Facebook

Lilinisin ni Eleazar ang PNP

SA wakas, itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si General Guillermo Lorenzo Eleazar bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).

Maraming natuwa sa desisyon ni Duterte dahil si Eleazar naman ay siyang karapat-dapat sa puwesto.

Mabuti na lang hindi nagwagi ang plano ng isang major general na makuha ang posisyon ng PNP Chief ilang araw bago ianunsiyo ni Interior Secretary Eduardo Año sa media ang paglagda ni Duterte sa appointment paper ni Eleazar.

Pokaragat na ‘yan!

Itong si Major General Vicente Danao Jr., direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ay matagal nang gustong maging hepe ng PNP.

Unang pumutok ang interes ni Danao sa pinakamataas na puwesto ng PNP nang maitalaga siyang direktor ng Manila Police District (MPD).

Mula noon ay mabilis ang pagtaas ng ranggo at pagkakaluklok ni Danao sa ‘magagandang posisyon’ sa PNP.

Tinalo niya ang mga heneral na nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1988,1989, 1990 at mismong mga kasabayan niyang nagtapos noong 1991.

Pokaragat na ‘yan!

Si Eleazar ay nagtapos noong 1987 kung saan kasabayan niya si General Debold Sinas na magreretiro ngayong Mayo 8.

Magreretiro naman si Eleazar sa Nobyembre 13 ngayong taon.

Kaya, asahang kikilos ulit si Danao upang hindi na makapuwesto ang sinumang kaklase ni Eleazar sa PMA sa pinakamataas na puwesto sa PNP.

Kung hindi naungkat ang iregularidad sa anti – illegal drug operations sa Mexico, Pampanga noong 2013 laban sa hepe ng PNP na si General Oscar Albayalde, si Eleazar na PNP Chief noong Nobyembre 2019.

At posibleng si Albayalde na ang Bureau of Customs (BOC) Commissioner.

Alam naman ng lahat na pambato ni Albayalde si Eleazar sa pagiging PNP Chief.

Labas sa pagiging kaibigan ni Eleazar si Albayalde, todo – todo ang paghanga ng retiradong hepe ng pambansang pulisya kay Eleazar.

Kumbinsido si Albayalde na maraming magagawa si Eleazar upang mareporma at malinis ang PNP kumpara sa mga nakasabayan niya sa PMA na sina Archie Francisco Gamboa at Camilo Cascolan.

Ngayong naitalaga na si Eleazar sa pinakamataas na puwesto sa PNP, marami ang umaasa at naniniwala nang todo na si Eleazar ang makagagawa nang mapagpasyang hakbang upang mabago at malinis ang pambansang pulisya.

Tanggap naman ito ni Eleazar.

Katunayan, naniniwala si Eleazar na malaking hamon ng mamamayang Filipino sa kanya na baguhin ang PNP.

Kaya, asahan nang publiko na maraming balitang maglalabasan sa media na mayroong kinalaman sa reporma at paglilinis sa PNP, kahit anim na buwan lamang sa puwesto si Eleazar.

Umaasa akong magiging mabilis ang aksyon ngayon ng Internal Affairs Service (IAS) ng PNP laban sa mga pulis na mayroong kasong nakapila sa nasabing yunit.

Sana, wala nang kakatakutang opisyal ang IAS dahil ang hepe ngayon ng PNP ay walang sinasanto at sinisino.

Umaasa rin ako na magiging agresibo sa pagkilos ang National Police Commission (Napolcom) laban sa mga tiwali, korap at abusadong pulis.

Ngunit, kung mananatiling palpak ang Napolcom na pinamumunuan nina Año at Atty. Vitaliano Aguirre II ay magiging walang saysay ang paglilinis ni Eleazar sa PNP.

The post Lilinisin ni Eleazar ang PNP appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Lilinisin ni Eleazar ang PNP Lilinisin ni Eleazar ang PNP Reviewed by misfitgympal on Mayo 06, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.