Facebook

Palpak ni Digong

TINALAKAY ng inyong lingkod ang “wise move” ni Pangulong Rudy Duterte sa ating nakaraang pitak. Patungkol ito sa kanyang tumpak na desisyon na pagtatalaga kay dating PNP Deputy Chief for Administration, P/Lt.Gen. Guillermo Lorenzo T. Eleazar bilang bagong hepe ng may 220,000 na opisyales at kagawad ng Pambansang Kapulisan.

Ngayon naman ay pulsuhan natin ang mayoryang Pinoy at mga kritiko hinggil sa ilang kapalpakang nagawa ni Digong sa loob ng maglilimang taon nitong panunungkulan bilang Pangulo ng may 110 milyong mamamayan.

Sinisisi ni Pangulong Digong sina Ex-President Pnoy Aquino, retired, Supreme Court Justice Antonio Carpio at dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario dahil sa pagkawala ng Scarborough Shoal at bahagi ng Spratly Islands sa Pilipinas noong 2013.

Sina Carpio at Del Rosario ang nagdirehe sa pagsasampa ng Administrasyong Pnoy sa kaso laban sa China sa Permanent Arbitration Commission ng United Nations Conference of the Laws of the Seas (UNCLOS) sa The Hague Netherlands, at naipanalo naman nang noon ay Supreme Court Justice Carpio at DFA Sec. Del Rosario ang kaso laban sa China.

Napawalang bisa ng grupo nina Carpio at Del Rosario ang labag sa batas, pinagtagni-tagni at kathang isip na “Historic Nine-Dash Line” ng China para maangkin ang South China kasama na ang halos kabuuan ng West Philippine Sea (WPS) at mga karagatan at bahura sa Scarborough Shoal at parte ng Spratly Islands.

Tapat at buong husay na nagampanan ng dalawa ang kanilang mandato. Naresolba ang usapin,napagtibay ang soberanya at karapatan ng Pinas sa West Philippine Sea. Napa-isantabi nga ng grupo nina Carpio at Del Rosario ang tinatawag ng mga kampon ni Lim-ahong na “Historic Nine-Dash Line”.

Para sa mga nakasubaybay sa isyung ito, maituturing na bayani sina Carpio at Del Rosario.

Ngunit para kay Digong ang dalawa ay taksil sa bayan palibhasa’y tinik ang mga ito sa kanyang lalamunan at mahigpit na kritiko. Kaya’t sa halip na papurihan ay inaakusahan pa ni Digong na malaki ang kasalanan nina Carpio at Del Rosario sa pagkawala ng mga naturang bahagi ng WPS sa poder ng bansa.

Nitong ilang araw lamang ang nakararaan kaalinsabay ng pagtuligsa ni Digong kina Carpio at Del Rosario at minallit pa nito ang naging desisyon ng UN Arbitral Tribunal sa naging kaso ng Pilipinas at China. Sa tema at tila inaabandona na ni Mr. Duterte ang tagumpay ng Pinas sa kasong iniharap ng grupo nina Carpio at Del Rosario sa Permanent Arbitration Commission sa UNCLOS.

“Iyang papel sa totoong buhay between nations, iyang papel wala ‘yan. Kung sino ‘yong tigas, United States, Britain ‘yan, pagka ginusto nilang ganyan gawin. Tayo nanalo. Ngayon pagdating ko ang barko nandiyan sa West Philippine Sea, China boat, ship, tayo wala na”.

“Sa usapang bugoy, sabihin ko sa iyo ibigay mo sa’kin, sabihin ko sa’yo putang ina, papel lang ‘yan. Itatapon ko ‘yan sa wastebasket,” mariin pang pahayag ni Digong.

Ang paninindigan ni Mr. Duterte ay mariing kinondena hindi lamang ng mga eksperto sa batas kundi maging ng mayoryang Pinoy.

Sa kaibuturan ng kanilang puso at isipan ay taliwas ang posisyon ng kanilang idolo na pinagkaisahang ihalal ng mahigit sa 16 milyong botanteng Pilipino sa layon ng malaking tagumpay ng Pinas sa Permanent Arbitral Tribunal.

Bilang lider ng bansa, ang Pangulo ang dapat pang magtatanggol para pagtibayin ang arbitral award, ngunit sa halip ay siya pa ang kaporal na bumabalewala sa naturang desisyon.

Anila hindi dapat pangambahan ang banta ng digmaan pagkat hindi naman ibig sabihin kapag iginiit ni Digong ang ating karapatan ay karaka na agad tayong papasok sa digma.

Punto ni Carpio bilang pinuno ng bansa ay hamon kay Digong kung paano nito maipatutupad ang nasabing “landmark ruling”.

Giit naman ni Del Rosario, winalang halaga ni Duterte ang arbitral decision kapalit ng pangakong 24 bilyon dolyares na investment ng mga Intsik sa ating bansa.Hindi naman ito tinupad ni Xi JinPing. “Instead, President Duterte did not waste time in advancing his declared embrace of Xi Jinping”, ayon pa kay Del Rosario.

Paano pa nga naman paniniwalaan ang basurang salita Xi Jinping, ang apo sa talampakan ni Lim-ahong gayong sinira din ng China ang pangakong lilisanin ng mga ito ang Panatag at Scarborough Shoal sa maginoong usapang pinamagitanan ng Estados Unidos noong 2012. Katwiran marahil ni Xi, “ huwapelo ako pangako na, tu-tupalen pa”?

Kaya bilang Presidente ng Pilipinas ay obligasyon ni Digong na ipaglaban ang karapatan at soberanya ng bansang sinimulang ipagtanggol nina Carpio at Del Rosario.

Naunang kinatigan ni Duterte, na kung tagurian pa nga ng mga kritiko ay isang “Kayumangging Intsik” sa 75th General Assembly ng United Nations noong 2020 ang desisyon ng Arbitral Tribunal. Kaya nanatili itong polisiya ng ating bansa pagkat mismong ang pangulo nga nito ang opisyal na nagpahayag.

Ang paninindigang ito ni Duterte ay hindi maaring baligtadin at lalong hindi pupwedeng baguhin, maliban lamang kung nanaisin ni Digong na magmukhang payaso ito sa pisngi ng daigdig.

Ano sa palagay nyo mga KASIKRETA, sino kina Digong, Carpio at Del Rosario ang palpak, walang bayag at taksil sa bayan?

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com

The post Palpak ni Digong appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Palpak ni Digong Palpak ni Digong Reviewed by misfitgympal on Mayo 10, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.