TALAGA namang nakakabilib at kapuri-puri ang sipag at dedikasyon nina Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Honey Lacuna, Manila Health Department head Dr. Arnold Pangan at ng mga tauhan ng Manila City Hall na nasa likod ng walang humpay na bakunahan sa lungsod ng Maynila.
Kaya naman walang tigil din si Mayor Isko sa pagpuri at pasasalamat sa mga vaccinating teams dahil sa kanilang sakripisyo.
Sa totoo lang , hindi biro ang ginagawa ng Maynila na nagbabakuna sa loob ng tumataginting na 14 oras sa 18 vaccination sites na matatagpuan sa iba’t-ibang paaralan sa anim na distrito ng lungsod.
Bukod diyan, may mga karagdagang vaccination site din na ginagamit sa loob ng walong oras, na normal na oras ng trabaho.
Dun sa sinasabi kong 18 paaralan, nag-uumpisa ang bakunahan ng alas-6 ng umaga at natatapos ng alas-8 ng gabi. Ngayon kung mahaba pa rin ang pila, nage-extend pa nga ang ibang vaccination site para lang mabakunahan lahat ng pumila kahit lagpas na sa oras. Extended na nga, nae-extend pa.
Isipin nyo na lang. Tama ang sabi ni Mayor Isko. Una, imbes na walong oras na trabaho ay may dagdag na anim na oras na trabaho ang mga nasa likod ng bakunahan. Hindi ito biro.
Ikalawa, ang nangyayari, sabihin na nating hindi nag-extend ang mga vaccinating team. Kapag natapos ang bakunahan ng alas-8, maglalakbay pa sila pauwi.
So mga alas-9 pa sila makakauwi. Pagdating sa bahay, maliligo sila, kakain ng hapunan kundi pa nakakain at pagkatapos matutulog na, dahil kinabukasan kailangan na naman silang umalis ng bahay ng alas-5 pa lang dahil alas-6 ang umpisa ng trabaho nila.
Ganyan ang nangyayari sa tuwing may sunod-sunod na bakunahan sa Maynila, na ilang beses nang nagyayari kaya nga nitong huli ay umabot na sa mahigit 16,000 ang nabakunahan sa loob lamang ng isang araw.
Kaya naman paulit-ulit si Mayor Isko sa pagpapasalamat sa kanila, pagpuri sa kanilang dedikasyon at maging paghingi ng pasensiya para sa mga taong nagsusungit o nagagawa pang mang-insulto kapag hindi nila nakuha ang kanilang gusto gaya ng payagan silang mabakunahan kahit wala silang dalang requirements na mismong Department of Health ang nagtakda.
Sabi nga ni Mayor Isko: “Ang iba sa inyo (MHD personnel), alam ko nakakatikim kayo ng masakit na salita sa tao dahil siguro sa pagka-inip nila, sa excitement nila o may ilang gustong makaisa, ayaw pumila nang maayos. Just continue… ‘wag nyo unawain ‘yung iilang pa–espesyal at gusto maging espesyal.”
“Sa mga individual na gusto maging special sila, intindihin sana ninyo ang sakripisyo ng mga taong-gobyerno para lamang mailigtas ang bawat Batang Maynila. Sa mga doktor, nurses, encoders, vaccinators, carry on!”
Dahil sa malasakit na ipinakikita ni Mayor Isko sa kanyang mga tauhan, lalo silang ginaganahang magtrabaho nang todo.
Muli, congrats sa lungsod ng Maynila. Ang galing ninyo!!!
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.
The post Ang galing ng mga nasa likod ng bakunahan sa Maynila appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: