KAWALAN ng trabaho. Nagsarang negosyo. Mataas na presyo ng mga bilihin. Mabigat na matrikula. Pandemya at ibang mga sakit. Ilan ito sa mga dahilan kung bakit masakit sa puso na pag-usapan ang uri ng buhay ni Mang Juan sa kasalukuyan. Sa nakaraan binaka ni Mang Juan na mabuhay ng marangal at walang sinasagasaan.
Wala sa isip ang marangyang buhay, at ang maitawid ang maghapon ng may makakain ay sapat na. May bahagyang naitabi na hinuhugot sa oras ng pangangailangan sa pag-aaral ng mga anak at pantustos kung maysakit. Maligaya at sapat na ito kay Mang Juan. Ang tanong, ito ba ang kalidad ng kanyang buhay sa kasalukuyang panahon? Hindi.
Lamanan natin ang sagot na Hindi upang bigyan pansin ang pagbabago sa kalidad ng buhay nito. Marami sa anak ni Mang Juan ang nawalan ng hanapbuhay sanhi ng ‘di tamang palakad ni Totoy Kulambo sa kabuhayan ng bansa. Maraming nagsarang negosyo sanhi ng ‘di makanegosyong pamamalakad at pagpanig sa mga dayuhang Intsik na nagbunga ng kawalan ng hanapbuhay sa mga Pilipinong obrero.
At kapagdaka nakita ang mga ito na nakapila na sa mga paminggalan. Ang masakit natuto maging palaasa sa ayuda na binibigay ng mga taong may magandang loob, habang nalimot ng gobyerno na ayudahan at protektahan ang mga ito na nawalan ng trabaho. Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa buwan ng Pebrero 2021, may 8.8 % o halos 4.2M ng mga obrero ang nawalan ng trabaho sa pagsasara ng negosyo.
Tunay na dumapa ang kalidad ng buhay ni Mang Juan at ‘di malaman kung saan huhugot upang muling makatayo. At sa totoo lang, paano tatayo sa pagkakadapa kung ganun pa rin ang sitwasyon sa kasalukuyan na napailalim muli ang Metro Manila at karatig lalawigan sa Quarantine na muling nagdikta ng pagsasara ng mga negosyo at kawalan ng trabaho.
Pangalawa, apektado ang mga anak ni Mang Juan na bagong gradweyt na walang mapasukang trabaho habang nag-aantay maging normal ang takbo ng buhay. Sa datos ng PSA lumalabas na may 18.2% ng kabuuang lakas paggawa na may katumbas na 8.8M obrero ang walang mapasukan na trabaho kahit ito’y may sapat na kakayahan at kahandaan.
Nagdadalawang isip ang mga kumpanya sa pagkuha ng mga bagong obrero sa kadahilanang matumal ang negosyo. May pagkakataon pa na nagkakaroon ng laid-off ng obrero na pansamantala o permanenteng upang maipagpatuloy ang negosyo. Sa datos na nabangit, hindi kasama ang mga non-formal workers na tumigil sa paghahanap buhay sa kawalan ng galaw ng ekonomiya.
Hindi rin kasama ang grupo ng mga magsasaka na napilitang ibenta ang lupain dahil sa giyera sa kanayunan. At lalong hindi kasama ang mga pamalakaya na hindi na makapangisda sa karagatan ng bansa na tinataboy ng Intsik sa sariling karagatan. At kung susumahin isang ulit pa ng dami ng mga obrero sa formal sector ang nawalan ng hanapbuhay. Ano? Totoy Kulambo pa rin?
Sa pagsilip pa rin sa kalagayan ng mga obrero, marami ang hindi buong linggo ang oras sa pagpasok sa mga pabrika dahil sa skeletal work force na pinaiiral na nangangahulugan ng kabawasan sa inuuwing sahod para sa pamilya. Umaabot sa 9.1M obrero ang nasa ganitong kalagayan na nagpababa sa kalidad ng kanilang kabuhayan.
Lumalabas na walang matakbuhan ang mga anak maging si Mang Juan sa kasadlakan ng buhay. Sa datos ng PSA tumaas ang bilang ng mahirap mula sa 15.5% patungo sa 17.5, na nangangahulugan ng karagdagang milyong Pilipino ang bumaba ang kalidad ng buhay. At sa pagsusuri sa lipunan, bumaba ang bilang ng mga nasa gitnang uri at napasama na rin sa mababang uri. Patunay na dumarami ang mga Pilipinong nalugmok sa kahirapan.
Sa ganitong sitwasyon ng ating kabuhayan na maraming negosyo ang nagsara, at maraming Pilipino ang nawalan ng trabaho, heto ang malupit, hinagupit si Mang Juan ng mataas na presyo ng bilihin na lalong nasasadlak sa kahirapan. Hindi mapagkasya ni Mang Juan ang kakarampot na budget para sa mga bilihin.
Umabot sa Php400 ang halaga ng isang kilong laman ng baboy. At ang mga pansahog tila ganun ang itinaas. Ang unano na lang na tindera ang hindi tumaas. May narinig ba kayong magandang solusyon sa pamahalaan ni TK upang pigilan ang taas presyo? Meron. Ang umangkat ng baboy upang mapababa ang presyo nito.
Subalit, paano na naman ang mga lokal na magbababoy, aalisan ng negosyo at magtatangal na naman ng obrero, o Mang Juan kawawa ka naman. Ang tatlong beses na kain sa maghapon ngayo’y dalawa na lang at nagkakasya sa Lucky Me na pansabaw sa kanin kahit malas sa kabuhayan.
Sa usapin ng mga utang at inuutang ng pamahalaan ni TK na ipantutustos sa pandemya at ilang proyekto kuno ng pamahalaan ni TK ‘di pa dama sa ngayon ngunit sa madaling panahon babalikatin ni Mang Juan na ikakagulat niya. Ang mataas na buwis sa mga bilihin at kung anu-anong uri nito ang tiyak na binabalangkas upang maserbisyuhan ang utang ng pamahalaan mula sa lokal na negosyante (72%) at sa mga dayuhang financial institutions (28%). Kaya maghanda Mang Juan dahil patuloy ang pagsadlak ng iyong kabuhayan.
Bilang paglalagom, nasasadlak sa kahirapan ang buhay ni Mang Juan bago pa ang pandemya at nagkapatong-patong ang kamalasan hanggang sa kasalukuyan. Naganap na ang maraming nag-alisang negosyo na nagresulta sa mga sibakan sa trabaho, bago ang pandemya. Bumagsak pa lalo ang kabuhayan ni Mang Juan ng pumasok ang pandemya dahil sa pagpapabaya ng pamahalaan, tamad na pinuno at walang direksyong pamamahala. Ipagwalang bahala ang maagang babala hingil sa pagpasok ng pandemya sa bansa.
Malamya ang ginawang pagkilos, at pinaboran pa ang mga dayuhang may dala ng sakit na ito. Inuna ang pagtatalaga ng sundalo’t pulis sa halip na health workers na siyang may kaalaman sa kalusugan. At ang pinakamatindi, ang pagpaling sa interes ng intsik sa halip na kay Mang Juan.
Sa panghuli, malinaw na hirap na si Mang Juan sa kabuhayan. Ang pagpila sa mga paminggalan ang tanging huling baraha upang makakuha ng pantawid para sa araw-araw. Iisa ang masasabi, bagsak ang kalidad ng buhay ni Mang Juan simula ng umupo si Totoy Kulambo at malamang hindi ito matatapos hanggang nakaamba ang isang taga Davao na pamunuan ang bansa. Gising Mang Juan huwag hayaan ang bayan.
Maraming Salamat po!!!
The post Kalidad ng buhay appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: