Facebook

Hustisya abot kamay na

MATAPOS ang pagbabang luksa sa pagkamatay ng ating kabarong radio broadcaster na si Cornelio “Rex” Pepino, ang ulat sa imbestigasyon sa pagpaslang sa kanya ay malapit na rin matapos at mailabas ng inter-agency na tumututok dito sa pangunguna ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS).

Sa kabila ng maraming balakit at hirap sa paggalaw gawa ng pandemyang dulot ng COVID-19, desidido ang inyong Task Force na pinamumunuan ng inyong lingkod na tapusin ang imbestigasyon at ilahad ang mga nasa likod ng krmen na ito.

Isang beteranong komentarista si Pepino at kilalang manunuligsa ng mga lokal na pulitiko sa Dumaguete bago siya pinatay ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo noong May 5, 2020 pagkatapos ng programa nitong pinamagatang “Pokpokin Mo Baby” sa istasyong DYMD Energy FM 53.7.

Naunang kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang isang Rodel Barillo bilang pangunahing suspek sa kaso, matapos lumapit ang isang saksi na nagsabing narinig niyang nagkikwento si Barillo tungkol sa insidente.

Ang search warrant na inisyu ng korte ang nakapag-rekober ng isang kalibre 9mm na pagaari ni Barillo sa bahay nito, na siya namang itinugma ng pulisya sa basyo ng bala na narekober sa crime scene.

Ang National Bureau of Investigation (NBI) naman ay nagsagawa ng otopsiya sa bangkay ng biktima na kanilang ipinahukay kung saan nakuha ang isa pang balang tumagos sa kanang balikat ni Pepino. Sa masusing pagsusuri lumalabas na galing din ang naturang bala sa baril ni Barillo.

Sa kasamaang palad, si Barillo ay binaril din at napatay isang linggo matapos paslangin si Pepino.

Sa totoo lang, kung ang pangunahing suspek ay patay na at ang nakumpiskang baril na ginamit sa pagpatay kay Pepino ay nasamsam na, maituturing na sarado na ang kaso. Ngunit di tayo tumigil at pinaki-usapan ang lahat ng ahensiyang nagiimbestiga na hukayin pa ng malalim ang misteryosong kaso.

Parang mga eksena sa pelikula ang mga nangyayari. Pinatay ang gun man para lituhin ang imbestigasyon at putulin ang suspetsa sa iba pang may kaugnayan sa pagpatay. Hindi naman tayo ipinanganak kahapon.

Ang malaking hamon hinaharap ng mga imbestigador sa kasong ito ay walang maituring na tunay na saksi. Maging ang asawa ni Pepino na si Coleen na siyang kasama ng napaslang nang maganap ang krimen ay di matukoy ang pagkakakilanlan ng mga pumatay sa kanyang minamahal.

Hindi naman din nagpaawat si PTFoMS Chairman at Department of Justice Secretary Menardo Guevarra at agad binuo ang Special Investigation Team on New Cases (SITN) na kinabibilangan ng mga beteranong imbestigador mula sa DOJ, NBI at PNP na hukayin pa ang kaso.

Ito ang patunay ng kahalagahan ng PTFoMS na siyang magsisilbing walang kinikilingan sa pagiimbestiga ng mga karahasang nagaganap at ginagawa sa mga kasapi ng media gaya ng kaso ni Pepino, na kalaunan ay siguradong lalabas at lalabas ang katotohanan kung bakit siya pinaslang at sino ang nag-utos nito.

The post Hustisya abot kamay na appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Hustisya abot kamay na Hustisya abot kamay na Reviewed by misfitgympal on Mayo 10, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.