NAMATAY si Lolo Rolando, 67-anyos sa Community Pantry ni aktres Angel Locsin, sabi ni FEU Law Dean Mel Sta. Maria.
“There is no crime when there is no criminal mind. Neither was there negligence in putting up a table as a community pantry. The table and the food were just there to be approached,”sabi ni Dean Sta. Maria.
Sabi, may nakaalitan daw si Lolo Lando sa pila, habang naghihintay na makakuha ng libreng pagkain sa 36th birthday celebration ng maganda at mabait na aktes.
Marahil sa tindi ng gutom, at kung anoman, nahimatay si Lolo at namatay kahit na naisugod pa sa ospital.
Tunay na nakalulungkot ang pagkamatay ni lolo Lando, at sa okasyon pa ng mabait, napakamatulunging aktres – na sa maraming pagkakataon, alam natin, na lagi at handang buksan ang puso sa mga nangangailangan.
Mga katangiang ito ni Angel kaya mahal na mahal siya ng masang Filipino.
***
Ayon nga kay Dean Sta. Maria, walang masamang ikinilos si Angel para panagutin sa trahedya, at hindi raw intensiyon ng aktres na may masaktan, lalo na ang may mamatay sa kanyang community pantry sa Brgy. Holy Spirit sa QC.
“There is just absolutely nothing to make Angel Locsin liable,” sabi ni Dean Mel dugtong niya, hindi mailalapat ang krimeng homicide thru reckless imprudence (labis na kawalang ingat at malaking kapabayaan) sa Article 365 ng Revised Penal Code, laban sa aktres.
“Yung pag-iimbita kahit na po intentional, hindi po crime. Iyan lang po ang katotohanan,” sabi ni Dean Sta. Maria, talaga lang, ha?
‘Yun daw risk o panganib sa buhay ng tao – tulad ng ginawa ni Lolo Lando – na pumila sa init ng araw sa pantry ay sariling desisyon nito: walang pamimilit sa panig ni Angel.
Sabi pa ni Dean Mel: “Kung nagsapalaran ang isang taong pumunta sa lugar na hindi niya rin alam ang mangyayari, nag-assume siya ng risk sa mga mangyayari doon. Wala ng kinalaman si Angel diyan.”
Ganun?
***
Halimbawa, isang kamag-anak ni Atty. Mel – na hindi marunong lumangoy – ay kusang sumama sa akin na maligo sa ilog.
Nangyari na namatay sa pagkalunod ang tao, hindi ako idedemanda ni Dean Mel, kasi ayon sa kanyang argumento, wala akong criminal mind at wala akong negligence o kapabayaan sa pangyayari.
Dahil hindi ko desisyon iyon ang pagsama at paglalangoy ng nalunod, kaya walang reckless imprudence sa panig ko, tama po ba, Dean Mel?
***
Ayon sa balita, 300 piraso ng pakete ng pagkain ang ipinamigay sa pantry ni Angel, pero libo-libo ang nagtiis sa siksikang pila na nakabilad sa init ng araw at lumabag sa physical distancing at iba pang health protocols.
Sa argumento ni Dean Sta. Maria, si Lolo Lando ang dapat sisihin kasi kusa siyang pumila at nagtiiis na mabilad sa init ng araw na naging dahilan ng pag-atake ng sakit nito, na siya nitong ikinamatay.
‘Yung quarantine violation ni Lolo Lando at ng iba pang umatend sa pantry ay walang kinalaman at pakialam si Angel, iyon daw ang kaototohanan, sabi ni Atty. Mel.
***
Kung susundan ko ang argumento ni Dean Sta. Maria, hindi mapananagot ang isang airline company kung madisgrasyang bumagsak ang eroplano at mamatay ang mga pasahero nito.
Kasi, walang criminal mind at walang negligence ang piloto, at ang airline company.
Kasi hindi intentional at alam ng mga pasahero ang peligro o risk sa pagsakay sa eroplano.
Kung si Mocha Uson kaya ang nag-pantry at may aksidenteng mamamatay, gayundin kaya ang maging argumento ni Dean Mel.
Well, lilipat na ako sa FEU para mag-aral ulit ng law at sana si Dean Sta. Maria ang maging professor ko.
***
Maraming isla at bahura sa katubigan ng West Philippine Sea (South China Sea) ay okupado na ng China, Vietnam at Taiwan noon pang 1978.
May mga nakatayo na ring military at naval facilities sa mga katubigang iyon ang tatlong bansa, e tayo wala kahit kapirasong “bato” sa inaangkin nating atin, ayon sa desisyon ng The Hague, Netherlands.
Dahil okupado na nila ang mga isla roon, hindi sila papayag na makuha natin iyon, at kung ipipilit natin na kuhanin at okupahin, ang resulta ay giyera.
E ang tanong, kaya ba nating giyerahin ang China, Taiwan at Vietnam?
Ang alam ko ay ito: We can only own, what we can defend.
Kaya ba nating i-defend sa giyera ang mga islang atin?
Kakampi ng US ang Taiwan at malakas ang puwersa ng Vietnam na kakampi ang Russia.
Superpower ang China na hindi basta isusubo ng US ang militar nila para lamang ipagtanggol tayo, ayon sa Mutual Defense Treaty natin sa America.
Sa bibig ni US President Joe Bidin, mananatili siya sa pagpapatrolya sa pinag-aagawang teritoryo para maiwasan ang giyera.
At giyera lamang ang paraan para pisikal na mabawi natin ang mga isla sa WPS – na armado na ng warship, fighter jets, nuclear submarine ng China at ng Taiwan at ng Vietnam.
Handa na ba tayo sa giyera?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post Handa na ba tayo sa giyera? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: