Facebook

Moog ng gobyerno

WALANG makapalag kapag pumasok ang mga state auditor sa mga sangay ng gobyerno. Sila ang inatasan ng batas na tingnan maigi kung tama ang paggasta ng pondo ng gobyerno at paggamit ng poder ng mga nakaluklok sa pamahalaan. Sila ang nangangalaga sa salapi ng taong-bayan. Mistulang mga diyos-diyosan sila na hindi nagkakamali. Sila ang mga bida sa lahat.

Sa mga nagdaang panahon, hindi kinukuwestiyon ang CoA. Palagi silang walang pagkakamali sa mga audit decision. Tinatangkilik ang mga auditor ng kapwa kawani sa gobyerno ang kanilang mga natuklasan o “findings.” Hindi kinukuwestiyon sa husgado ang kanilang audit report o maski ang mga Notices of Disallowance na ginagamit upang pigilan ang hindi maayos na paggasta ng salapi ng bayan sa gobyerno.

Ibang klase ang petisyon kamakailan ng 21 kawani ng One Stop Shop Interagency Tax Credit and Duty Drawback Center na mas kilala bilang OSS-Center. Hiningi nila sa Korte Suprema ang certiorari at writ of prohibition matapos tumanggap ang OSS-Center mula 2018 sa Commission on Audit (CoA) ng mahigit 11 salansan ng 578 Notices of Disallowances (NDs) na may kasangkot na walong kumpanya at may kabuuang halaga ng P2.216 bilyon.

Sa kanilang 168-pahinang petisyon na isinumite noong ika-3 ng Mayo, sinabi ng mga opisyales at tauhan ng OSS-Center na humingi sila ng certiorari at prohibition dahil dalawa lamang ang sinagot ng CoA sa 11 petisyon sa repaso na kanilang iniharap sa CoA. Hindi maayos ang mga isinagot ng CoA sa kanilang petitition for review. Hindi sinagot ng CoA ang natitirang siyam na petisyon sa repaso. Gusto nila itigil ng CoA ang pagdaloy ng sankaterbang NDs dahil walang itong batayan sa batas.

Maliit na opisina ang OSS-Center. Hindi kilala ng madla ngunit dumadaan sa opisinang iyan ang bilyong piso halaga ng mga tax credit certificates (TCCs). Maituturing na isang landmark case ang isyu na iniharap ng 21 kawani ng OSS-Center sa CoA. Test case, ang tawag ng mga manananggol sa usaping iyan.

Refund ng gobyerno ang mga tax credit certificate (TCCs) sa mga mangangalakal na nasa export sector. Hindi ibinabalik na cash ng gobyerno ang mga refund sa mga kumpanya, ngunit nasa anyo ang mga ito ng TCC na maaari nilang gamitin na pambayad sa mga buwis at utang. Ang sistemang TCC ay naglalayon na para palakasin ng gobyerno ang mga lokal na export firms para mapasigla sila sa kumpetisyon sa pandaigdigang kalakalan.

Ayon sa apektadong manggagawa ng OSS-Center, ibinatay ng CoA Special Audit Team ang kanilang Notices of Disallowance, o NDs, sa mga maling interpretasyon ng batas at pagmanipula sa isang Executive Committee Report na walang certified copy. May apat na naunang audit sa OSS-Center, noong 1998, 2006, 2008, at 2009. Kasama sa mga naunang audit ng CoA ang mga batas na sumasaklaw sa pagtatayo ng OSS-Center at basehan ng operasyon.

Walang nakitang kamalian sa mga naunang audit sa batas na sumasaklaw sa operasyon ng OSS-Center. Kaya kabigla-bigla ang CoA findings sa audit ng 2014. Tumagal ng tatlong taon ang special audit na katataka-taka sa CoA. Noong 2018 lang naglabas ng special audit report. Batayan ito ng mga NDs. Ngunit may mga maling interpretasyon sa batas.

Idinaeklarang ilegal ng CoA ang P8.85 bilyon ng TCCs na ang tanging basehan ay ay paglabag umano sa ExCom Resolution No. 117-14-2000. Ngunit walang makuha ang Audit Team ng isang sertipikadong kopya sa loob mismo ng opisina, anila. Wala naman ganito, anila.

“The Audit Team even claimed they were never given a copy of this resolution when in fact, it was established that the same Audit Team never even attempted to secure a Certified True Copy of the Original Signed Copy of the Resolution which has always been on file and custody of the Department of Finance Central Records Management Division.” anila sa isang pahayag.

Sinulatan ng mga kawani CoA chair Michael Aguinaldo, ngunit wala itong masagot kundi puede mag-apela. Gayunpaman, isa ang aming masasabi sa isyu. Hindi palaging tama ang CoA sa pagtatasa ng gastusin ng gobyerno at pag-ugit ng kapangyarihan na itinatadhana ng batas. May mga pagkakataon na maaaring gamitin ng ilang tiwaling kawani ang CoA upang magmalabis sa poder na ibinigay ng Saligang Batas. Maging mapagmatyag tayong lahat sa CoA.

***

ALAM nila na walang kredibilidad ang Sinovac, o ang bakuna na gawa sa China. Pero ipinilit ng mga nakaluklok sa poder. Gusto gawing monopolyo ng China ang Filipinas sa bakuna, ngunit hindi kinagat ang sambayanan. Ito ang dahilan kung bakit dumagsa ang mga kababayan sa mga vaccination center nang malaman na Pfizer ang brand ng bakuna na ibinibigay. Ayaw nila sa China. Ayaw nila sa bakunang Intsik. Malinaw ang kalatas ng sambayanan sa kanila.

Ngayon, ang solusyon sa nakakasayang problema ay gawing lihim ang brand ng bakuna ibibigay. Panloloko ito sa sambayanan. Kapag ginawa iyan, mas hindi pupunta ang mga mamamayan sa vaccination center. Kasi may kahalo ng panloloko. Hindi nila kakagatin ang plano na iyan sapagkat hindi iyan ang dapat. Wala sa lugar; wala sa matwid.

***

GINAWA na ng China ang katampalasan na matagal na nilang ginagawa sa Filipino. Opisyal na pinagbawalan ang mga Filipino na mangisda sa West Philippine Sea. Naglabas sila ng pahayag na nagbabawal mangisda sa West Philippine Sea hanggang ika-16 ng Agosto. Sinagot ito ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi kinikilala ng gobyerno ng Filipinas ang pahayag dahil bahagi ng teritoryo ng Filipinas ang WPS. Binigyan diin sa pahayag ng DFA ang panalo natin sa UNCLOS noong 2016. Binale wala ng desisyon ang pag-aking ng China sa WPS.

Hindi namin batid kung babaligtarin ni Rodrigo Duterte ang pahayag ng China na “bahagi ng teritoryo ng China ang West Philippine Sea.” Hindi namin alam kung papasok sa eksena ang mapapel na si Harry Roque. Maganda ang ginawa ng DFA sa isyu. Kapag binaligtad ito ni Duterte, mabibisto at mapapatunayan na taksil siya sa Filipinas.

Sa maikli, nautakan na naman ni Teddy Locsin ang amo na labis na bugnutin at sumpungin. Ganyan ang istilo kay Duterte sa mga mahahalagang isyu. Hindi nilalabanan ng ngipin sa ngipin. Binabakbakan ng patalikod sa paraan na wala siyang magagawa. Tinatanggalan ng pangil at hindi nilalabanan sa harapan. Binubungi ng todo-todo sa talikuran.

***

MGA PILING SALITA: “Dr. Laurel was a learned man. He was conscious of his place in history. He faced the court trial on charges of collaboration. When Manuel Roxas issued a general amnesty to all accused of collaboration in 1947, Dr. Laurel immediately took steps to rehabilitate himself and his political career. He carried the Nacionalista Party banner and almost won against Elpidio Quirino in the 1949 presidential elections.

“Fast forward today. It’s difficult to compare to Rodrigo Duterte to Dr. Jose P. Laurel. Duterte did not only collaborate with the Chinese. He has even given the West Philippine Sea to China and allowed the Chinese to reap the natural resources of our territory. He is a traitor. Duterte will live the rest of his life carrying the unsavory tags of ‘Taksil sa bayan,’ ‘Traydor’ and ‘Makapili.’ I would not hesitate to mention those tags to my children and grandkids.” – PL, netizen
Email:bootsfra@yahoo.com

The post Moog ng gobyerno appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Moog ng gobyerno Moog ng gobyerno Reviewed by misfitgympal on Mayo 20, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.