Facebook

‘Laslasan ng lalamunan’

NAPULOT namin ang sawikain na ito sa panulat ng aming kaibigan na si Ba Ipe. Kapag nag-aaway ang mga kampon ng kadiliman na nasa naghaharing uri, isa lang ang salita ni Ba Ipe: “Hayaan mo silang maglaslasan ng lalamunan.” Hindi siya nag-aaksaya ng maraming pangungusap sa mga bagay na walang katuturan. “Wala itulak sipain sa kanila,” aniya.

Ngayon, panay ang orbit ni Bong Go. Makikita kahit saan. Panay ang pakilala para sa halalan sa 2022. Panay ang pamimigay ng kung ano-ano kasama na ang salapi. Tumingkad ang ambisyon ni Bong Go nang mabalitaan na hindi tatakbo si Sara Duterte dahil may isang paslit na anak na inaalagaan. May nagsasabing may sakit si Sara at kung tatakbo, maaring magbigay ito ng matinding stress na ikalulubha ng kanyang kundisyon.

Bukod diyan, kahit si Rodrigo Duterte ay hindi sigurado sa kanyang anak. Labis na bugnutin at kapag sinumpong, maaaring gumawa ng mga hindi kanais-nais na bagay. Wala talagang nagawa si Sara sa Davao City. Inabutan niya ang lahat na maging alkalde ng siyudad sa katimugan.

Sa aming pakiwari, alanganin pa si Bong Go kung tutuloy o hindi sa 2022. Sinusubukan niya ang temperatura sa ibaba. Kapag nag-double digit ang kanyang rating sa mga survey, maaaring tumuloy. Kung hindi umangat, maaaring mapipilitan si Rodrigo Duterte, ang kanyang amo, na mag-endorso sa ibang kandidato. Depende iyan sa magiging sitwasyon. Sa nakalipas na mga survey kung saan may mahabang listahan ng mga kandidato, may 4% si Bong Go. May biro na kahit tagasilo ng mga asong ligaw sa barangay, hindi mananalo si Bong Go.

Sa ngayon, may kaunting iringan sila ni Manny Pacquiao, ang boksingerong kandidato mula sa Davao City. Kasama si Bong Go sa mga naglagay kay Pacquiao bilang hepe ng PDP-Laban, isa sa malaking partido ng naghaharing koalisyon. Itinatag noong 1982 ang PDP-Laban bilang isa sa mga puwersa kontra diktadurya ni Ferdinand Marcos. Ngayon, isa ito sa mga tumatangkilik sa pasismo ni Duterte, kasama ang bigong kampanya laban sa droga.

Mukhang napikon si Bong Go sa salita ni Pacquiao tungkol sa kawalan ng katapangan ni Duterte sa usapin ng West Philippine Sea. Maaaring sipain si Pacquiao sa PDP-Laban sa susunod na araw. Kapag sinipa, hindi namin alam kung saan pupulutin si Pacquiao. Aariin naman ni Bong Go ang partido upang iangat ang sarili.

Hindi umaangat si Bong Go sa mga survey. Hindi napupunta sa kanya ang anumang natitirang bilib ng ilang tagahanga ni Duterte. Mukhang hindi pinagtitiwalaan ang hilatsa ng kanyang mukha. Mahirap ibenta si Bong Go. Parang naglako ng panis na ulam ang mga kumakampa sa kanya. Hindi namin alam kung ano ang gagawin ni Duterte at Bong Go upang umangat siya sa mga susunod na survey.

Tama ang sabi ni Ba Ipe. “Hayaan mo silang maglaslasan ng lalamunan,” aniya. “Wala naman itulak sipain sa kanila,” dagdag niya.

***

MAHIRAP umangat si Bong Go. Pinaghihinalaan na siya ang kapural ni Duterte sa pagiging kampi sa China. Hindi maaalis ang paniniwala na taksil siya sa bayan. Dala ni Bong Go ang tatak ni Duterte pagdating sa relasyon ng Filipinas at Chna: Isa pa siyang traydor. Malaking palaisipan kung kung paano maaalis ang tatak na iyan.

Mukhang walang iendoso si Duterte sa labas ng Davao City. Tanging si Bong Go ang pagpipilian. Alam namin kung paano sila nadala kay Benjamin de Guzman, ang dating kaalyado na humalili sa kanya pansamantala bilang alkalde ng Davao City noong 1998. Nakatatlong termino si Duterte bilang alkalde kaya tumakbo siya bilang congressman noong 1998. Humalili si de Guzman noong 2001 na may usapan na kukunin uli ni Duterte angpagiging alkalde.

Hindi nasunod ang usapan at nilabanan ni de Guzman si Duterte noong 2001. Close fight at gumastos ng malaki si Duterte upang makuha uli ang alkalde. Nanalo siya pero nadala na hindi siya dapat magtiwala kahit kanino sa pulitika. Ang kakampi ngayon ay maaring kalaban bukas.

Hindi ordinasyong kakampi si Bong Go. Kasabwat siya ni Duterte sa lahat-lahat. Kaya mistulang alila siya ni Duterte. Siya ang alipin na gagawin ang lahat, mapasaya lang si Duterte. Pero mahirap ibenta si Bong Go sa publiko. Sabi ng isang kaibigan: “He does not have a winning face.” Kailangan pala ang winnable face.

***

MAY isang manananggol na panay ang post tungkol sa interview kay Sonny Trillanes. Walang problema dahil interview ito ng mga lider sa Kabikulan. Ngunit ipinalalabas na one-on-one interview niya ito kay Trillanes. Iyon pala isa lang siya sa mga nakatakdang dadalo sa interview kay Sonny Trillanes. Marami sila na kakapanayam kay Trillanes. One of the attendees lang siya.

Kilala itong estapador. Manloloko sa madaling salita. Mahilig manghingi ng kontribusyon sa ibang tao. Pinagsasamantalan niya ang kahinaan ng ibang tao. Nagpapanggap na kritiko ni Duterte pero kilala sa Kabikulan na bata siya ng mga Villafuerte. Itinatwa na siya minsan ng kampo ni Bise Presidente Leni Robredo. Hindi siya kasama sa puwersa ng oposisyon.

***

MAY mga ilan-ilan na panatikong tagasuporta ni Leni ay nagparamdam at nagsabing mali ang aming isinulat sa nakalipas na kolum namin. Labis ang kanilang kasiguruhan na tatakbo si Leni sa panguluhan sa 2022. Kung ano ang batayan, hindi nila sinabi. Basta tatakbo. Iyan ang mahirap. Nanampalataya sa mga pangungusap na nag-umpisa sa salitang “basta.”

Hindi kami kumbinsido na tatakbo si Leni sa 2022. Hindi siya desidido. Bukod sa wala siyang panustos, hindi siya sigurado sa katapatan ng mga kasamang lider sa oposisyon. Maaari siyang iwan sa gitna ng laban. Paano ang kanyang kandidatura? Hanggang hindi siya nakakakuha ng mga salita ng totoong suporta, kalimutan ang pagtakbo sa panguluhan sa 2022. Hindi niya iyan pinapangarap kahit dama niya ang pangangailangan ng pagbabago ng liderato.

***

MAY nabalitaan kami na nakipagsanib na si Isko Moreno sa mga puwersang maka-Kaliwa. Mukhang siya ang kandidato ng Kaliwa sa 2022. Hindi namin alam kung ano ang batayan ng kanilang pagsasama. Hindi naman magaling si Isko sa pulitika sa labas ng halalan. Hindi namin alam kung ano ang mga isyu ng Kaliwa sa gobyerno.

Hindi kami nagtataka kung pinili ng Kaliwa si Isko. Walang alam sa maraming bagay si Isko. Natuto ang Kaliwa kay Duterte na kanilang sinuportahan noong 20i6. Kahit matindi ang suporta nila kay Duterte, pinagpapatay sila sa huli. Napilay ang Kaliwa sa patayan. Mukhang hindi sapat ang kanilang suporta. Ano ang masasabi ni Isko?

***

MGA PILING SALITA: “Had Leni decided to run for president in 2022, there’s no need for 1Sambayan. She’s the automatic opposition candidate.” – PL, netizen

“The closed fist salute has become a symbol of cowardice and treason. AFP personnel who display it should cringe in shame.” – Roly Eclevia, netizen

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post ‘Laslasan ng lalamunan’ appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
‘Laslasan ng lalamunan’ ‘Laslasan ng lalamunan’ Reviewed by misfitgympal on Mayo 16, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.