HINILING ni Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go na mabigyan ng face masks ang mga mahuhuling lalabag sa pagsusuot nito.
Nilinaw ni Go na ayaw talaga ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipakulong ang mga lumalabag sa minimum health protocols at sa halip ay gusto lang niyang disiplinahin at turuan ng leksyon ang mga talagang pasaway na naglalakad sa kalsada nang hindi nagsusuot ng face mask.
Sinabi ni Go na hindi natin malalaman kung sino sa mga naglalakad sa kalsada ang asymptomatic na posibleng nagdudulot ng paghahawa sa labas.
Giit ni Go, marami ang mga talagang pasaway dahil hindi nila alam na delikado talaga ang COVID-19.
Ayon pa kay Go, kinausap niya si Pangulong Rodrigo Duterte at naaawa naman sila sa mga posibleng mahuli kaya sa halip, bigyan na lang ng mask ang mga madadala sa presinto at bigyan ng lecture.
Kinumpirma ni Go na kinausap na rin niya si PNP Chief General Guillermo Eleazar at maging si DTI Secretary Mon Lopez kung saan nagkasundo sila na kapag nahuling lumalabag sa hindi pagsusuot ng face mask ang isang tao ay dalhin ito sa presinto para turuan ng leksyon at bigyan ng face mask dahil posibleng wala lang pambili ang mga ito.
“Napagkasunduan po namin na kapag nahuli po ng pulis at bago ilagay sa selda at tuturuan, ile-lecture, ay bigyan po ng face mask dahil baka ang mga ito ay wala talagang pambili ng face mask, kawawa naman. Baka doon pa sila magkahawaan sa selda,” dagdag ni Go. (Mylene Alfonso)
The post Sen. Go pinabibigyan ng face mask ang mga mahuhuli na lalabag sa minimum health protocols appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: