NAGPAALALA si Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng mga naka-recover sa COVID-19 na itanim sa isip nila na, hindi komo’t naka-survive sila sa sakit ay hindi na uli sila puwedeng tamaan nito. Ang katotohanan aniya ay puwede uli silang ma-infect ng nasabing virus.
Ito ang payong ibinigay ni Moreno sa may 365 na pasyenteng dinapuan ng coronavirus at gumaling na kamakailan sa kabisera ng bansa.
“Sa 365, ako ay nakikisuyo sa inyo. Ibahagi ninyo ang karanasan ninyo sa loob ng 14 na araw ng impeksyon upang ito ay kapulutan ng aral at maging takdang giya na talagang seryoso ang dapat na pag-iwas sa COVID,” ayon sa alkalde.
“Di komo kayo ay na-impeksyon at ligtas na ngayon ay hindi na kayo maimpeksyon later on..posible pa rin po ‘yan kasi wala pa hong medical findings na magpapatunay na kayo ay hindi na maiimpeksyon kung kayo ay nabuhay o nakaligtas sa impeksyon ng COVID-19,” giit pa ni Moreno.
Kaugnay pa nito ay pinayuhan din ni Moreno ang mga COVID survivors na balikan at alalahanin kung paano at bakit nila nakuha ang sakit at iwasan na ang mga dating pagkakamali upang huwag na muling maimpeksyon.
Higit sa lahat, hinikayat ng alkalde ang mga ito na matuto sa mga paghihirap na dinanas habang nakikipaglaban sa COVID-19 at nakakapit sa kanilang buhay sa loob ng 14 na araw.
“Ang mabisang paraan para makaiwas na mahawang muli ay alalahanin ang naging sitwasyon sa loob ng 14 days… gaano kahirap ito at kapulutan ng aral sa sarili natin. Ano ba ang mga bagay na ginawa ko ba’t ako na-impeksyon, ba’t ako nahawa? Alalahanin n’yo maige ‘yun and then you pick it up from there. Dun na kayo makapulot ng aral na next time, ano dapat ko gawin para makaiwas na ‘wag na ulit ma-impeksyon,” ayon pa kay Moreno.
Samantala ay may 80,051 indibidwal ang naturukan na ng kanilang first dose ng bakuna sa ilalim ng mass vaccination program ng pamahalaang lungsod na inilatag sa ilalim ng superbisyon ni Vice Mayor Honey Lacuna bilang pinuno ng health cluster ng lungsod.
Mismo si Lacuna ang nagbibigay ng bakuna para sa mga residenteng bedridden at physically-challenged na hindi makapunta sa mga vaccination sites. (ANDI GARCIA)
The post ‘Mga gumaling sa COVID-19, pwede pang ma-infect muli’ – Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: