INSPIRASYON SA BUHAY: “…Nakita ng Diyos na naging napakasama na ng tao. Puro kasalanan na lamang ang laman ng kaniyang puso at isipan. Nagsisi ang Diyos na nilalang pa Niya ang tao…” (Genesis 6:5-7, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
PAGIGING SUWAIL AT UTAK KRIMINAL NG MARAMING PILIPINO, LUMUTANG NGAYONG MOTHERS’ DAY 2021: Sa araw na ginugunita ang kadakilaan ng mga ina sa buong mundo noong Linggo, Mayo 09, 2021, nagpakita na naman ng pagiging suwail at utak-kriminal ang maraming mga Pilipino. Sa pamamagitan ito ng kanilang lantarang paglabag sa mga health protocols upang hindi sila mahawa ng Covid 19 virus at ng mga mas nakakamatay na mga variants nito.
Tampok sa pagiging suwail at utak –kriminal ng ating mga kababayan ngayong Mothers’ Day 2021 ang naging pagtungo ng marami sa kanila sa Gubat Sa Ciudad, isang resort sa Caloocan City. Sa resort, malaya silang nakihalo sa maraming iba pa, at nag-picnic, at nagtampisaw at nag-swimming, sa iisang swimming pool, kasama ang maraming iba pa.
Sa mga larawang nakuha sa resort noong Linggo, nakita ang ating mga kababayan na tila walang paki-alam kung may Covid 19 pa na maaaring tumama sa kanila. Agad namang tumugon ang Department of Health, ang Caloocan City Local Government unit, at ang Philippine National Police sa naganap na ito.
Pare-pareho silang nagbanta ng pagsasampa ng kaso sa resort owner ng Gubat Sa Ciudad, sa barangay captain sa lugar, at maging sa lahat ng mga tao na matutukoy na nagliwaliw sa nasabing pampublikong paliguan, kung matutukoy pa nila kung sino ang mga taong ito.
***
MGA OPISYALES NG GOBYERNO AT MGA TAO NA NAG-SWIMMING SA ISANG RESORT SA CALOOCAN CITY, PINAKAKASUHAN: Ang problema lamang, noong inilabas ng mga opisyales ng mga ahensiyang ito ang kanilang banta ng pagsasampa ng kaso, nakalipas na ang isang araw pagkatapos na makipag-halubilo na ang mga tao sa resort, at malabag ang mga health protocols.
Tapos ng maliwanag ang mga paglabag nila sa mga kautusan upang huwag kumalat ang Covid 19 virus, at tapos na din silang maging posibleng instrumento ng hawaan sa lahat ng mga tao na nandodoon din sa lugar na iyon kahapon, Mothers’ Day 2021.
Dahil dito, nananawagan ang maraming concerned citizens na isama sa mga pananagutin o di kaya ay dedemandahin ang mga opisyales ng Department of Health, ng local government unit ng Caloocan City, at ng opisyales sa lungsod ng Philippine National Police, at maging ng mga barangay officials sa lugar kung saan nandodoon ang swimming pool resort sa Caloocan City.
Sinabi ng mga concerned citizens na kailangang disiplinahin at papanagutin na din ang mga pinuno ng mga departamentong ito, upang magsilbing halimbawa sa lahat na seryoso talaga ang gobyernong Duterte sa pagpapatupad ng mga health protocols laban sa Covid 19 virus.
***
CONCERNED CITIZENS, HUMILING NA DISIPLINAHIN ANG MGA OPISYALES NA MALUWAG SA COVID 19 PROTOCOLS: Sa harap ito ng katotohanang, hindi na bumababa pa sa pitong libo, humigit-kumulang, sa isang araw ang bilang ng mga Pilipinong tinatamaan ng virus. Wala pa kasing napaparusahan sa ngayon sa mga matataas na pambansa at pang-lokal na mga opisyales natin, dahil sa kanilang kapabayaan sa Covid 19 protocols.
Ganundin, may panukala na din na marapat na maging istrikto na ang pulisya sa paghuli ng mga kababayan nating hindi sumusunod sa mga utos ukol sa pag-iingat, gaya ng pagsusuot ng face masks at face shields, at social distancing. Agad ng hulihin at ikulong ang mga lumalabag sa protocols na mga Plipino, bagamat kailangang gawin ang panghuhuli at pagkulong sa kanila ng may kahinahunan.
Upang walang maging isyu sa mga panghuhuli at pagkulong na ito ng mga lumalabag, ipinapanukala na din ang agarang paggamit ng mga body cameras ng mga pulis na maaatasang manghuli at magkulong ng mga tao. Hindi na kasi biro-biro pa ang pagiging walanghiya at pagiging suwail at utak-kriminal ng ating mga kababayan sa ngayon, lalo na sa Covid 19 protocols.
***
Reaksiyon? Tanong? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone: 0947 558 4855.
The post Pagiging suwail at utak kriminal ng maraming Pilipino, lumutang ngayong Mother’s Day 2021 appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: