Facebook

“Para sa mga ‘feeling privileged’, mayroon tayong batas na sinusunod” — Isko

“FOR those who are “feeling privileged,’ be it known that we are certain about our rules.”

Ito ang binigyang diin ni Manila Mayor Isko Moreno, kasabay ng kanyang pagpuri sa vaccinating teams ng lungsod sa kanilang sakripisyo sa gitna ng kasalukuyang malawakang pagbabakuna sa lungsod. Pinayuhan din ni Moreno ang mga vaccinating teams na huwag bigyang pansin ang mga nagpapakita ng sense of entitlement at binabali ang umiiral na batas sa pagbabakuna para lamang mauna sa pila.

Kaugnay nito ay muling nalagpasan ng pamahalaang lungsod ang sarili nitong record sa pangatlong pagkakataon nang makapagtala ito ng kabuuang 16,261 na dami ng nabakunahan sa loob ng isang araw.

Ang vaccinating teams ng lungsod sa pamumuno ni Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold Pangan ay nagtatrabaho sa loob ng 14 – oras kada araw simula alas-6 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi upang makapagbakuna ng mas maraming tao sa 18 designated sites.

“Ours may not be a perfect government…may never be a perfect system but what matters most is the result. Congratulations to the MHD, you continue breaking the record,” sabi ng alkalde.

“Ang iba sa inyo (MHD personnel), alam ko nakakatikim kayo ng masakit na salita sa tao dahil siguro sa pagka-inip nila, sa excitement nila o may ilang gustong makaisa, ayaw pumila nang maayos. Just continue… ‘wag nyo unawain ‘yung iilang pa–espesyal at gusto maging espesyal,” sabi ni Moreno.

Ang pahayag ng alkalde ay kaugnay ng isang social media post kung saan ang isang netizen ay nagrereklamo na hindi siya nabakunahan matapos na makatanggap ng text message. Sinasabi ng netizen na siya ay may comorbidity pero hindi siya nagdala ng katibayan na nire-require sa itinakdang reglamento ng Department of Health (DOH) na siyang nagsu-supply ng bakuna sa mga local government units.

Kini-claim pa ng netizen na siya ay may comorbidity nang mag-register siya online kaya naman nakatanggap siya ng text message para sa kanyang vaccination schedule.

“Sagutin n’yo nang tama dahil system-generated yan. Be responsible. Tandaan ninyo kayo ang sumasagot sa form hindi kami, lalo na sa medical history,” ayon kay Moreno kasabay nang pagsasabi na ang pre-registration ay hindi garantiya upang mabigyan ka ng special treatment, ito ay para maging mabilis ang proseso dahil ang kailangan na ipakita ay ang QR code, kumpara sa mga walk-ins na gumugugol ng oras sa pagkuha ng detalye sa site.

“Sa mga individual na gusto maging special sila, intindihin sana ninyo ang sakripisyo ng mga taong-gobyerno para lamang mailigtas ang bawat Batang Maynila. Sa mga doktor, nurses, encoders, vaccinators and other people involved in the vaccination program, carry on,” ayon sa alkalde.

“Naawa ako sa MHD. Nasaktan kalooban nila sa sinabi na para ba daw walang sistema, Di po totoo. Me iba kasi, hindi nagbabasa..di sanay sa pantay-pantay na pagpila. May iilan gusto special sila, feeling privileged. No, we are certain about our rules,” dagdag pa ni Moreno.

Binanggit ng alkalde ang napanood niyang video, may dalawang linggo na ang nakakaraan, kung saan makikita ang billionaire tycoon na si Jaime Zobel de Ayala na nakapila at nakaupo sa isang silyang monobloc habang naghihintay ng kanyang bakuna. Ito aniya ang dapat na pamarisan.

Ayon pa kay Moreno, sa yaman ni Ayala ay kayang-kaya nito na umarkila ng eroplano na magdadala sa kanya sa Amerika para doon magpabakuna, pero hindi niya ginawa.

“He has shown us humility, compassion and understanding. Sabi niya, lahat naman tayo Pilipino. Yun ang dapat na kopyahin natin,” pagbibigay diin ni Moreno.

Matatandaang dineklara ni Moreno na pagdating sa pagbabakuna ay walang holiday sa Maynila at tuloy-tuloy lamang ang bakuna, kahit Sabado at Linggo at pinahaba rin sa 14-oras ang operasyon sa lahat 18-vaccination sites mula alas-6 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi. (ANDI GARCIA)

The post “Para sa mga ‘feeling privileged’, mayroon tayong batas na sinusunod” — Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
“Para sa mga ‘feeling privileged’, mayroon tayong batas na sinusunod” — Isko “Para sa mga ‘feeling privileged’, mayroon tayong batas na sinusunod” — Isko Reviewed by misfitgympal on Mayo 18, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.