HINDI makapaniwala ang isang piloto na ang mismong On-the-Job trainee pa nito ang magiging dahilan upang matangayan siya ng napakala-king halaga ng pera matapos tangayin ng huli ang ATM card nito na ginamit sa pag-withdraw mula sa isang bangko sa Pasay City.
Sa ulat na ipinadala ni PIID Inspector Jesus Ducusin, OIC, Police Investigation Section, kay Airport Police Department ( APD ) chief Col. Adrian “Joey”Tecson, kinilala ang biktima na si Sahl Andrew Onglatco, 33 anyos, may-asawa, CEO ng Sky Aerotrade at nakatira sa Southland Enclave Palace Extension, BF Homes, Las Pinas City.
Positibong itinuro ng biktima ang suspek na si Danilo Huerto Jr., 24, binata, ng 1317 Sisa St. Sampaloc, Manila. Isang OJT trainee si Huerto ng nasabing kumpanya.
Ayon sa report, napansin ng biktima na tila nawawala ang Metro Bank ATM card nito kaya’t agad na ipinagbigay alam sa bangko upang malaman kung nagkaroon ng pagbabago sa ATM transactions nito.
Halos hindi makapaniwala si Onglatco nang malaman mula sa isang bank official na nabawasan ng P450,000 ang laman ng ATM card kaya’t agad nitong pinaputol ang lahat ng transaction ng card. Hiniling din ng piloto na tingnan ang CCTV footage ng bangko upang malaman kung sino ang maaaring makilala nito.
Pinalad na mamukhaan ng biktima ang suspek sa CCTV na pumasok sa bangko at nag-withdraw, dahilan upang paghinalaan na responsable sa pagnanakaw ng pera.
Agad ipinag-utos ni Police Intelligence and Investigation Division( PIID ) chief, Major Jaime Estrella, ang agarang pag-aresto kay Huerto sa Salem Complex, ‘di kalayuan sa Manila DomesticTerminal 4.
Sinampahan si Huerto ng mga kaukulang kaso sa Pasay City Prosecutors office.( Jojo Sadiwa)
The post Piloto ninakawan ng trainee sa ATM card appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: