Facebook

Mga dahilan sa mahinang koleksiyon

WALANG kuwestiyon na totohanan ang pagsisikap ng pamunuan ngayon sa Bureau of Customs (BoC) sa pagnanais na makuha ang target collection nito ngayong taon.

Lalo pa nga na nalalapit na ang 2022 elections at kung makukuha o mahihigitan pa ang koleksiyon itinakda ng Department of Finance, magiging napakapogi ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Ginagawa talaga ng masigasig na komisyoner ang lahat ng higit sa kanyang makakaya, hindi dahil sa gusto niya lang magpapogi kungdi gusto niyang ipamalas at ipakita na sa tamang pamumuno at pagsisikap ay kaya namang masungkit ang taon-taong tinatarget ng BoC.

Bagamat may mga balakid kung bakit may ilang pagkakataon na hindi nakukuha ng pamunuan ng BoC ang takdang koleksiyon e lagi naman nilang pinagsusumikapan na makabawi at makuha ang target collection.

Ilang balakid kung bakit hindi minsan nakukuha ang target ng BoC ay dahil paghina ng ekonomya ng malalaking bansa, lalo na ang US at pag ganito, tayo na maliit na bansa ay una sa mga naaapektuhan.

Kung may recession kasi, kasunod na agad ang pagliit o paghina ng importasyon, at ang kasunod nito, ang pagliit ng makokolektang buwis.

Kahit pa dumagsa ang importasyon, marami sa mga produkto o gamit na ipinapasok ay kabilang sa mga binigyan ng mas mababang taripa at buwis – batay sa sinusunod na kasunduan sa kalakalan at negosyo na pinirmahan ng bansa.

Bilang isang bansang marunong tumupad sa kasunduan, naisin man ng BoC na kolektahan ng mas mataas na tax and duties ang mga ito, hindi nila magagawa.

Kung mababawasan ang singilin, mababa rin ang koleksiyon, na tumpak lamang na sabihin.

Ang pinakamatindi pa ay ang daan-taon nang halimaw na problema ang ismagling sa Aduana.
***
Wala yata ni isang komisyoner ng Customs na nagtagumpay na masawata at tuluyang mapatay ang talamak ng ismagling – na hindi lamang malaking kalugihan sa gobyerno kungdi malaking perwisyo pa sa mga lokal na negosyo at produktong gawa ng mga Pilipino.

Anomang smuggled item o produkto na pumasok – tulad ng bigas, karne, gulay o mga gamit at produkto, ito ay malaking kabawasan sa koleksiyon at malaking perwisyo sa obrerong Pilipino.

Todo sipag, todong trabaho talaga ang kailangan upang mabalian ng pakpak ang halimaw na agilang pumeperwisyo sa Aduana.

Pero hindi basta agila sa lakas ang mga ismagler na ito dahil may mga protector sila mismo sa loob at labas ng gobyerno.

Patunay rito ang hanggang ngayong pangamba ni Commissioner Guerrero sa maitim na pakana ng iilang grupo upang siya ay mapatalsik sa BoC.

Kakatwang mula sa mga kakampi ng pamahalaang ito ng nagpapatinong landas ang nagpapakana nito, dahil sa hangaring patahimikin at maalis siya sa BoC.

Totoo man ito o hindi, isa itong hadlang upang ang todo-giyerang ginagawa ni Jagger ay lubos na magtagumpay sa pagpatay sa lahat ng katiwalian at kabulukan sa Customs.

Pero ang higit sa lahat, bukod sa suporta ng matitinong kawani at opisyal ng BoC, ay maipakita ng madla ang pagtitiwala kay Guerrero.

Lubos ang pakikiisa ng inyong lingkod at ng pahayagang ito sa hangarin ng makisig at matapang na komisyoner ng Aduana, at makakaasa siya, kami sa sektor ng mga tunay na mamamahayag ay handang tumulong at makiisa sa kanyang laban para sa maayos, matino at mataas na koleksiyon ng BoC.
***
Malaking kalokohan ang ginawa ng ilang nasa kapangyarihan/taong gobyerno na binusalan ang bibig at isip ng ilang kapatid natin sa hanapbuhay.

Ang katwiran nila, naging abusado raw ang media entity na ito, pero para sa akin mas mabuti ang maging “abusado” kung ang kapalit naman nito ay ang paghahayag ng mga pang-abuso at pagyurak at pagsasamantala ng mga ilang politiko at mga nasa kapangyarihan.

Sinabi natin dati pa na ang pagsikil sa kalyaan sa pagsasalita at pagpapahayag ay isang kataksilan sa ating kasarinlan.

Ginagarantiyahan ng ating Konstitusyon ang press freedom at freedom of expression at freedom of assembly na ipinagmamalaki pa naman ng ating demokratikong republika, kaya hindi na ito dapat pang mawala.

Inabuso raw ng media entity na ito ang karapatan sa pagpapahayag.

Di ba may sapat o marahil ay sobra pa nga ang mga batas na nangangalaga sa karapatan ng mga “inaapi” ng media, di po ba?
***
Sino naman itong a certain Dr. JCD ng Manila Med, umano’y tirador ng Medical Representatives?

Umano’y madalas hinaharot at nilalandi nitong si Dok JCD ang ilang magagandang MedRep na pumupunta sa kanyang tanggapan, di lang raw nila maireklamo itong si Dok dahil kailangan nila ng benta, sanabagan!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post Mga dahilan sa mahinang koleksiyon appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Mga dahilan sa mahinang koleksiyon Mga dahilan sa mahinang koleksiyon Reviewed by misfitgympal on Mayo 16, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.