
APAT na buwan nalang filing na ng Certificate of Candidacy (CoC) para sa mga tatakbo sa 2022 national/local elections.
At mainit na pinag-uusapan ngayon sa social media ang pagpunta ng magkapatid na Bongbong at Imee Marcos sa Davao City nitong Linggo, itinaon sa kaarawan ni Mayor “Inday” Sara Duterte-Carpio, ang anak ni Presidente Digong Duterte na matunog na tatakbo sa pagka-pangulo.
Oo! Maingay ngayon sa Facebook ang Marcos-Duterte (Sara).
Pero wala pang pinal dito. Hindi pa opisyal na nagpapahayag ang kampo Duterte kung payag silang Vice lang si Sara.
O kung si Sara nga ang tatakbo o ang longtime aid ni Digong na si Senador Bong Go.
Kung alin man kina Sara at Bong Go ang iendorso ni Digong para pangulo, payag kaya si Bongbong na Vice lang eh gurang narin siya para maghintay ng another 6 years para makabalik sa Malakanyang na higit 20 years nilang naging tahanan bago napatalsik ng People’s Power noong 1986 dahil sa pandarambong at pang-aabuso?
Si Bongbong, 63 anyos, ay dalawang beses natalo ni Vice President Leni Robredo. Una, natalo siya sa eleksyon noong 2016, at pangalawa ay natalo siya sa kanyang election protest sa Korte Suprema.
***
Paano na nga pala si Sen. Manny Pacquiao na abot-langit din ang pangarap para pamunuan ang Pilipinas sa 2022?
Si Pacquiao ang kasalukuyang presidente ng partido ni Duterte na PDP Laban. Pero mukhang hindi na siya isinasama sa mga miting ng mga opisyal ng partido. Aray ko!
Kung sabagay hindi naman likas na PDP si Pacquiao. Palipat-lipat siya ng partido. Kung sino ang presidente doon siya. Noong si Noynoy Aquino ang Presidente, “dilawan” din siya. Hehehe…
Noong 2016 ay nasa partido UNA ni ex-Vice Pres. Jojo Binay si Pacquiao. Tumalon siya sa PDP nang manalo si Duterte. Ang tawag sa ganito ay “political butterfly”. Trabaho ng trapo. Hehehe…
Kung titiwalag na sa PDP si Pacquiao, may kukuha kaya sa kanya considering na pasok siya sa Top 3 sa mga online survey at nasa Top 5 sa SWS at Pulse Asia sa presidentiables?
Ang electoral group na 1Sambayan nina retired Supreme Court Justices Antonio Carpio at Conchita Morales ay nagsabi na nakahanda silang kunin si Pacquiao kung itatakwil nito si Duterte.
Si Pacquiao ay winnable sa Vice President, pero malabo sa Presidente. Mismo!
Sakali namang magpursige si Pacquiao sa pagtakbong Pangulo, sino naman ang maging Vice niya? Papayag ba si Manila Mayor Isko Moreno at Sen. Grace Poe na maging running mate niya? Malabo!
Ang unofficial nominees ng 1Sambayan sa pagkapangulo ay sina Vice Pres. Leni Robredo, ex-Sen, Antonio Trillanes, Sen. Poe, Sen. Nancy Binay, at Mayor Isko.
Iaanunsyo ng 1Sambayan ang kanilang official nominees sa Presidente, Bise Presidente at 12 Senador sa Araw ng Kagitingan, Hunyo 12 (Sabado).
Dahil nga 4 months nalang at filing na ng CoC, asahan na ang umpisa ng bakbakan ng mga tatakbo sa local at national sa 2022. Subaybayan!
The post 4 months nalang para sa filing ng CoC appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: