Facebook

Pakiusap ni Isko sa 17-anyos pababa, maging responsable kayo!

NANAWAGAN si Manila Mayor Isko Moreno sa mga residente ng lungsod na 17-anyos pababa na maging responsable para huwag magdala ng nakamamatay na COVID-19 sa kanilang tahanan kung saan mahahawa ang kanilang mga kasamang mga nakatatanda at sumunod sa panawagan ng pamahalaan na manatili sa loob ng bahay.

Sa kanyang live broadcast, muling inulit ni Moreno sa mga nasa high-risk age groups na mga kabataan na manatili sa loob ng bahay sa halip na paggala-gala sa lansangan kung saan ini-exposed nila ang kanilang sarili sa coronavirus na patuloy na kumikitil ng maraming buhay sa bansa.

“Sa mga batang edad 17 pababa, ako ay nagpapa-alala na ‘wag tayong maging matigas ang ulo. Huwag magpagala-gala, magpa-kalat-kalat, magbarka- barkada o maglaro-laro sa labas,” apela ng alkalde.

“Maaring nag-iingat ang inyong mga magulang, kuya at ate ninyo at maging ang mga lolo at lola ninyo. Kahit anong ingat nila, kung kayong mga bata ay pagala-gala, paikot-ikot, maari kayong magka-COVID. Pagtiklop ng araw uuwi tayo sa kanya-kanyang bahay at maaring doon na malagay sa panganib ang inyong mahal na lolo, lola, nanay o tatay na maaring magdulot ng kamatayan sa kanila,” dagdag pa ni Moreno.

Ayon kay Moreno, malaki ang maitutulong ng mga kabataan sa lokal at pambansang pamahalaan sa paglaban sa pandemya sa pamamagitan ng pananatili sa loob ng kanilang mga bahay gaya ng sinasaad sa batas ng Inter-Agency Task Force (IATF).

“Maging responsible kayong mga Kabataang Maynila. Huwag kayong padadala sa kung ano-anong panghihikayat ng kaibgan na pwede na ‘to, pwede na ‘yan. Alalahanin at mahalin natin ang ating mga magulang, lolo, lola at kapatid,” giit ni Moreno.

Sinabi ng alkalde sa mga kabataan na mga bata pa sila at magagawa nila ang anumang naisin nila tulad ng pagsasamantala sa mas magandang iaalok ng buhay sa oras na matapos na ang pandemya.

Dinagdag pa ng alkalde na hindi dapat isipin ng mga kabataan na ang mga ipinatutupad na regulasyon ay pagkitil sa kanilang karapatan at kalayaan dahil ang mga nasabing regulasyon ay para sa kanilang kabutihan at sa kabutihan ng buong bansa.

Sa halip na sayangin ang panahon sa labas ng bahay at patuloy na labagin ang mga regulasyon ay dapat na tumulong na lang sa mga gawaing bahay at maging responsableng mamamayan para sa kanilang sarili, pamilya at pamayanan.

Binigyang diin din ng alkalde na ang mga bilang ng mga kaso na kanyang binabanggit sa kanyang araw-araw na broadcasts ay nagpapatunay lamang na ang COVID-19 ay nanatili sa ating paligid at patuloy na pumapatay.

“Wag sana ninyo masamain pag pinagsasabihan kayo ng inyong mga magulang, barangay o pulis dahil para ito sa kabutihan ng lahat Konting tiis lang, kakampi ninyo ang panahon,” sabi ni Moreno.

Sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ), tanging ang mga edad 18 hanggang 65 ang pinapayagan lamang na lumabas ng kanilang tahanan pero may matindi pa rin itong restriksyon. (ANDI GARCIA)

The post Pakiusap ni Isko sa 17-anyos pababa, maging responsable kayo! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Pakiusap ni Isko sa 17-anyos pababa, maging responsable kayo! Pakiusap ni Isko sa 17-anyos pababa, maging responsable kayo! Reviewed by misfitgympal on Mayo 15, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.