Facebook

Napakatalamak na korapsyon lulutasin (daw) ni Pacquiao

POKARAGAT na ‘yan!

Sobrang tindi namang mangako ni Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao tulad ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Isa sa ipinangako noong tumatakbo sa pagkapangulo si Rodrigo Duterte noong 2016 sa tiket ng Partido Demokratiko Pilipino – Laban ng Bayan (PDP – Laban) ay lulutasin daw niya ang talamak na katiwalian at korapsyon sa pamahalaan.

Matatapos na ang termino ni Duterte sa Hunyo, 2022 ay hindi pa rin nababawasan ang korapsyon sa pamahalaan.

Kahit mayroon na tayong Office of the Ombudsman (OMB), nagtayo pa si Duterte ng Presidential Anti – Corruption Commission (PACC) na ngayon ay pinamumunuan ni Greco Belgica, ngunit hindi pa rin natinag at natakot ang mga korap sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Kahit nagbuo pa si Duterte ng Task Force Against Corruption (TFAC) na piamumunuan ni Justice Secretary Menardo Guevarra, nanatiling inutil ang administrasyong Duterte laban sa korapsyon.

Kaya, wala nang mangyayari sa pangako ni Duterte laban sa korapsyon dahil isang taon at isang buwan na lamang siya sa puwesto, kundi magiging bahagi na lamang ng kasaysayan ng Pilipinas ang kanyang ipingako noong 2016.

Maitatala na lamang ang kanyang pumalpak na pangako sa mga isasagawang pag-aaral ng mga mananaliksik sa mga unibersidad.

Ngayong nalalapit na ang eleksyon, ang pangulo ng PDP – Laban na si Senador Manny Pacquiao ay nagpahayag na kung siya ang magiging pangulo ng Pilipinas ay lulutasin daw niya ang napakatalamak na katiwalian at korapsyon.

Pokaragat na ‘yan!

Hindi ko alam kung maniniwala kayo kay Pacquiao.

Pero, ako ay hindi maniniwala sa ipinangako ni Pacquiao dahil wala akong makitang malinaw, malakas at matibay na ebidensiyang maghihikayat sa akin upang maniwala na kikilos si Pacquiao laban sa katiwalian at korapsyon kung sakaling maging pangulo siya ng ating bansa.

Mula nang maging kongresista hanggang maging senador si Pacquiao ay wala siyang ibinunyag tungkol sa korapsyon ng kahit anong ahensya ng pamahalaan.

Hindi nga niya binatikos ang mga kakilalang politikong kinasuhan sa Sandiganbayan hinggil sa mahigit P10 bilyong pork barrel na ikinabit kay Janet Lim Napoles.

Napakatahimik nga ni Pacquiao tungkol sa napakatalamak na korapsyon sa Bureau f Customs (BOC) sa panahon nina Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña hanggang maging si Rey Leonardo Guerrero ang commissioner ng naturang ahensiya.

Wala ngang naging papel si Pacquiao tungkol sa pangkat ng mga immigration officer na sangkot sa iba’t ibang klaseng korapsyon, kabilang na ang P10,000 hatag ng bawat pumapasok na Intsik sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa kanila at sa sindikato ng human trafficking sa Bureau of Immigration (BI).

Tapos, ngayong malapit na ang halalan para sa pagkapangulo at pagkapangalawang – pangulo ng bansa ay pakakawalan niya ang ideyang lulutasin ng isang Manny Pacquiao ang korapsyon sa pamahalaan.

Pokaragat na ‘yan!

Wala namang lokohan.

Nakalulula nang labis ang napakatalamak na katiwalian at korapsyong binabanggit ni Pacquiao.

Kaya, huwag siyang mangangako nang hindi niya kayang gampanan – lalo na kung walang siyang pinatunayang laban sa isyung ito.

Ang paglaban sa korapsyon ay hindi tulad ng laban ng isang taong nabuhay nang sobrang hirap tulad ni Pacquiao hanggang naging bilyonaryo dahil sa pagiging “world boxing champion” sa walong dibisyon, pagiging negosyante, singer, commercial model at siyempre pagiging politiko.

Iba ang paglaban sa korapsyon at ang karera sa boksing at iba rin ang pagiging senador.

Sa pagiging senador nga ay wala pang maningning na maipagmamalaki si Emmanuel “Manny” Pacquiao.

Pokaragat na ‘yan!

The post Napakatalamak na korapsyon lulutasin (daw) ni Pacquiao appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Napakatalamak na korapsyon lulutasin (daw) ni Pacquiao Napakatalamak na korapsyon lulutasin (daw) ni Pacquiao Reviewed by misfitgympal on Mayo 12, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.