Facebook

Ayuda ng kalsada: 44 baboy patay sa tumagilid na trak, pinag-agawan ng mga residente

APATNAPU’T-APAT (44) baboy ang patay nang tumagilid ang 14-wheeler truck sa Navotas City.
Ayon sa ulat, papaliko ang naturang truck sa kanto ng C3 at Road 10 nang bigla itong tumagilid. Dito nasawi ang mga kargang baboy na nadaganan, habang nakawala ang iba na hinabol naman ng mga taong nakatambay sa lugar.
Kanya-kanyang kuha ng baboy ang mga residenteng nakatira malapit sa lugar.
Maswerte namang nakaligtas sa aksidente ang driver at mga kasamang pahinante nito.
Bagama’t may isang nagbabantay, wala na raw siyang nagawa nang dumugin ng mga residente ang mga patay na baboy. Yung ibang residente, doon na mismo sa lugar tinadtad at pinaghatian ang baboy.
Ayon sa mga residente, wala namang sumaway sa kanila. Kakainin daw nila ang mga baboy dahil hindi naman namatay sa sakit ang mga ito.
Ayon sa isang beterinaryo, maituturing nang “hot meat” ang mga namatay na baboy at hindi na maaaring ibenta.
Pinayuhan ng beterinaryo ang mga residente na mag-ingat sa pagkain ng kinuhang baboy.
Nasa 160 buhay na baboy ang karga ng truck na mula pa sa General Santos at dadalhin sana sa slaughterhouse sa Cavite.
Hinaragangan ng plastic barriers ang mga nakaligtas na baboy at isinakay sa mga rescue truck. Pahirapan ang pagsasakay sa mga baboy dahil nagwawala ang mga ito.
Ayon sa middleman na sumaklolo, nasa P25,000 ang presyo ng bawat baboy kaya nasa P1-milyon ang agad nawala sa supplier nito.

The post Ayuda ng kalsada: 44 baboy patay sa tumagilid na trak, pinag-agawan ng mga residente appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Ayuda ng kalsada: 44 baboy patay sa tumagilid na trak, pinag-agawan ng mga residente Ayuda ng kalsada: 44 baboy patay sa tumagilid na trak, pinag-agawan ng mga residente Reviewed by misfitgympal on Mayo 05, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.