MUKHANG sigurado na talaga ang pagsasampa ng kaso laban sa me ari ng Ciudad sa Gubat Resort at maging sa barangay chairman na nakasasakop sa Barangay 171 kung saan matatagpuan ang nasabing resort.
Magagaling kasi ang mga opisyal ng Caloocan, pati mga residente na nagsipag-swimming diyan nung Linggo na akala mo ay walang pandemyang nagaganap sa paligid nila.
Nakakalungkot lang na tila hanggang barangay officials lang ang mapananagot dahil sabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kinasuhan naman daw ni Mayor Oca Malapitan ang me ari ng resort.
Natural naman na pakakasuhan niya ito lalupa at pumutok sa media ang kapabayaan ng me ari ng resort, ng mga siraulong nag-swimming doon, ng barangay na nakasasakop at mga opisyal ng local government na dapat ding managot dahil sa tinatawag na ‘command responsibility’.
Nagtataka lang din ang inyong lingkod na nung ininterview ni Noli de Castro si Malapitan, ni hindi pa daw niya alam kung sino me ari ng resort.
Sabi nga ni DILG Undersecretary Martin Dino, base sa ‘Bayanihan 2’ ay may obligasyon ang LGUs (local government units), governor, mayor at punong barangay.
Una sa lahat, dapat maimbestigahan kung paano nakakapag-operate ang Gubat sa Ciudad gayung ipinagbabawal ito ng IATF sa ilalim ng MECQ. Ang entrance fee pala dun ay P250 kada ulo ha.
Hindi ako naniniwala na maglalakas-loob magbukas nang ganun-ganun ang resort na ‘yan kung walang basbas ng mga opisyal, sa barangay man o City Hall.
Bawat barangay ay may mga tauhan at parang mahirap paniwalaan na walang kaagad-agad na nagreport sa mga taga-City Hall at kay Mayor Malapitan na may nangyayaring paglabag sa mass gathering sa lugar na iyon na talaga namang naging pugad ng mga pasaway.
Kungdi ba naman talagang mga sukdulan ang kawalang hiya ng mga andun. Hayun at nakuha pang mambugbog ng TV camera man na kinukuhanan sila ng video habang lumalabag sa batas.
Bakit sila nagagalit na makuhanan ng video kung alam nilang tama ang kanilang ginagawa? Lumabag na nga sa IATF rules nakuha pang manakit ng kapwa.
Eh kung si USec Dino mismo sinasabi na maaga pa lang ay nalaman na niya ang katarantaduhang nagaganap sa nasabing resort, ano pa kaya ‘yung mga mismong nakasasakop doon?
“Mayroon criminal violation na ‘yan dahil kapag lumabag ka sa Bayanihan 2 may criminal aspect because this involves buhay ng mga tao,” sabi pa ni Usec Diño.
“Umagang umaga nag-dispatch ako ng tao para imbestigahan kung gaano kabigat ang negligence na nangyari diyan. Ang barangay may tao kami kada lugar so definitely may tao diyan, kaya lang bakit napabayaan ‘yung pagdami ng tao?” yan ang katanungan ni Diño na dapat sagutin at ipaliwanag nang mabuti ng barangay chairman at ni Mayor Malapitan.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.
The post Mayor Oca at Bgy. Chairman sa Caloocan, dapat magpaliwanag appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: