UMAPELA si Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng motorista na dumadaan sa lahat ng kalye sa lungsod na sumunod sa batas trapiko at huwag na huwag mananakit ng traffic enforcers na ginagawa lamang ang kanilang tungkulin.
Kasabay nito ay pinuri ni Moreno ang traffic enforcer na si Marcos Anzures, Jr., 35, ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa ilalim ni Director Dennis Viaje dahil sa pagpapairal nito ng maximum tolerance sa gitna ng ginawang pananakit sa kanya ng isang babaeng motorista na kanyang hinuli dahil sa dalawang traffic violations.
Dahil dito ay binigyang direktiba ng alkalde si Col. Jhun Ibay, hepe ng special mayor’s reaction team (SMART) na sampahan ng kaso ang suspek na kinilalang si Pauline Mae Altamirano alias Maria Hola Sy, 26, model at residente ng Unit 8E, Tres Palmas, Taguig City at No. 182 Rizal St., Rizal Village, Paciano Rizal, Calamba, Laguna.
Ayon kay Ibay, ang reklamong isinampa ni Anzures laban kay Altamirano ay base sa insidenteng naganap sa Osmeña Highway corner San Andres Street , Malate, Manila dakong 8:05 a.m. noong May 27, 2021.
Sinabi ni Anzures na siya at ang kasamang enforcer na si Rowell Echalar ay nagmamando ng trapiko nang makita nila ang isang puting Toyota Fortuner na may plakang NAX-2723 na dumiretso ng takbo kahit red light na.
Dahil dito ay sinenyasan nila ang driver na ihinto ang sasakyan upang bigyan ito ng tiket sa ginawang paglabag, gayunman sa halip na huminto ay tinuloy pa rin ng driver ang pagpapatakbo.
Dito na hinabol ng dalawang
traffic enforcers ang sasakyan hanggang sa ma-corner ito sa Osmeña Highway corner Estrada Street, Malate, Manila.
Nang hanapan ng driver’s license ang suspek ay tumanggi ito. Nagkataon naman na dumadaan ang isang police mobile car sa nasabing lugar kung kaya’t nakahingi ng tulong ang dalawang enforcer at dahil dito ay inilabas ng suspek ang photocopy ng Official Registration / Certificate of Registration ng sasakyan, pero wala pa ring naipakitang driver’s license.
Sa puntong ito ay inatasan ng dalawang traffic enforcers ang suspek na sumunod sa kanila sa impounding area, pero sa halip na sumunod ay bumaba ito ng sasakyan at sinaktan si Anzures.
Ang viral video ng pangyayari na kinunan ng MTPB ay makikita na sinaktan ng suspek si Anzures sa pamamagitan ng suntok, sampal at kwinelyuhan pa ang enforcer ng babaeng suspek habang sumisigaw at pilit na binabawi ang kanyang iprinisintang OR/CR at sinasabing hindi kanya ang sasakyan. Samantala, si Anzures ay nanatiling nakatayo at hindi gumagalaw habang hawak ang OR/CR sa kabila ng pananakit sa kanya ng suspek.
Sumunod na ginawa ng suspek ay nagkulong sa kanyang sasakyan at tumangging pang buksan ang bintana. Dahil dito ay humingi ng tulong ang MTPB kay Ibay na nag-utos na hilahin ang sasakyan kahit nasa loob pa ang suspek.
Ang sasakyan ay dinala sa Manila City Hall kung saan inutusan ni Ibay ang isang babaeng pulis na kausapin ang suspek na napapayag na lumabas ng sasakyan. Siya ay inaresto ni Sonia Labog na isa ring MPTB.
Ayon kay Ibay mga kasong Violation of Section 19 of RA 4136, Article 148 (Direct Assault) and Art. 151 (Resistance and Disobedience to a Person in Authority of the Agent of Such Person) of the Revised Penal Code ang kakaharapin ng suspek.
Samantala ay sinabi naman ni Viaje na seryoso sila sa mga kasong isinampa kay Altamirano at nangakong tatapusin ang kaso upang magsilbing leksyon at mensahe sa publiko na hindi papayag ang MTPB na saktan ng kahit na sinumang motorista ang sinuman sa kanilang mga kawani na ginagawa lamang ang kanilang tungkulin.
Inatasan din ni Viaje si Anzures na sumailalim sa medical checkup at magpagamot sa isa sa mga ospital na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod. (ANDI GARCIA)
The post Apela ni Isko sa mga motorista, sumunod sa batas trapiko at huwag manakit ng enforcer appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: