang lumikha ng trabaho. Magpasa ng mas malaking stimulus package. Iprayoridad ang paggamit ng pondo, hindi sa dolomite o bilyones para sa kampanyang red-tagging. ###

The post 14% poverty reduction posible pa ba? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
14% poverty reduction posible pa ba? 14% poverty reduction posible pa ba? Reviewed by misfitgympal on Mayo 22, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.