Facebook

ENDOterte

IKALAWANG Mayo Uno ng manggagawa sa ilalim ng pandemya. Ikalawa sa huling Labor Day naman sa ilalim ng administrasyong Duterte. Kung kaya’t tanong ng maraming manggagawa sa natitirang ilang buwan pa ng administrasyon: May tsansa pa ba ang pagbabago? Magtatagumpay pa ba ang laban sa COVID-19? May linaw ba ang economic recovery? O ang hininga ng uring anakpawis ay mas luluwag, kinabukasan ng bansa ay mas liliwanag, kung ang palpak na liderato ay mapapalitan?

Mahaba ang litanya ng manggagawa sa anila ay kabiguan ng uri sa ilalim ng administrasyong Duterte. Isa-isahin natin mula sa manipesto na inilabas ng Nagkaisa Labor Coalition.

Wasak na ekonomiya. Nasa malalim na resesyon pa rin ang Pilipinas, pinakamalala sa buong ASEAN at pinakamalalim na antas ng krisis matapos ang World War 2. Ang -9.5% na GDP sa buong taon ng 2020 ay direktang resulta ng pinakamahabang lockdown at militaristang pamamahala sa pandemya ng administrasyong Duterte. Walang malinaw na senyales ng maagang recovery.

Naglahong trabaho. Hindi bababa sa 20 milyon ang naapektuhan ng mahigit isang taong lockdown sa ibat-ibang kaparaanan, katulad ng mass layoff at retrenchment, extended floating status ng mga empleyado, hanggang sa tuluyang pag-dropout sa labor force lalo na sa hanay ng manggagawang kababaihan. Wala ring malawakang public employment program ang pamahalaan upang punan ang patuloy na tanggalan at pagkawala ng kabuhayan sa pribado at informal na sektor.

Nagtaasang presyo. Sa kabila ng krisis at bagsak na demand ay tumaas pa ng 88% ang presyo ng mga bilihin. Ang headline inflation na 2.5% noong Marso 2020 ay umakyat sa 4.7% nitong nakaraang Pebrero 2021. Mas mataas ang implasyon (5-7%) sa bottom 30% ng populasyon, lalo na ang presyo ng transportasyon at pagkain. Mataas pa nga ang kilo ng ng baboy ngayon sa minimum wage ng Calabarzon.

Ayudang hindi sapat. Kulang na nga ang P5,000 – P8,000 na ayuda, huli pa itong naipamamahagi at hindi rin lahat ay nakatanggap dahil sa magulong sistema. Hindi rin sapat ang stimulus fund na inilaan ng Palasyo at Kongreso sa Bayanihan 1 at 2 kaya’t kapos ang suporta sa labis na naapektuhang mga negosyo at mga manggagawa nito.

Bakunang teka-teka. Sobrang hina na nga ng capacity natin sa mass-testing at contact-tracing noong nakaraang taon, mas mabagal pa pala ang mangyayaring rollout ng bakuna ngayon. As of April 27, umabot lamang sa 1.81 milyon ang nabakunahan sa Pilipinas, 247,000 lamang dito ang fully-vaccinated o katumbas ng 0.2% ng ating populasyon. Bunga rin ito ng kapalpakan ng liderato at inekwalidad ng sistemang kapitalismo sa buong mundo.

Karapatang sinusupil. Dahil dati nang hindi protektado, lalo pang pinalala ng pandemya ang pagsupil sa karapatan ng manggagawa at mamamayan. Nag-usap ang manggagawa at gubyerno sa mga labor summit at dayalogo nang maupo sa pwesto si Duterte para gawing realidad ang pangakong end endo, ayusin ang sistema ng pasweldo, at iba pa. Sa huli, sa presidential veto nag-ending ng anti-endo bill. Ang mekanismo ng dayalogo ay napalitan ng anti-terror law, NTF-ELCAC at JIPCO para sa red-tagging ng mga unyon, ilang kaso dito ay nauwi na sa hulihan at pagpatay sa mga unyonista. Pinakahuli ay ang proposal ng PNP na gawing requirement ang police clearance sa anumang transaksyon ng manggagawa sa DOLE, na kabaliktaran ng kasalukuyang batas na ang PNP ang dapat humingi ng clearance sa DOLE kung makikisangkot ito sa labor dispute sa ngalan ng peace and order.

Kasarinlang hindi maangkin. Hindi lang isunuko ang West Philippine Sea sa China kundi maging ang karapatan ng ating mga mangingisda sa kanilang kabuhayan. Sa halip na pumosisyon para sa demilitarisasyon sa rehiyon, ang pivot to China policy ni Duterte ay nag-imbita lamang lalo ng higit na militarisasyon ng WPS mula sa mga superpower na wala sa anumang interes ng bansa, ng uring manggagawa, at ng kapayapaan.

Pagkamuhi sa kababaihan. Dahil walang malinaw na problema sa kababaihan, pawang seksismo, insulto, at pagmumura ang napala ng kababaihan, na silang labis na apektado ng pandemya, sa nakalipas na limang taon.

Ayon sa Nagkaisa, sa organisasyon ng mga manggagawa ang palpak na liderato ay pinapalitan. Sa katulad na prinsipyo nila ibinabatay ang panawagang ENDOterte, dagdag pa sa batayang ligal na hininihingi sa kanyang tanggapan ng Saligang Batas.

Popular ang salitang “endo” sa uring manggagawa dahil sa talamak na problemang ito ng kontraktwalisasyon. Isa ito sa ipinangakong wawakasan ni Duterte noong 2016. Noong 2018, butas-butas na Executive Order sa Endo ang kanyang inilabas kaya’t tinanggihan agad ng labor sector. Sinabihan ni Duterte ang labor groups na tumungo na lamang sa Kongreso para makagawa ng batas na ginawa naman ng kilusang manggagawa. Naisabatas ang anti-endo bill sa Kamara at sa Senado noong 2019. Pero pagdating sa mesa ni Duterte para pirmahan, ito ay kanyang ibinasura sa pamamagitan ng presidential veto dahil kung may security of tenure daw ang manggagawa, may security of capital din dapat ang mga employer.

Sino nga ba ang makakalimot sa pangyayaring ito? Malinaw na ang kabiguan ni Duterte sa pamumuno ay hindi fake news. Ang peke ay ang sinabi niya ngayon na kailanman ay hindi siya nangako na palalayasin niya ang China sa West Philippine Sea. At si Duque ay dapat ituring na bayani dahil sa matagumpay na pamumuno nito sa COVID-19 response.

The post ENDOterte appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
ENDOterte ENDOterte Reviewed by misfitgympal on Mayo 05, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.