
ISANG traffic enforcer sa Maynila ang sinibak sa trabaho nang makita sa video na walang kasalanan ang motorista na kanyang sinita at tiniketan sa España, Manila noong Sabado, Mayo 22, 2021.
Ayon sa motoristang si Miguel Vistan, pinara siya ng traffic enforcer na si Efren Fria dahil umano sa “beating the red light.”
Pero may dashcam si Vistan at makikita sa video na berde ang traffic light at hindi pula nang tumawid ito.
“Pinilit niya talaga eh. Natakot kami ng passenger ko. Ako personally decided to surrender nalang ‘yong license ko para lang matapos na, para makalagpas na,” paliwanag ni Vistan.
Ipinost ni Vistan kinalaunan ang video sa social media at napanood ito ni Wilson Chan Sr., operation chief ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).
“Mali po ‘yong paniniket ni Mr. Fria. Sabi ko, ‘Ito o kitang-kita. Papaano mo sasabihing nag-beat siya ng red light?’ So sa bandang huli siguro, nahimasmasan siya at nagpakumbaba nalang. Humingi siya ng kapatawaran kay Mr. Vistan po,” ani Chan.
Pero sinibak parin niya sa puwesto si Fria, na dati na rin daw nasangkot sa katulad na insidente.
“Ang opisina po ay hindi po kumokunsinte sa mga ganoong attitude ng ating mga enforcer,” dagdag ng opisyal.
Sinabi naman ni Vistan na mahalaga talaga sa mga motorista ang mayroon camera ang sasakyan.
Samantala, ayon kay MTPB Director Dennis Viaje, ipinapatupad nila ang “one strike policy” kaya tiniyak nito na hindi nila kukunsintihin ang mga enforcer na “tolongges” , nangongotong o mapapatunayang nang-aargabyado ng masisitang motorista.
Sa ngayon, ayon kay Viaje, umabot na sa mahigit 100 “tolongges” na enforcers ang sinibak sa ilalim ng pamumuno ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso bilang bahagi narin ng paglilinis sa hanay ng na-sabing ahensiya ng lokal na pamahalaang lungsod.(Jocelyn Domenden)
The post KITA SA CCTV: TRAFFIC ENFORCER NANIKET NG MOTORISTA WALANG KASALANAN! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: